Oops, wrong number

Mar 25, 2008 22:21

Matapos ang halos isang taong pagpapaliwanag sa lahat na ang luslos ay hindi paglaki ng isa sa dalawang balls ng isang lalaki kundi ang pagbaba lamang ng mga nilalaman ng abdomen papunta sa tabi ng mga balls ng isang lalaki, natuklasan kong wala naman pala ako nito.

Inuulit ko: Wala akong luslos o, para mas masarap namang pakinggan sa parte ko, hernia.

(isang mahabang katahimikan upang magmuni)

Sa tuwing binabanggit ko ang salitang 'luslos,' madalas akong nakakarinig ng tawa. Minsan mahina lang ito kung hindi pa kami masyadong close ng taong pinagsasabihan ko at wala pa syang karapatang kutyain ako ng harap-harapan. Ngunit kadalasan, nakakaranas ako ng mga pagtawang umaalingawngaw sa kaibuturan ng aking pagkatao at nanunuot hanggang sa aking mga buto. Kinakailangan ko pa silang saktan sa anumang pisikal na paraan habang ipinapaliwanag na nakamamatay ito kaya't hindi dapat pinagtatawanan.

Hindi ko nagagawa ang mga gusto kong gawin dahil sa takot na ma-strangulate ito at hindi na maagapan. Ayokong mamatay sa ganong paraan kaya't hangga't maaari ay iniiwasan ko ang mga gawaing gaya ng pagtakbo, pagbubuhat ng mabibigat, at ang mga mahahalay na eksenang maaaring naiisip mo ngayon. Pinapanood ko na lang ang unti-unti kong pagtaba sa harap ng salamin sa kadahilanang hindi ako maaaring mag-ehersisyo.

Halos isang taon kong nagawang bunuin ang lahat ng yan kaya't hindi ko alam kung matutuwa ba ko nang sabihin ng doktor na wala akong luslos matapos niyang salat-salatin ang aking 'danger zone.' Sa halip, ako daw ay may varicocele (ayoko nang ipaliwanag kung ano pa ito, i-wiki na lang kung gustong magkaroon ng ideya kung ano ang itsura nito *kindat*).

Merong usap-usapan, pero usap-usapan lang naman, walang pruweba, in short, tsismis, na nababaog daw ang mga may varicocele. Isang tumataginting na "ah ok" lang ang nasambit ko nang ipinaliwanag sakin ito ng doktor dahil alam ko namang hindi ako magkakaanak. Syempre gusto ko rin namang magkaroon ng anak na talagang galing sakin pero mangyayari lang naman yon kung makikipagtalik ako sa isang babae na sigurado naman akong hindi maisasakatuparan kailanman.

Pagkatapos ng naganap na salatan, tinawag ng doktor ang aking ina at nakatatandang kapatid na babae upang ipaliwanag ang aking kalagayan. Nabanggit din ang tsismis tungkol sa maaaring pagkabaog kaya't tinanong ako ng doktor tungkol rito. "Nagkakaron ka pa rin naman ng erection diba? Kapag nakikita mo si.. (nag-isip ng matagal) ..Angel Locsin?" Ginalugad ko ang kasuluksulukan ng sabsaban ng aking ala-ala dahil baka sakaling nangyari nga ito minsan sa aking buhay. Nakatingin silang lahat sakin habang naghihintay ng sagot kaya masyado akong na-pressure. Sabi ko na lang, "Mmmmmmmmmmmm.. (nag-isip ng mas matagal) ..mmmmmmmmm syempre?"

Sa lahat ng mga walang pusong taong tumawa: Mga ulupong, sinong may luslos ngayon?
Previous post Next post
Up