Dulot na rin ng impluwensiya ng mga kaibigan ko sa dati kong trabaho kaya nagising ang pagkauhaw kong makarating sa iba't ibang lugar. Sa totoo lang, dati ko pa gustong malibot ang buong Pilipinas. Natatakot nga lang ako nang bahagya sa magugulong bahagi ng Mindanao. Gusto ko yung may tubig, at yung maaari akong makahiga sa buhangin. Gusto ko ng bagong lugar, lalo na yung hindi matao. Kahit walang kuryente, basta may pagkain. Dati ko pa ring gusto maranasan ang umakyat sa isang bulkan, lalo na ang isa sa mga bulkan na hindi malilimutan ang pagsabog noong 1991.
Paghahanda.
Sa dami ng aking inaasikaso, bandang huli ko na nagawa ang pagbili ko ng bag at sandalyas para sa pag-akyat ng bundok. Dahil din sa mga proyekto at mga kausap na kaibigan ay alas onse na ako natapos makapag-empake at mga ganung oras na rin nakatulog.
Hindi ko alam kung sa 'text' ni Neil o sinuwerte lang talaga kaya ako nagising nang saktong ala una medya ng madaling-araw - kahit na nakalimutan kong maglagay ng alarma sa 'cellphone' ko. Swerte talaga dahil malabong magising ako agad dahil dalawang oras pa lang ang natutulog ko.
Nagulat ako na makitang hindi pumasok si Mama ng trabaho para lang mapagluto ako ng almusal at mahatid sa sakayan. Siya pa naman yung unang ayaw ako magpunta ng Pinatubo.
Pagpunta.
Sa harurot ng jeep at pagta-taxi, nakarating naman ako ng alas tres sa McDo. Doon nakipag-usap sa ilang mga kasama sa pag-akyat bago kami tumulak nang Tarlac. Sa van sinubukan ko matulog matapos ang ilang minutong pakikipagkwentuhan sa mga kasama. Madilim naman kasi ang daan kaya wala rin ako masisilip masyado sa daan.
Ang unang paghinto ay ang pag-aalmusal sa Chowking sa Tarlac. Naglugaw lang ako dahil nagmabilisang almusal na rin ako sa pagkaing hinanda ni
Mama. Lahat halos ng nandun ay nagkanin dahil sinabihan na rin kaming magugutom kami sa pag-akyat. Matapos ang kalahating oras ay nakarating na kami sa Spa Town sa Brgy Sta. Juliana, sa Capas, Tarlac pa rin. Doon na kami naglagay ng sunblock at kung hinanda na rin ang mga gamit para sa pag-akyat.
Tinanong na kung sino ang gagamit ng Skyway, siyempre dahil ang mga kasama ko naman ay matatag din ang loob, hindi yun ang pinili namin papunta at pabalik galing bundok. Sinabihan na rin namin na kami ay mag-aarkila ng bangka para sa mismong bukana ng bulkan. Ang akala namin ay magiging lima kami sa likod ng 4x4 pero tatlo kami ng aking mga kaibigan, kasama ang bangkero at tagamaneho. Sarado ang bubong ngunit bukas ang dalawang gilid ng sinakyan naming 4x4. Iyun na yata ang pinakakonti ang nasakay pero ang pinakamataas ang gulong sa lahat ng nandun na sasakyan.
Bago dumating ang araw na ito, sinabihan na kami na maaring umulan kaya napabili na rin ako ng mumurahing kapote sakaling maging masungit ang panahon (na ikinakatakot ko). Ang bumungad na umaga sa amin ay hindi ganung kaaraw at hindi rin ganung
kahangin na tama lamang. Isang oras kaming nayugyog ng mga balibaliko at mababatong daan, umakyat sa mga hukay na may mga tubigan. Maalikabok talaga lalo pa't may sinusundan kaming isa pang sasakyan. Wala pang kalahating oras ay iba na ang kulay ng aming mga dala-dalang gamit. Buti na lang at may mga dala kaming pangtakip ng aming mukha. Naging mahigpit din ang hawak namin sa mga bakal ng sasakyan ngunit hindi pa rin maiiwasan ang pagkakabungguan sa loob ng sasakyan at mga muntik-muntikan nang pagkakauntog.
Pag-akyat.
Nagkaroon ng konting kuhanan ng litrato pagkababa ng 4x4, bago kami tuluyang umusad paakyat ng bundok. Sa simula pa lamang ay pinaramdam na sa amin na hindi madali ang paglalakad, dahil sa pinong mga buhangin na aming tinatapakan. Naalala ko ang buhangin sa mga beach na napuntahan ko kung saan hirap ako lalo na kung nakatsinelas. Wala pang sampung minuto ay naramdaman na namin ang unang pagkabasa ng aming mga paa, nang kami ay lumusong sa isang maliit na tubigan na tinakdang daanan.
