Nagbabasa ako ng mga blog entries, komentaryo at kung anu-ano pa tungkol sa Eraserheads dala na rin ng kakaibang hype na lumutang simula nang mabalitaang tutugtog muli ang apat na miyembro nito sa isang reunion concert hanggang sa maganap na nga ang pinakaaabangang concert na ito noong Sabado (August 30). Bagamat nagkaroon ng ilang mga
aberya, libu-libong Pilipino pa rin ang natuwa -- at naluha -- sa pagsasamang muli ng apat.
Hindi ako actually talagang fan ng Eraserheads at hindi rin ako tulad ng kaibigang si
Tarik (peace, tarik!) na adik sa pagco-compile ng mga piktyurs, articles, posters, libro at albums na tungkol sa Eheads (mula pa noong nagsisimula ang banda hanggang sa maghiwa-hiwalay sila). Pero habang binabasa ang mga entries ng ibang tao, na-realize ko na malaki rin pala ang naiambag ng Eheads sa buhay ko. Naalala ko rin tuloy ang mga panahong nakasama at naging karamay ko ang musikang binuo nila.
Naalala ko noong nagsisimula pa lang na sumikat ang Eheads, ang mga kanta nila ang pinapatugtog namin sa kakarag-karag na sasakyan habang tinatahak ang labing-dalawang oras na biyahe papuntang Ilocos Norte sa kainitan ng summer vacation na halos matunaw na ang case ng casette tape na umaalog sa dashboard (dahil ito lang yata ang dala naming tape... haha!) Hindi ko alam kung ano at pang-ilang album iyon pero kasama rito ang mga kantang "Toyang", "Ligaya" at "Tindahan ni Aling Nena".
"Ang Huling El Bimbo" naman ang unang buong kantang natutunan kong tugtugin sa gitara na tinuro ng kaklaseng si Anna Francesca Cruz (o Yummy kung tawagin namin) noong kami ay Grade 5 pa lang sa Imma -- mas nauna pa kesa sa mas madalas na pinaka-unang natututunang tugtugin ng iba na "More Than Words" (nag-gui-guitar lessons kasi ako noon para makatakas sa terror na Music teacher... haha... at lagi akong may dalang gitara at naalala ko, sa steps pa sa labas ng St. Anne's Hall (auditorium) kami nagtutugtugan noon).
Hindi ko rin matandaan kung anong contest sa radyo ang sinalihan ko kung saan napanalunan ko ang CD ng album ng Eheads na Natin99. At dahil nga hindi naman talaga ako die-hard fan ng Eheads noon, hindi ko na rin alam kung saan napunta ang CD na 'to (dahil naka-ilang lipat na rin kami ng bahay mula nang mapanalunan ko ito). Basta ang alam ko at ang pagkakatanda ko, parang malong ang hitsura ng cover nito, na kahapon ko lang napag-alamang apat na soundwaves pala ito na sumisimbolo sa bawat miyembro ng banda. Ehehe.
At sabi rin nga sa
komentaryo ni Kerima Tariman tungkol sa Eheads, pinag-aralan din namin ang lyrics ng kantang "Ang Huling El Bimbo" (ulit) sa Humanities I sa klase ni Prof. Reuel Aguila noong 3rd year (o 4th year) college ako sa Diliman dahil kasama ito sa mga piling kantang nai-publish sa librong Linangan para talagang pag-aralan at himay-himayin sa mga diskusyon sa klase.
At dahil galing ako sa kolehiyo ng Fine Arts at nasa konseho ako ng mga mag-aaral, madalas kaming magpa-concert at kahit na The Monggols na ang banda ni Ely at dahil ako ang gumawa ng poster para sa Fine Arts Week noong 2004, hiwalay pa rin ang pangalan ni Ely sa The Monggols (kaya nasita pa ako at pinabura ni Ely ang pangalan n'ya). Ehehe.
At nang magtrabaho ako sa Creative Lab noong 2005-2006, at dahil halos araw-araw yatang pinapatugtog ni
Klaro ang mga kanta ng Eheads na "Spoliarium", "Huwag Mo Nang Itanong" at "Maling Akala" na version ng Imago, ng MYMP, at ng Brownman Revival respectively, habang buong araw kaming nakaharap sa kompyuter, nahawa na rin ako at napa-download (oops...) tuloy bigla ng mga kantang ito pati na ang original na version ng Eheads.
