[figure skating] that thing called pag-ibig (2/4)

Dec 06, 2014 22:13



<< 1

Yuzuru

Tama nga, naghihintay si Michael sa labas ng campus, nakaupo doon sa bench. Nakatingin siya roon sa rebulto ng patron saint ng paaralan nila na parang iyun ang pinaka-nakakawiling bagay sa buong campus. Sinadya niyang umubo para makuha ang kanyang atensyon, at buti na lang ay napatingin yung lalaki sa kanya. “Ano gusto mo?” tanong niya.

Napakamot ng ulo si Yuzuru. Hindi siya makapaniwalang sasabihin niya ito, pero … “Sasama na ako sa yo,” sagot niya. “Papuntang Leyte.”

Lumiwanag ang mukha ni Michael, ang ngiti niya pinapakita ang gilagid niya. Shet. Cute rin tong batang to. Parang may mga lumilipad na paru-paro sa sikmura niya, pero pinili na lang niyang wag itong pansinin. Delikado to.

“Hindi dahil hinalikan mo ako, ha,” mabilis niyang dinagdag. “Patutunayan ko lang sa yo na hindi totoo yang true love na yan.”

“Ah, talaga. Tingnan natin kung sino ang nagsasabi ng totoo.” Tumayo siya at inayos ang backpack niya. “Tara? Ibu-book pa kita ng flight.”

Tumango si Yuzuru. Hindi niya alam kung ano ang papasukin niya, pero whatever. YOLO na lang.

Sa kasamaang palad, ubos na ang flights papuntang Leyte. Nakaupo lang si Yuzuru sa kotse, silang dalawa ni Manong Dai pinakikinggan si Michael na nagmamakaawa sa kausap niya sa telepono na baka meron pang seat sa flight niya. Pero mukhang hindi siya magtatagumpay. Ilang minuto na ang lumipas bago maramdaman ni Yuzuru na nakatingin si Manong Dai sa kanya. “Ano?” tanong niya.

“Ser, sigurado ba po kayong sasamahan niyo siya?” tanong ni Manong Dai. “Mahirap tong ipaliwanag sa nanay at ate mo.”

Sa totoo lang, hindi rin alam ni Yuzuru kung bakit siya napapayag eh. Ayaw niyang paniwalaan na dahil sa halik yun. Pero kasi kakaiba lang ang mga pangyayari … ewan. Bahala na. “Manong, I’m eighteen years old. I can make my own decisions na. Sure akong gusto ko siyang samahan.”

Nagbuntunghininga si Manong Dai. “O, sige,” sagot niya. “Basta, itetext mo lang ako bawat oras, ha? Hindi pa naman uuwi sina Ma’am mamaya, so hindi ko muna sasabihin.”

“Sige. When they ask, tell them na lang I’m with Misha …” Napatigil siya. Close pala si Misha at yung nanay niya. Delikado yun. “Actually … tell them na lang I’m with Keiji. Nagvi-video games, or something.”

Narinig nila ang iritang buntung-hininga ni Michael na binaba ang cell phone niya. “Wala na silang seats doon sa flight ko,” ibinalita niya. “Yung seat na kinancel ng dapat kasama ko, nakuha na rin …”

“May iba ka dapat na kasama sa Leyte?” hindi mapigilang itanong ni Yuzuru. “Sino?”

Napatigil si Michael, parang biglang lungkot ang bumalot sa kanyang mukha. “Best friend ko sana …” sagot niya, mahina ang boses. “Kaso, lumipat na siyang Malaysia …”

Na-guilty bigla si Yuzuru. Nag-book pa si Michael ng flight, tapos di siya matutuloy sa Leyte dahil sa kanya. Tapos isang taon pa ang susunod na blue moon. (Di niya aaminin na nag-Google siya tungkol doon kanina.) Napatingin siya kay Manong Dai, “Manong, paano pa ba pumuntang Leyte?”

Ngumiti ang kanyang driver. “Ser … meron pang ibang paraan.”

Michael

Papunta na siya ng Leyte. Ilang beses nang inuulit ni Michael ang pagkaunawang yan nang paulit-ulit, at hindi pa rin siya makapaniwala. Pagkatapos ng isang taong nananaginip nang gising, eto na siya, papunta sa blue moon para makita ang kwentong ibigan nina Yuna at Patrick. Ninenerbyos siya na nae-excite. As if hindi pa halata.

