Ang buhay ay maraming interpretasyon at pagtutulad. “Ang buhay ay parang gulong.”, “Ang buhay ay parang roller coaster.”, "Ang buhay ay parang nakasakay sa elebeytor." Minsan, masaya ka. Minsan naman, malungkot ka. Minsan, pakiramdam mo ay nasa tuktok ka. Minsan, nakabaon ka sa ilalim ng lupa. Kung mapapansin ay lagi na lang tintingnan ang buhay sa emosyonal na aspekto. Tuwing may naaalala ang mga tao, ibinabatay nila ito sa emosyon na nararamdaman nila para gunitain ang mga pangyayari sa kanilang buhay.
Hindi ba ang sarap sumakay sa roller coaster at maramdaman ang adrenaline na umiikot sa katawan natin?
Paano kung itulad ang buhay sa isang uri ng panitikan?
Ang epiko ay kinikilala bilang isang uri ng tula na isinasalaysay ang napakahabang paglalakbay ng isang tao. Sa simula ng kuwento, ang bida ay aalis sa bahay niya upang gawin ang mga gawaing kinakailangan. Marami siyang sagabal na pinagdaraanan, at maaari lamang siya tumawid kapag natupad niya ang mga mahihirap at imposibleng trabaho.
Kung minsan, ang mga abentura na ito ay nagbubukas sa isip at puso ng bida. Ang mga ito ay nagbibigay-linaw rin sa kaniya kung ano ang tunay niyang layunin sa buhay. Sa paglipas ng panahon, marami nang nangyayari sa kanya; at dahil dito mas nakikilala niya ang kanyang sarili.
Hindi ba iyon na rin ang ginagawa natin? Laging may harang na sumasalubong sa bawat hakbang natin at malulutas lamang ito kung tayo ay magtapang at harapin ang anumang kailangang gawin. Kung suwertehin, maaari pa natin malagpasan ang mga kinatatakutan natin. Nakikilala natin ang ating sarili sa pagkilala ng ibang tao, na kung minsan ay nagiging kaibigan pa natin. Sa mga karanasan natin, natututo tayo kung ano ang tama sa mali, at kung ano ang nakakasakit o nakakapagbigay ng saya sa atin. Mahaba rin ang paglalakbay na ito, dahil hindi tayo nakasisiguro kung kailan ang katapusan ng buhay natin.
Katulad ni Prinsipe Manawari, naniniwala siya na ang buhay niya at ang mga pangyayaring nararanasan niya ay nakaayon sa Dakilang Manunulat. Ganyan din tayo. Ang buhay natin ay nakasulat bilang isang epiko na maraming ekspedisyon ang dinadaanan bago makaabot sa tanging layunin natin. Ang bawat alaala ay nakatago sa papel at tinta na ginagamit ng Dakilang Manunulat, ang Diyos.
Ang buhay ay parang epiko.
Ano na kaya ang susunod na isusulat ng Dakilang Manunulat?