Sep 23, 2008 15:53
Setyembre 19, 2008. Nilakad ko mula Espana hanggang Bustillos. Sa paglalakad ko sa kalyeng tumutumbok sa kung saan naroon ang bulto ng mga kapwa kabataan, nakita ko ang tuktok ng isang kotseng kulay abo na tila pamilyar. Nakaparada sa tapat ng bahay na lagi nating pinupuntahan noong bata pa ako. Hindi ko makita ang numero ng plaka dahil nahaharangan ng pedicab.
Kumabog ang dibdib ko. Sa sandaling iyon, pinanalangin ko na sana, hindi iyon ang kotseng sinakyan natin nung umagang hinatid mo ako sa eskwelahan, nung umagang nagbago ang lahat sa pagitan nating dalawa, nung umagang nag-iba nang tuluyan ang pananaw ko sa mundo nang dahil sa ginawa mo. Parang biglang bumalik ang mga alaala ng mga gabing umiiyak ako sa takot sa kung ano pa ang maaaring mangyari habang nariyan ka sa paligid at kahit nang makaalis ka na. Naalala ko ang kalungkutang nadama sa pagbibingi-bingihan ng nag-iisang taong inaasahan sanang makikinig. Muli ring bumalik ang nakakapanlumong pakiramdam nang nag-iisa. At bumuhos muli ang galit, sa iyo, sa pagsira sa tiwalang ibinigay mula pa noong nagkaroon ng muwang.
Nobyembre 26, 1997. Bata pa ako noon. Tao lang rin naman. Nasaktan. Pero natuto rin namang magpatawad. Kaya ilang saglit lang ay unti-unti rin namang nawala ang takot, lungkot, panlulumo at galit. Pero kung tatanungin siguro kung nakalimot, hindi siguro. Marami rin naman akong iba pang natutunan sa karanasang 'yon dahil 'yun din naman ang nag-udyok sa akin para lumaban at maging matapang.
Unti-unting tumambad ang numero ng plaka. 607 ang huling bilang. Iyon nga ang sasakyang hindi ko inaasahang makita. Matagal-tagal na rin mula nang umalis ka at hindi na muling nagpakita. Mahigit sampung taon. Tumingin ako sa paligid at pinakiramdaman kung nandoon ka. Hindi ko napaghandaan ang pagkakataon. Hindi ko rin alam kung makikilala mo pa ako o kung makikilala pa ba kita. Luminga-linga ako at nakilala ko ang naging biyenan mo. Parang may hinahabol na bata. Hindi ko alam kung anak mo na 'yon. Nagsalubong ng ilang segundo ang mga tingin namin. Hindi ko alam kung nakilala n'ya ako at kung alam ba n'ya ang nangyari nung umagang 'yon noong 2nd year hayskul pa lang ako.
Hindi kita nakita. Wala ka sa paligid nung mga sandaling 'yon. Hindi ko rin alam kung sasabihin ng biyenan mo na nakita n'ya ako. Pero maaaring sa mga susunod pang mga pagkilos ay dadaan akong muli sa kalyeng iyon at maaaring isang araw, muli tayong magkakaharap. Hindi ko alam kung sa panahong 'yon ay magiging handa na ako. Sana nga, tulad ng lakas ng loob na tangan ko ngayon, magkaroon din ako ng lakas ng loob sa sandaling kaharap ka na. At sana sa panahong iyon, hindi mga salita ng pagkamuhi ang masambit ko. Sana, masabi ko: "Kumusta ka na, kuya?"
Ibinalik ko ang tingin sa kalyeng tumutumbok sa kung saan naroon ang mga kapwa kabataan -- naghihimagsik at buong-tapang na nilalabanan ang pasismo at pambubusabos ng naghaharing-uri. Magkakapit-bisig na nag-aaklas para makatungtong sa Mendiola, ang sentro ng kapangyahiran ng bansa.
Derecho lang. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Taas-noo at hindi na lumingon pa. Hindi na ako natatakot. Dahil hindi tulad noon, alam ko na ngayon na hindi ako nag-iisang lumalaban. At du'n sa dulo ng kalye, nandu'n ang mga kasama. Naghihintay. At marami sila.
Mula roon, sabay-sabay kaming tutungo sa Mendiola.