Nakaupo siya sa likuran ng kotse ni Yuzuru, at ang kanyang driver na si Manong Daisuke (Manong Dai na lang daw, for short). Hindi na kasi niya ma-book si Yuzuru sa flight niya pa-Leyte, kaya minungkahi na lang ni Manong Dai na ihatid sila sa bus station. Matatagalan nga lang sila ng biyahe, pero makakaabot sila sa blue moon. Nanghihinayang nga lang siya dahil sa ginastos niya para sa flight (kahit piso fare lang yun), pero bahala na.

Yuna at Patrick, makikita ko na rin kayo.

Binaba sila ni Manong Dai sa bus station, at siya na rin ang nagasikaso ng pagbili ng tickets para sa kanila. “Text po kayo sa kin bawat oras, ha?” sabi niya kay Yuzuru. “Tatawagan din kita para siguradong ligtas ka.”

“Don’t worry, Manong, I can take care of myself na,” sagot ni Yuzuru with a roll of his eyes.

Napatawa si Michael. Parang spoiled na bata si Yuzuru. Then again, yung pagsasalita niya, yung paaralan niya … Rich kid talaga. Mabuti na nga lang talaga napapayag niyang sumama si Yuzuru sa kanya sa Leyte, kahit na may pag-aalinlangan siya sa buong kwento ni Yuna at Patrick.

Medyo biglaan nga lang yung paghalik niya kay Yuzuru. Hindi nga niya alam kung bakit nagawa niya yun eh. (First kiss pa din naman niya yun.) Desperado lang siguro siya na may kasama papuntang Leyte. Palibhasa yung nangakong sasama sa kanya lumipad ng Malaysia. Julian naman kasi eh … Wala na rin kasi siyang ibang kilala na pwedeng hilahin, at si Yuzuru ang pumasok talaga sa isipan niya. Parang … gusto talaga niyang ipakita na totoo ang true love, na pwedeng magmahal ng iisang tao habangbuhay.

“Ser Michael,” biglang banggit ni Manong Dai sa kanya. “Alagaan niyo po si Ser Yuzuru, ha?”

“Siyempre naman, Manong. Cross my heart, babantayan ko si Ser Yuzuru mo.” Nag-ekis siya sa kanyang dibdib para pangdiin.

“Salamat po.” Nakahinga nang maluwag ang driver bago magpaalam sa kanila.

May isa’t-kalahating oras pa bago sila papayagang sumakay ng bus. Tumambay muna sila sa malapit na bilihan para bumili ng makakain habang bumibiyahe sila. Napabili na rin si Yuzuru ng toiletries para sa halos tatlong gabi nilang paglalakbay.

Pagkatapos ay umupo sila sa waiting area, malapit sa grupo ng tatlong lalaking mukhang galing pang 7-Eleven. Yung isa sa kanila naglabas ng bote ng rum saka nagbuhos ng alak doon sa jumbo-sized cup ng isa. Ang kanyang mga mata ay namumula, halatang nangangailangang uminom para makalimutan ang kasawian, kahit panandalian lang.

“Han, pasensya na hindi kami makakasama,” sabi ng isang kaibigan, inakbayan yung sawi.

“Okay lang yan!” sagot ni Han, halatang nakainom na nang marami. “Kailangan kong maglakbay mag-isa, hanapin sarili mo, kalimutan yang si Zijun na yan.”

“Pare, si Zijun ang nawalan, hindi ikaw,” banggit ng pangalawang kaibigan. “Mas gwapo ka kaya dun kesa sa bagong syota niya.”

Masyadong malungkot ang usapan, at ayaw muna yung pakinggan ni Michael. Sa halip, nilabas niya ang liham ni Yuna kay Patrick. Makita pa lang niya ang “Aking Patrick” ay napapangiti na siya. Lalo pa siyang nae-excite na makita ang magkasintahan.

“Binabasa mo pa rin yan?” biglang tanong ni Yuzuru. Nakasara na yung Candy Crush app sa phone niya. Naubusan na ata siya ng moves.

“Bakit, hindi ba pwede? Kung excited ka sa isang bagay, di ba wala kang pakialam kung ulit-ulitin mo ang pagbabasa o pag-iisip sa bagay na yun?”

Hindi yun sinagot ni Yuzuru. Sa halip ay nagbuntunghininga siya at sinaksak ang earphones niya sa cell phone niya. “Alam mo, may masasaktan at madi-disappoint sa blue moon na yan.”

Pero hindi pa rin natitinag si Michael. Maganda ang pakiramdam niya sa biyaheng ito. “Tingnan na lang natin,” hamon niya bago ipagpatuloy muli ang pagbabasa.

