Alamat ng Alamat

Jun 23, 2012 10:21

Noong bata ako, nahilig akong magbasa ng mga kuwentong bayan, lalo na ang mga alamat. Ito ang mga uri ng patulang kuwento na inilalarawan kung paano nagkaroon o nagsimula ang mga tiyak na bagay sa mundo.



Bakit ang pinya ay may maraming 'mata'? Ang alamat na ito ay tungkol sa batang hindi masunurin. Nang magkasakit ang nanay niya, kinailangan niyang matutong magluto at gawin ang mga gawaing-bahay. Isang araw, hinahanap ng bata ang sandok para magsimulang magluto. Nagalit ang nanay niya dahil alam niyang tamad at makakalimutin ang anak niya. Sumagot ang nanay na sana tubuan ng mata ang buong katawan ng bata para mahanap niya ang sandok. Biglang nawala ang bata at nakita na lamang siya ulit noong may nakita silang kakaibang prutas na tumutubo sa likod ng bahay na may maraming ‘mata’. Kahawig nito ang di masunurin na bata at dito nagsimula ang buhay ng pinya.



Totoo pala ang kasabihang 'abot-langit'. Noong araw, ang langit ay nasa layong kayang abutin ng mga tao, kaya madaling kausapin ang mga diyos. Mabilis marinig ang mga panalangin nila at mabilis ding ipinatutupad ito. Lumaking tamad ang mga tao dahil nakukuha nila agad ang lahat ng gusto nila, kaya nagkaroon ng kasunduan na bibiyayaan lamang ng mga diyos ang mga taong nagsisikap. Nagsikap ang mga tao at naging mabuti ang kanilang tanim para sa buong taon. Nagsaya ang mga tao sa pamamagitan ng piesta. Habang ginagawa ang Sayaw ng mga Mandirigma, natusok ang isang diyos nang hindi sinasadya nang iniangat ang hawak na sibat. Lalong nagalit ang mga diyos at tuluyan na silang lumayo sa itaas. Mula noon mahirap na silang abutin at mahirap na rin iparinig sa kanila ang mga panalangin ng mga tao.




Sinong mag-aakala na dating tao pala ang Bulkang Mayon? Ito ay tungkol sa buhay pag-ibig ni Magayon, ang anak ng datu. Maganda ang ibig sabihin ng pangalan niya sapagkat siya ang pinakamagandang dalaga sa lugar niya. Marami siyang manliligaw, subalit tanging si Ulap lamang ang nakabihag ng puso niya dahil iniligtas niya si Magayon noong muntik na siyang malunod sa ilog. Nagalit si Hepe Pagtuga, isa sa mga manliligaw, nang ikakasal na sina Magayon at Ulap. Binihag niya ang tatay ni Magayon at para pakawalan siya ay kailangan sila ni Magayon ang ikasal.

Nang dumating si Ulap upang tigilin ang kasal, nagkaroon ng away sa pagitan ng dalawang panig. Umulan ng mga pana at namatay agad si Hepe Pagtuga. Diretso sa puso ni Magayon ang tama ng ibang pana kaya namatay rin siya agad. Niyakap ni Ulap ang namatay niyang kasintahan bago rin siyang bawian ng buhay. Inilibing nang magkasama sina Magayon at Ulap kasama ang mga naibigay na regalo ni Pagtuga. Tumubo rito ang isang bulkan. Tuwing pumuptok ang bulkan, sinasabi na nagagalit pa rin si Pagtuga sa nangyari. Ang Pagtuga sa Bicolano ay ‘pumuputok na bulkan’. Gumanda ang hugis ng bulkan pagkalipas ng panahon. Inihambing ito sa kagandahan ni Magayon kaya ipinangalan itong Bulkang Mayon. Tuwing magkadikit ang ulap sa bulkan ay sinasabing muling nagsasama sina Magayon at Ulap. Tuwing umuulan naman ay sinasabing umiiyak si Ulap sa pagkamatay ni Magayon.




Anong mangyayari kung ang nakuha mong damit ay hindi sa iyo? Ito ang nangyari kina Kalabaw at Baka. Noong araw, magkaiba ang itsura nina Kalabaw at Baka. Itim ang damit ni Baka at kayumanggi kay Kalabaw. Nagtatrabaho sila sa bukid ni Mang Damot buong araw nang walang ligo at pahinga, kaya pagod sila at mabaho. Nang nakatakas sila sa maramot na magsasaka, tinanggal nila ang mga damit nila at naligo. Bigla naman dumating si Mang Damot na naghahanap sa kanila. Nagmadali silang umalis at naghiwalay para hindi sila mahuli.

Napansin ni Kalabaw na sumikip ang kaniyang damit. Nakita niya na nakuha pala niya ang itim na damit ni Baka. Napansin naman ni Baka na lumuwag ang damit niya, lalo na sa leeg. Nakuha niya ang kayumanggi na damit ni Kalabaw. Hindi na sila nagkita muli, kaya mula noon, itim ang mga kalabaw at kayumanggi o puti ang mga baka.

Nailalahad ang mga alamat ang isang panig ng kultura ng Pilipino. Napagtanto ko na ang alamat ay hindi lamang isang uri ng kuwentong bayan, kundi isa rin itong panitikan ng pagtatapat. Nagtatapat ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga alamat na may mga ilang bagay sa mundo na mahirap ipaliwanag kung bakit ganiyan ang mga katangian nito; na ang paraan lamang na masagot ito ay gumawa ng kuwento at bigyan ng relasyon ang mga iba’t ibang bagay sa paligid. Bago dumating ang Rebolusyon ng Industriya, sa kailikasan nagdedepende ang mga Pilipino, kaya karamihan ng mga tauhan ng alamat ay mga anak ni Inang Kalikasan.

Galing sa alamat ng pinya, nabigyan ng relasyon ang parte ng katawan natin sa prutas, na wala talagang koneksyon. Sa alamat ng langit at lupa naman, napakita rito ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga diyos o sa mga malalakas na nilalang na nagdidikta ng buhay nila, ngunit nasasalat ang mga diyos dito. Hindi rin naman mawawala ang romansa bilang paksa sa Alamat ng Bulkang Mayon. Naipapakita rito na ang kapangyarihan ng pag-ibig ay nakaka-gawa ng mga magagandang tanawin. Para naman kina Kalabaw at Baka, naging damit ang kanilang balat; madaling tanggalin at madaling palitan.



Tulad ng mga pabalat ng mga librong ito, makukulay ang mga kuwentong bayan at kultura ng mga Pilipino.
Previous post Next post
Up