Naglalakad pa lamang ako ay naiisip ko na ang marami kong gustong isulat tungkol sa aming kakaiba at nakakatuwang karanasan. Namangha na kami sa mga korte ng gilid gilid ng bundok na kulay abo pa rin.
Pakitid nang pakitid ang aming mga dinadaanan habang tumatagal, parami nang parami ang puno hanggang sa marami nang tubigan at pataas kami nang pataas. Ang dating mabuhangin na daan ay tinabunan na ng mga bato. Kung hindi ka mag-iingat ay malamang ay matisod o madulas ka.
Sinusundan namin ang manong na tagagabay samin. Sa bawat grupo ay may isang tagagabay. Minsan iniisip ko kung bakit kailangan lumusong pero nag lumaon mas pinipili ko na ang paglusong kesa sa
pagtungtong sa mga hindi maayos ang pagkakalagay na bato. Ilang beses na napasukan ang aking suot na sandalyas ng bato. Masarap ding maghugas minsan sa may sapa. Pero nung huli ay parang wala na ring pakialam. Ilang beses din na halos masadsad ako sa natungtungang malaking bato. Bawat apak ay isang importanteng desisyon sa paglalakbay na ito.
Pagdating.
'WOW.' Iyan lang ang nasabi ko nang makita ko na ang tuktok ng Pinatubo. Ang sumunod na ilang minuto ay napatulala na lang ako sa pagkamangha sa aking mga nakikita. Kanya-kanyang kuha ng mga litrato ang mga nagsidatingan. Hindi ko inakalang ganung katingkad ang kulay ng tubigan. Sa kabila ng pagiging asul-berdeng kulay nito, iyun lamang ay sensyales na rin na malalim iyun talaga at hindi ko siya malalanguyan kung walang 'vest'. Nakakagulat nga lang na kailangan pa rin pala naming bumaba nang ilang palapag ng hagdanan nang tuluyang makalapit sa tubigan.
Ang aming tanghalian ay tosino at itlog kasama ng kaning pagkarami-rami. Pagkaing panggutom, ika nga namin. Kasama iyon sa binayaran namin kaya buti na lang ay hindi kami naubusan. May sawsawan na toyo at kalamansi na paborito ko ngunit hindi ko alam bakit hindi na lang ketchup ang sinama. Binigyan kami ng isang botelya ng tubig.
Matapos ang pagkain, sumakay na kami
ng bangka para gamitin ang natitirang oras sa pagbisita sa kabilang bahagi ng bukana ng bulkan. Pinakita samin ni Julius, ang aming bangkero, ang mga bahaging mausok talaga at may kumukulong tubig. Kakaiba dahil ilang bahagi lang ang makikita mo ang pagkulo. Tinuro niya rin ang bahaging sobrang mainit na. Gawa pa naman sa plastik ang bangka kaya hindi na namin pinili lumayo pa nang sobra. Akala ko ay hindi rin kami makakaligo ngunit dahil na rin sa
dalang 'vest' ng bangkero, nakalusong at nakalangoy kami kahit parepareho kaming hindi magaling lumangoy. Si Vanessa ay isang maninisid pero hindi magaling lumangoy. Si Neil naman ay mas sanay sa pamumundok. Ako, pareho kong gusto masanay.
Pagbalik.
Kahit na napahinga, naramdaman namin ang
pagod ng binti nang umakyat kami ng hagdanan pabalik. Mas naging magaan na ang pagbalik namin dahil na rin pababa at hindi na masyadong nagmamadali. Mas marami pang hinto
sa pagkuha ng litrato. Buong araw ay sinasabi ko na may saging akong dala at tinatawanan ito ng aking kasamang si Vanessa. Hindi ko na nakain ito dahil sobra pa ang nadala kong pagkain at maging si manong ay inalukan ako ng dala-dala niyang saging pabalik. Maging ang Cloud 9 na ang aking binaon ay hindi ko nabawasan. Ang aking inu
ming isang litro ng tubig ay hindi ko naman naubos din.
Sa tatlong oras na paglalakad paakyat ay
isang beses lang huminto ang grupo namin para magpah
inga at uminom ng tubig. Ganun din ang nangyari sa pagbalik.
Para ngang minsan ay nag-aantayan lang magpahinga ang isang grupo at may mga nakigaya din sa lugar na pinahingahan namin. Nag-alukan ng pagkain at nagtanungan sandali, tapos lakad na ulit. Malaking tulong ang pagkain namin ng marshmallows at cheetos na nagsilbing premyo para sa akin, matapos ang ilang oras na paglalakad nang walang pahinga.
Isang hindi makakalimutang karanasan: Araw ng mga Puso sa bulkang Pinatubo.