Sa wakas ay pinasakay na sila sa bus. Unti-unti sa biyahe ay kumonti ang mga gusali hanggang sa lalong naging asul ang himpapawid at berdeng burkid na ang nakikita niya. Eto na talaga. Papunta na sila para makita ang blue moon.

Natawa siya nang iniangat ni Yuzuru ang cell phone niya sa may bintana, kumukuha ng litrato ng view. “Turistang-turista ka, ha,” puna niya. “Nasa Instagram mo na ba yan mamaya?”

Madaliang binaba ni Yuzuru ang cell phone niya, namumula ang mukha sa hiya. “Eh … kasi … ngayon lang ako nakasakay sa ganito eh.”

Bakit hindi yun nakakagulat sa kanya? Natawa ulit siya at hinablot ang cell phone. “Tara, picturan kita.”

“Hala, wag na!”

“Sus, pakipot ka pa!”

Lumagpas ang ilang oras na ganito sila, nagbibiruan, nagtatawanan, nagkukuwentuhan. Akala ni Michael na maraming irereklamo si Yuzuru tungkol sa biyahe in general, pero so far, wala naman. Buti naman. Ayaw din niya pagsisihan ang pagpili ng kasama na makakasira ng experience niya sa blue moon. Kahit na hindi sila magkasundo ni Yuzuru sa true love, at least nakikisama naman siya sa biyahe.

Nakatulog si Yuzuru, ulo nakasandal sa bintana. Gusto sana kunan ni Michael ng litrato (para pang-blackmail), pero napunta ang kanyang atensyon sa nakaupo sa kabilang pasilyo. Si Han nakadungaw sa bintana, mahigpit ang kapit sa 7-Eleven jumbo cup niya na mukhang bagong refill ng alak. Hindi rin nakakatulong sa mood na One More Chance yung pinapalabas sa TV ng bus, yung boses ni Bea Alonzo naghihinagpis ng “Sana ako pa rin. Ako na lang. Ako na lang ulit.”

Kinalabit niya ang manong na katabi ni Han. “Excuse me, manong,” bulong nito. “Pwedeng palit muna tayo sandali?”

Tumango ang manong at nagpalitan sila ng upuan. Hindi napansin ni Han na nagiba na ang kanyang katabi, ang kanyang pagtingin niya sa kawalan. May paghatak sa damdamin ni Michael, at gusto niyang ibsan ang kalungkutan ng katabi. Pero paano …?

May naisip siya. Inilabas niya ang liham sa kanyang bag at nagsimulang magbasa. “Aking Patrick,” panimula niya. “Natatandaan mo pa ba noong mga bata tayo? Lagi nating isinusumpa sa buwan ang mga pangarap natin, kung anu-ano lang … kahit anong pangarap … Tapos ang sabi mo, ang sabi ng mga matatanda, kung sino man ang kasama mo sa ilalim ng blue moon, siya ang makakasama mo habang-buhay.”

Pagkatapos basahin ang unang talata ay napatingin siya kay Han. Nakatingin na sa kanya ang lalaki, mukhang curious sa binabasa niya. “Ano yan?” tanong niya. Medyo pumi-piyok-piyok pa siya dahil sa tahimik na pagiyak.

“Ang kwento nina Yuna at Patrick,” ang kanyang sagot. “Magkikita sila sa Linggo, sa ilalim ng blue moon.”

“Ah.” Nagsalumbaba si Han at napatingin ulit sa tanawin sa bintana. “Ang romantic naman. Buti pa sila, may ganyang kwento.” Nagbuntunghininga, hindi man tinangkang itago ang kanyang kalungkutan.

“Hindi naman sa tsismoso ako, pero … ano ba po nangyari sa inyo?”

“Eto … nagmahal. Nagmahal tapos nasaktan.” Sumipsip siya sa straw. Pagkatapos noon ay lumabas na ang kwento ng kanyang kalungkutan. Ang kanyang ex-girlfriend na si Zijun. Seven years na silang magkasintahan. Nag-propose siya pero sabi ni Zijun di pa siya ready. Okay lang naman daw-nasa law school kasi si Zijun at gusto muna niya mag-focus sa career. Kaya naman niya maghintay. Pero isang buwan pagkatapos niya mag-propose ay nakipag-break sa kanya si Zijun.

