ang paghihinagpis ng isang mayabang

Jun 14, 2011 23:43



ngiti pa rin kahit may dinaramdam -- hindi ba ganyan ang kwento ng aking buhay?
ibig kong isapubliko ang mga pangyayaring nagdulot sa akin ng lubos na paghihirap, pasakit, at gastos. noong sabado, lampas alas-3 ng hapon, katatapos ko lamang mag-ipon ng mahigit 4 na litro ng tubig mula sa loree-jen stream, at dagling sumunod kay sky upang tahakin ang mahaba pa at matarik na magellan trail. eto na marahil ang pinakamahirap na bahagi ng aming akyat: walang daang maituturing sa lugar na ito, at may mga pagkakataong kelangang gumapang at maglambitin sa mga kakaunting punong nakakalat sa pisngi ng kabundukan. nakaabang ako sa bukana pa lamang ng trail na hinintay kong mapalayo ng kaunti si sky. batid kong maaaring gumuho ang lupang tinatapakan nya, at magpagulong ng mga bato sa aking kinaroroonan. kaya ayokong dumikit sa kanya. sa tinagal ng aking paghihintay, hindi ko man lang napansin na ang aking kinatatayuan ay hindi matibay. mabilis ang pangyayari nang biglang bumigay ang lupa sa ilalim ng aking mga paa at humampas ang aking kaliwang balikat sa bundok. hindi ko na maalala kung bigla akong humawak sa isang puno para pigilin ang aking pagkahulog, pero ramdam kong biglang sumakit ang aking kaliwang balikat. tuluy-tuloy pa rin ang aking pagkadulas -- hinarang na lamang ako ng isa sa aking mga kasamahan. nang ako'y tumayo, batid ko kaagad ang panghihina ng aking kaliwang braso. kinapa ko ang aking balikat. hindi naman namamaga. siguro, wala namang nabali. nagpatuloy ako sa aking paglalakad kahit pa hindi ko halos magamit ang aking kaliwang kamay.

image Click to view


bahagya lamang ang nabawas sa akin ng gabing iyon. hindi ko akalaing ang kabuuan ng pasakit ay darating kinabukasan. nagising ako dakong alas-2:30 ng umaga dahil nilamig ako ng kaunti. pagbangon ko upang kunin ang aking malong ay tumalukbong sa aking buong katauhan ang sakit ng aking pagkabagsak at pagkadulas. mahigit akong isang oras na naghanap ng posisyon na walang sakit na mararamdaman. naging salat ang pahinga ng mga sandaling yun, at panay ang aking pag-ungol sa pabaong paghihirap ng aking mabigat na balikat. kinaumagahan, sumabay sa aking paggising ang kunuknukan ng pasakit na dala ng munti kong aksidente. hindi ko na maigalaw ng kusa ang aking kaliwang braso. lahat ng galaw na nagmumula sa balikat ay may dalang umaawit na sakit. kinailangan ko ng tulong upang magsuot ng damit at upang buhatin ang aking backpack. maging ang natural na pagkumpas ng kamay habang naglalakad ay may kasabay na kirot. napagtanto kong itigil ang pagkilos ng aking kaliwang braso sa pamamagitan ng pagsuot ng telang saklay.




ako'y may duda sa mga hospital -- pakiwari ko'y wala silang dala kundi karamdaman at kamatayan
dinoble ng aking pansamantalang kapansanan ang hirap at haba ng nalalabi pang lakad: kailangan ng dalawang kamay upang mabilis na makaakyat sa japanese garden, at maingat na makababa sa papaya river. pero kinaya ko ito nang isang kamay lamang ang gamit. nang makasalubong at nalampasan namin ang napakaraming freedom climber sa talibis ng mariveles, marami ang nagtanong kung anong nangyari. napagod ako sa pagpapaliwanag at minsan, sinabi ko na lang na nagpapauso lamang ako ng bagong porma upang mapansin. nais ikubli ng aking biro ang paghihirap at pasakit na dinadanas ko ng mga panahong iyon. marami ang nagtanong kung paanong nangyari sa akin ang ganito: pitong taon na akong namumundok na walang pinsala. bakit ngayon pa?




una, mahirap ang bundok ng mariveles, lalung-lalo na ang daang binutas ni sky. pero marahil, sa pagkakataong iyon, kinalimutan ko kung gaano sya kahirap, at nilamon ako ng aking paniniwala na napakahusay kong mangangakyat. sandali akong nawalan ng paggalang sa dalubhasa ng kalikasan, at hindi sya sumang-ayon sa pinagmamalaki kong karanasan. ang aking munting aksidente ay parusa sa aking pagkapabaya. marahil dahil lagi akong malayo sa disgrasya, hindi na ako natutong gumalang. pinabagsak ako ng sarili kong kayabangan. kaya ngayon, sinimulan ko na ang aking pagpapagaling sa isang malapit na hospital. dalawang araw na akong tinatapalan ng mainit, kinokoryente, pinadadaanan ng ultrasound, at pina-eehersisyo. nagpupunas ako ng dingding, at ginagalaw ko ang aking braso sa pamamagitan ng pag-ikot ng isang tambyolo. nakatulong na rin marahil ang pag-inom ko ng arcoxia.




arcoxia, aking kaibigan | pinaiinit ng kagamitang ito ang aking laman
mahirap mang maituturing ang aking kalagayan, kinatutuwa ko naman ang pagbaha ng mga katanungan mula sa aking mga kaibigan. napakarami palang nagmamahal sa akin, maraming nag-aalala, maraming nagdadasal sa aking agarang paggaling. dahil sa inyong mga panalangin, nagigiray ko na ang aking braso. hindi na rin ganon kahirap ang magsuot ng damit. marahil, hindi ko na kailangang tapusin ang 6 na sesyon ng mamahaling therapy -- kaya ko nang magpunas ng dingding dito sa bahay at magpaikot ng imahinaryong tambyolo. wag mag-alala. ilang araw lang, aakyat akong muli. parang walang nagbago.

mountaineering, filipino, injury, accident

Previous post Next post
Up