At hanggang sa mga taong 2006 at 2007, nung mga panahong nababagabag ako sa lablayp noong nasa NY ako, ang mga kantang "Minsan", "With A Smile", "Pare Ko" at ang version nila ng "Tuwing Umuulan at Kapiling Ka" ang paulit-ulit kong pinapatugtog (naka-loop 'to) sa mp3 player ko pagkagaling sa trabaho, habang umuulan at habang hinihintay na dumating ang tren sa subway. Naalala kong sa mga panahong ito ko talagang na-appreciate nang lubusan ang musika ng Eheads at nakapikit pa habang ninanamnam ang tunog ng bawat palo sa drums, ng bawat pindot sa keyboard, ng bawat strum at pluck ng strings sa gitara at bass at ng bawat pagbigkas sa mga liriko ng bawat miyembrong bumubuo sa banda.
At hanggang sa buong panahong naging tibak na ako, ang kantang "Para sa Masa" ay hindi nawawala sa mga playlists ko. Naalala ko lang na sinabi ring minsan ng kaibigang si
Jpaul na kahit daw ang mga hindi mahilig sa pop songs ay nahilig na rin sa pop nang dahil sa Eheads. Para kasi talaga sa masa ang mga kanta nila. Can relate ang lahat, kumbaga.
Tunay ngang kakaiba ang Eheads. Sa kanila lang yata naging masaya at mapapaindak kang talaga at mapapatapik ang paa sa love songs na may kwentong malungkot. At sabi nga ulit sa komentaryo ni Tariman, bagamat pinangangalandakan ng Eheads na "apulitikal" sila, at kahit hindi nila namamalayan, tadtad pa rin ng pulitika ang karamihan sa mga kanta nila.
At kahit naman mismo ang reunion concert (o, segue... hehe) -- ayon sa mga nabasa kong blog entries at sa kwento ng aktwal na karanasan na rin ng mga kaibigang nakapanood -- ay hindi rin maikakailang walang labis na pagpapahalaga sa kung anong uri ang iyong pinagmulan dahil ika nga ni
jam, keber na kung si borgy manotoc o si lea salonga pa ang makagitgitan mo o kung kaninong paa pa ng celebrity ang matapakan mo. Basta sa gabing 'yon, lahat ng nanonood ay pantay-pantay. 'Classless' kumbaga (at wala rin daw kasi talagang pinayagang magpasok ng DSLR kahit pa si Jay ng Kamikazee... hehe... olats nga).
Kung pinayagan lang talaga ng Department of Health (DOH) na i-sponsor ng kapitalistang kumpanya ng yosi ang reunion concert (ito kasi ang nabalitaan kong dahilan kung bakit muntik nang hindi matuloy), eh di happy na talaga ang mga may access sa internet -- hindi ko sasabihing 'lahat' dahil ang balita noon ay may quota pa rin yata ang bilang ng p'wedeng makapanood by registering online kaya "Down with Impe" na lang din talaga. Pero sige, at least, may effort na gawin pa ring pang-masa talaga ang concert. Ehehe. Sabagay, mas mura nga namang 'di hamak ang mag-internet sa computer rentals at mag-register ng ilang minuto online kesa sa magbayad ng mahigit isang libo kung natuloy sana ang sponsorship (pero ilang oras naman kaya bago ka makapag-register sakaling gan'un nga ang nangyari?) Hmm.. 'yun lang, hindi nga pumayag ang DOH kaya tuloy may krisis pang-ekonomiya rin na kaakibat ang concert para sa mga die-hard fans na wala talagang perang pambili ng ticket. 'Yun lang din, I wonder kung may kickback ba na kinita sa concert at kung meron, kanino kaya ito napunta... Hmmm. Wala lang (pero malamang siguro, mapupunta ang parte nito sa hospital bills ni Ely at sa expenses sa pagkamatay ng nanay n'ya.)
Oh well, anyway, ngayong kakatapos lang ng reunion concert pagkaraan ng anim na taong (?) palutang-lutang lang sa ere ang pangalang "Eraserheads" -- na minsa'y isa sa mga naging pinakamahalagang tagapaghubog ng musikang Pilipino -- marami marahil ang nagtatanong: Ano na pagkatapos nito?
Hindi man natin masagot ang tanong na ito, isa lang naman ang tiyak: Malaki rin talaga ang naging ambag ng Eraserheads sa buhay ko; at sa buhay ng libu-libong Pilipino; at hindi maikakaila, sa kulturang rebolusyonaryo at mapanghamon sa tradisyong represibo (kayo na ang bahala kung sasang-ayon kayo o hindi, pero kung susuriin, may katotohanan rin naman ito kahit pa'no. Hehe.)
O baka talagang magaling lang ang manager/endorser/media liaison (or whatever you call it) ng Eheads? Hehehe. Pero hinde, talagang magaling sila. Oo na, sige na. &;p