“Tapos, ayun, nag-check ako ng FB niya,” patuloy ni Han, nakailang sipsip na sa inumin niya. “May bago na siyang syota. Three months pa lang sila ngayon, pero ikakasal na sila. Hindi naman gwapo, mas mukhang high school kesa bagong graduate ng kolehiyo. Di graduate ng UP, tulad ko. Ang talent lang makaubos ng sandamakmak na McSpicy sa loob ng sampung minuto. Sabi nga nila, mas okay pa rin ako, kasi mas matalino ako. Pero hindi eh. Kung mas magaling ako kesa doon sa bagong syota ni Zijun, eh bakit siya ang pinili, hindi ako?” Napasinghot siya at pinunas ang kanyang mga mata.

“True love,” ang sagot ni Michael.

Kumurap si Han sa sagot. “Ha?”

“True love,” inulit ni Michael. “Hindi nga siya kasingtalino mo, pero siya pa rin ang pinili ni Zijun. Ayan ang true love.”

Tumahimik si Han, at hindi na niya pinigilan pa ang mga luha niya. “Oo nga …” sagot niya, mahina ang boses. “Siguro yun nga …”

Bigla na lang naramdaman niyang may kumalabit sa braso niya. Si Yuzuru yun, mukhang bagong gising at naiirita. “Anong ginagawa mo diyan? Bumalik ka nga rito!”

“Pero …”

“Punta ka na doon,” sabi sa kanya ni Han. Nakangiti siya, ang unang beses niyang ngumiti simula nang makita siya ni Michael. “Hinahanap ka ng boyfriend mo.”

Naramdaman ni Michael ang biglang pag-init ng kanyang mukha. Ano kamo? Boyfriend?! “Hindi ko siya boyfriend,” mabilis niyang sagot.

“Thank you,” patuloy ni Han, hinawakan ang kanyang balikat. “Sana ay mas maging matagumpay ka sa pag-ibig.”

“Um …”

“Michael,” mahigpit na ang tono ng boses ni Yuzuru.

Tumango si Michael at nginitian si Han bago makipagpalit ng upuan sa manong.

Nag-stop over ang bus sa kalagitnaan ng kanilang biyahe para makakain ang mga pasahero, makapag-CR, at makapag-stretch pagkatapos ng ilang oras na nakaupo lang. Nagugutom na raw si Yuzuru, kaya dumaan muna sila sa Jollibee para mag-meryenda. Doon nagtanong si Yuzuru, “Ano bang pinapagusapan niyo ng lasing na yun?”

“Bakit, nagseselos ka ba?” tanong ni Michael nang pabiro.

Pangungutya ang tunog na lumabas kay Yuzuru, muntikan nang masamid sa kanyang Coke. “Aba, selos agad? Di ba pwedeng curious lang?”

Natawa si Michael; aba, parang eto rin yung sinabi niya dati. “Sawi kasi si kuya,” sagot niya. “Kinausap ko lang.”

“Natulungan mo ba?”

Lumingon-lingon si Michael sa paligid niya, dahil baka si Han dumaan sa mesa nila. Wala naman. “Hindi … pero at least makapag-open-up siya sa ibang tao.”

“Habit mo talaga yan, no? Meddling in someone’s personal affairs?” Wala namang tono ng pagiinsulto si Yuzuru.

“Ayaw mo yun? At least nagkakilala tayo.”

Napatigil si Yuzuru sa kakainin niyang fries, ang kanyang mukha namumula. Magsasalita na sana siya nang biglang nag-ring ang cell phone niya. Parang nakakita siya ng multo nang makita niya ang caller ID at bigla-biglang sinabihan siya ng, “Alis na tayo in a bit” bago sagutin ang phone at sabihing “Hi, baby~”, tumayo at lumabas ng Jollibee.

Napabuntunghininga siya, tumawag ng staff para i-take out yung fries na hindi pa niya tapos kainin. Bigla siyang nawalan ng gana. Eh, bakit hindi? Kausap na naman ni Yuzuru yung conyo niyang boyfriend or … kung anumang status ng relationship nila ngayon. Teka, inisip niya. Bakit ba ako affected?

Nagulat siya nang may boses na sumagot sa utak niya. Shit, baka nga weird talaga siya. Iisa lang naman ang ibig sabihin nun …

Pero bago pa niya marinig ang sagot, narinig niya ang malakas at malutong na pagmumura ni Yuzuru sa labas ng Jollibee.

… Uh-oh.

Yuzuru

Si Misha ang tumatawag. Shit. “Alis na tayo in a bit,” bilin niya kay Michael. Tumayo siya at naglakad palabas ng Jollibee para sagutin ang tanong. “Hi, baby~”

“Baby.” Ang boses ni Misha hindi yung pa-sweet; mas seryoso. Yung boses na ginagamit niya pag binabalak niyang patayin ang bagong nilalandi ni Yuzuru. Parang nung kay Soyoun. Parang nung kay Haruka. Parang nung nag-bar sila tapos hindi si Misha yung ka-MOMOL niya … “Baby, where are you? You didn’t show up in the tambayan.” Sabay gasp. “Oh my god. Are you with that higad?”

