Ang bawat pagbigkas mo na tila walang kahulugan

Apr 05, 2008 01:47


Patibong

Marahil hindi mo lang napapansin
na ang bawat salitang nagsasakatawang-tao
sa iyong mga labi

ay isa-isang humuhukay

ng mga patibong sa daanang aking tinatahak
papalayo sa iyo.

Ang bawat pagbigkas mo na tila walang kahulugan
ay katumbas naman ng aking pagkahulog.

Hindi mahirap ang umiwas; madaling ingatan
ang aking nilalakaran
upang makalayo sa iyo,

ngunit sadyang malayo ang mga paa sa isip,
at pumapagitna ang makapangyarihan ngunit hungkag na damdamin:
mas pinipili pa nitong magpatiwakal sa mga libingang ito

kaysa tanggapin ang di-maiwasang paglayo mula sa iyo.

Previous post Next post
Up