Gusto ko sanang isulat ito sa ingles. Kaya lang, sadyang hindi ko mahanap ang mga banyagang salitang tutumbas sa nararamdaman ko ngayon. Isa na naman itong akda tungkol sa iyo na hindi mo naman mababasa at hindi mo din naman maiintindihan. Dapat siguro sa simula pa lamang, naisip ko ng mahirap talaga itong sitwasyon natin. Milya-milya ang distansyang pilit nating pinaglalapit sa pamamagitan ng mga mensahe gamit ang lahat ng pwedeng gamitin sa tulong ng internet. Ang mga yakap, pilit nating dinadama kahit pa para sa atin, isang salita lang yun na nakasulat sa mga chat screen natin. Nalulungkot akong isipin na habang dito'y nagpapalit-palit ang pag-ulan at matinding sikat ng araw, ikaw naman ay naglalakad sa isang avenida habang nagbabagsakan ang mga cherry blossom sa iyong paanan. Hindi ba't isang trahedya ang malaman na hindi man lang natin sabay na nadadama ang iisang panahon?
Akala ko ayos na ako. Nakakaya kong tapusin ang isang araw na hindi ka naiisip. Nakakatulog ako ng mahimbing sa gabi na hindi ikaw ang huling inaalala. Ngunit sadyang napakahina ko pa rin pala kahit gaano ko pa gustong paniwalain ang sarili ko na kaya ko na. Isang sulyap lang muli sa larawan mo at gumuho muli lahat. Sadyang napahirap ng paglimot. Kahit ilang beses pa tayong dumadating sa puntong kailangan natin itong gawin upang isalba ang ating mga damdamin, hinding-hindi tayo kailanman man masasanay sa proseso ng pagbubura ng alaala. Sa tingin ko, imposible talaga itong magawa. Oo, kaya natin itong itago panamantala. Ibaon sa pinakalikod at pinakasulok ng ating gunita. Hahayaan natin na tabunan na tabunan ito ng alikabok. Kakainin ng panahon ang ningning nito hanggang sa mapagkamali natin ito bilang ganap na paglimot. Ngunit sa totoo, naroroon pa rin ito. Naghihintay lamang ng mga susi upang muling mabuksan at lumabas ang mga ito, tila paru-paro na nagsisiliparan palabas sa kahon ni Pandora. Naririyan ang isang kanta, ang mga kumupas na sulat, ang mga mensahe sa telepono na hindi magawa-gawang burahin, isang kaibigan na biglang magtatanong tungkol sa inyong dalawa, isang larawan. Sa totoo lang, kasalanan ko din naman. Bakit ko pa daw tiningnan, sabi ng isang kaibigan. Ngunit ano pa nga ba ang magagawa ko? Sa mga ganitong pagkakataong nangungulila ako sa iyo, kinakain ako ng kaba na baka di na kita muli pang maalala. Kaya't gaano pa man unti-unting kinukurot ako ng iyong mga alaala, gusto ko lang masilayan ang iyong mukha at umaasam na makabisado ko ang mga hugis at kurba nito. Gustung-gusto kong nakikita kang nakangiti sa mga larawan mo. Natutuwa akong isipin na kahit paano'y masaya ka kasama ng mga kaibigan mo. Natanong kita noon kung nagagawa mo ba akong maikwento sa kanila. Sabi mo sa akin, lagi mo akong bukambibig sa kanila. Nang mapagmasdan kita na kasama sila sa mga larawan, naisip ko, kailan mo kaya ako huling nabanggit sa kanila? Napansin ko, bago na naman ang gupit ng buhok mo. Mas lalo ka pang pumayat ngayon. Sabi ko sayo, kumain ka ng madami at ng tumaba ka naman kahit kaunti. Napakapayat mo na naman kase. Malamang subsob ka naman sa pag-aasikaso ng negosyo mo dyan. Saka nakita ko na nagpapatubo ka na uli ng balbas at bigote. Naalala mo ba yung sinabi ko sa iyo nas mas gusto kita kapag ganoon ang itsura mo?
Napakarami kong gustong sabihin sa iyo. Ngunit lagi't lagi akong naduduwag kapag naiisip ko na baka hindi na tayo magkatulad ng nararamdaman. Kinakain na naman ako ng takot sa posibilidad na baka ito na ang trainwreck na kinatatakutan natin. Gusto kong sabihin sa iyo na ayaw ko pang sumuko. Na susubukan kong masanay sa sitwasyon nating nandirito ako at naririyan ka. Gusto kong malaman mo na sinusunod ko ang payo mo. Inaaral ko na maging pasensyosa sa mga bagay-bagay. Pero natatakot akong malaman na baka naghihintay ako sa wala.
Sa totoo, gusto ko lang malaman mo na nahihirapan ako kapag dumarating ang mga pagkakataong ganito: kapag kumakatok ang mga alaala mo dahil lang sa isang larawan mo.