“... Ha? Higad?”

“You know? Yung may higad na eyebrows? Don’t tell me you’re with him!”

Ay shit. Hindi siya nakagawa ng excuse para kay Misha. Nagpaalam lang siya kay Manong Dai. Ano ba naman yan. Dapat pinagplanuhan niya to nang maigi. “No, baby I’m so sorry,” sagot niya. “I got so tired I went home and slept na. You know naman, na-jet lag ako from the flight. I was so tired I forgot to tell you.”

Super effective ulit. “Awww, baby~” mas naging malumanay ang boses ni Misha. “Oo nga pala, you’re tired. Do you want me to come over? I can help you relax …”

Putangina. Teka. Hindi pwede. Wala ako sa bahay. “No, baby, no need na. I think I’m getting a cold na rin.” Pakunwari siyang umubo, nagdadasal na pang-FAMAS ang pag-arte niya. “I don’t want my baby to catch what I have.”

“Awww, you’re so sweet! Sige, I won’t come over your house until you get better. Pero you go get checked up with the doctor, okay? Baka bird flu yan or … ano ba yun … enola?”

“Okay, baby. Thanks for understanding.”

“Go rest na. I love you.”

Napatigil siya. Weird, kasi usually automatic ang sagot niya tuwing naga-”I love you” si Misha. Baka sa panic lang kaya nag-blangko siya. “I love you, too,” sagot niya saka tinapos ang tawag.

Mabilis ang sumunod na pangyayari. Biglang may patakbong sumalisi sa kanya, at may naramdaman siyang sakit sa kanyang kamay, na biglang dumaan dahil biglang naglaho ang kanyang cell phone. Nang matauhan siya, nakita niya ang isang manong na nadapa pero mabilisang tumakbo paalis.

Saka siya napasigaw: “Hoy, gago! Magnakakaw! Akin yang cell phone ko!” Napatakbo siya; parang hindi siya yung nasa katawan niya dahil madali siyang mapagod at shit oo nga pala may asthma siya. Pero adrenaline ang nagpapatakbo sa kanya na para bang hindi siya hinihika, at mabilis niyang nahabol ang snatcher na kinukuyog na ng taumbayan. Madalian niyang kinuha ang cell phone niya at uupakan na sana niya ang snatcher kung di lang siya nahawakan agad ni Michael.

Saka siya inatake.

“Yuzuru!” nag-aalalang sigaw ni Michael, medyo humigpit ang kapit sa kanyang mga braso. “Sino may paper bag?” sigaw niya sa mga tao. “At may tubig?”

Iniupo siya sa malapit na bench at binigyan ng paper bag para doon siya huminga. Nang nag-normal na ang kanyang paghinga ay binigyan siya ng bote ng tubig ni Michael, na paunti-unti niyang ininom. Hindi niya tinanggal ang kanyang pagtingin sa cell phone niya, kahit na hawak-hawak ito ni Michael.

“Okay ka na?” tanong ni Michael pagkalipas ng parang ilang oras. Nagsialisan na ang mga usisero, at may pulis na nakatambay malapit sa kanila. “Dinala na nila yung snatcher sa presinto. Pinapapunta ka roon para magpa-blotter.”

Umiling si Yuzuru, hindi pa kayang magsalita. Male-late sila. Baka maiwanan sila ng bus. Pag naiwanan sila ng bus hindi na niya alam kung paano sila makakapuntang Leyte. Baka hindi na rin sila makaabot sa blue moon.

Mukhang naintindihan ni Michael, at tumingin siya sa pulis. “Manong, hindi na po siya magpapa-blotter. Nasa biyahe pa po kami, baka maiwanan po kami ng bus.”

“Sige po. Noted na lang. Ingat po kayo sa biyahe.”

“Thank you po.” Nang makaalis ang pulis, si Michael naman ang napamura nang tingnan ang kanyang relo. “Shit, dapat nakaalis na ang bus.”

Walang pakialam si Yuzuru kung galing lang siyang asthma attack, kasi bigla siyang napatayo at napatakbo ulit. Please, please, please, wag kaming iwan-

Pero huli na ang lahat. Wala na ang bus nang makarating sila kung saan dapat yun naka-park.

Putangina.

3 >>

p: yuzuru/michael, r: pg-13, f: figure skating

Previous post Next post
Up