Isa sa mga kinikilalang pag-uugali ng mga Pilipino ay ang pagiging magiliw natin sa pagtanggap ng mga bisita. Naaalala ko pa ito sa aking klase ng Sibika noong elementarya na isa ito sa mga pinagmamalaking asal ng mga Pilipino. Pinapakita ng kulturang ito ang pagiging bukas natin sa ibang tao, ibang kultura, ibang bansa, o kaya sa ibang mundo. Mabilis at madali tayo makipagkaibigan dahil sa paraang ito. Subalit kahit ito ang kulturang tatak-Pilipino, ito rin ang maaaring makasira sa katauhan ng mga Pilipino.
Ang pagiging magiliw natin ay maaaring isang paraan ng pagpapaalipi sa mga bisita. Halimbawa, nagpapagod tayo para lamang makahain ng masarap na pagkain para sa kanila o kaya maihanda ang kuwartong tutulugan nila. Lilinisin ang buong bahay at itatago ang anumang sira o pangit na gamit. Gaya ng sinabi ni sir, nag-uutang pa tayo sa kapitbahay para mabili ang kinakailangan para ayusin ang bahay. Tayo ang nawawalan para lamang may maibigay tayo sa mga bisita natin. Nagmukha na ang bisita ang amo natin. Naaalala ko ang naranasan ko noong bumisita kami sa pamilya ng kaibigan ng tatay ko sa Amerika. Napilitan ang anak niya na matulog sa kuwarto nilang mag-asawa para may kuwarto para sa akin at sa kapatid ko.
Ako, ang aking kapatid, at ang anak ng kaibigan ng tatay ko
Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit nasakop tayo ng mga Kastila. Dahil nagkaroon tayo ng magandang relasyon sa mga karatig na bansa, maaaring inakala natin na magkakaroon din tayo ng magandang relasyon sa mga Kastila kaya binuksan natin ang sarili natin para maipakita na makapagkakatiwalaan tayo. Naghanda tayo para madali at maginhawa ang pananatili ng mga Kastila; sinundan natin ang anumang hiling nila para sa maayos nilang pananatili. Subalit inabuso naman ito ng mga Kastila.
Tuluyan tayong napunta sa ibaba nang masakop tayo. Naging pilit na ang pagbabahagi natin ng oras, pagod at gamit para sa kanila. Tuluyan na naging alipi tayo sa bisita natin. Hindi lamang natin pinabayaang masakop at baguhin ang sistema ng gobyerno, kundi pati ang panlipunang kaugalian ay binago rin ng mga Kastila. Kung dati, pantay-pantay ang lahat ng tao, naglagay na ng sistema ang mga Kastila at inilagay tayo sa pinakababa. Ang mga dati pang naninirahan sa lupa ang tinganggalan ng mga karapatan. Nagkaroon ng diskriminasyon sa mga babae; tulad ng sinabi ni Bonifacio na dati, marunong magbasa at magsulat ang mga babae subalit noong panahon ng Kastila, hindi na sila nakakapag-aral. Pati paniniwala ay pinabago rin natin ayon sa mga Kastila. Sinabi rin ni Bonifacio na “iminulat tayo sa isang maling pagsasampalataya.” Naniniwala na tayo sa mga paganong diyos nang dumating ang mga Kastila at ipinakilala ang Katolikong Diyos.
Sa 300 na taon, naging sunud-sunuran na lamang tayo sa mga Kastila sapagkat inabuso nila ang ating pagtanggap nang dumating sila rito. Nais lamang natin na maging maganda ang pananatili nila rito, kaya kahit nagtagal sila ng 300 na taon ay patuloy pa rin tayo sa pag-aabala para sa kanila. Patuloy nating iniisip na may importansya ang sinumang bumibisita sa bahay natin; kailangan pa natin mag-ayos para maramdaman ng mga bisita na sila ang may kapangyarihan sa kinatatayuan nilang bahay na hindi naman kanila. Dahil dito ay lumaki rin tayong iniisip na mas mataas at magaling ang mga banyaga. Maaaring ito ang naging dahilan para sa colonial mentality, subalit ibang usapan na iyon.