at heto na nga ako, nag-iimpake para pansamantalang lumipat sa siyudad upang buhayin ang aking sarili.
hindi ko napigilang umiyak sa di ko maipaliwanag na dahilan. alam ko namang makakauwi pa ako ng madalas dito. alam kong isang bus lang ang pagitan sa akin ng QC at LB. hindi ako natatakot na baka mahirap ang trabaho o dahil maraming masasamang loob daw sa Maynila. pero siguro dumating lang ang katotohanan na --- heto na yun. buhay ko na 'to. lahat ng bagay, ako na lang ang bahala. kailangan kong kumita para magkatirahan, kumain, at mabuhay. wala na akong aasahan kundi ako.
maaring lungkot na rin 'to na buong buhay ko, andito ako sa LB. maaring nasabi ko na ayaw ko na dito. gusto ko naman pumunta sa ibang lugar at tuklasin ang mga bagay na maaring makatulong sa paglago ko bilang isang tao. marami nga akong gustong iwan dito at gusto ko pa rin talagang makaalis. ngunit marami akong 'di talaga maiwan. yung buhay ko lang dito. simple. tahimik. walang inaalala. parang isang paborito mong manika. ispesyal sa'yo yun. pero darating din ang araw na tatanda ka. hindi ka na maglalaro ng manika. kahit gaano mo iyon ka-paborito. kahit gaano mo iyon ka-mahal.
marami akong ma-mi-miss.
unlimited na internet. cable. pagkain. malinis na hangin. simpleng pamumuhay. kwarto ko. mga kaibigan. mga kakilala. murang bilihin. ulan. araw. musika. damo. puno. tuko. kuliglig. buko pie. at marami pang iba. sobrang marami pa.
pero kailangan kong magpatuloy. kasi oras na. heto na ang binigay na oras sa akin ni Lord. matagal ko rin naman itong hinihingi at hinihintay. kaso di ko nakita na may hirap din pala itong kakabit. at yun ang nararamdaman ko ngayon.
pero sa kabila ng lahat ng ito, isa itong oportunidad. nabigyan ako ng magandang trabaho. nabigyan ako ng kalayaan. nabigyan ako ng mas marami at mas malalaki pang oportunidad. nabigyan ako ng pagkakataon patunayan ang sarili ko. nabigyan ako ng pagkakataong makakilala ng iba't ibang mga tao. nabigyan ako ng pagkakataong matuto sa lahat ng aspekto. kaya't ayokong sayangin. sobra-sobra na nga ito. parang hindi nga ako karapat-dapat para sa lahat ng ito. pero alam ko may tiwala Siya sa akin. kaya hindi ko Siya bibiguin. gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.
sa puntong ito, hindi pa rin ako matigil sa kaiiiyak. pasensya na kung mababaw ako. iyakin talaga ako. sobra.
wala pa akong permanenteng tirahan. wala akong alam sa mga gagawin. wala pa akong pahinga. ayus lang. heto na. simula na. wag na lang mag-isip. tuloy lang ang buhay.
simula na.
wala nang bawian.