isang gabi sa kanto ng jacinto

Jan 07, 2012 23:04

Musmos pa siya'y iisang lugar lang ang kanyang nakilala\ Para sa kanya'y wala ng ibang tatapat sa lupang kanyang kinalakhan\ Bawat bahagi at sulok nito'y tinuturing niyang piraso na siyang bumuo sa kanyang pagkatao\

Ang hanap niyang pawis noon ay natagpuan lamang sa pagtakbo kasama ng iba pang musmos na tulad niya\ Sa sulok kung saan nagkukrus ang landas ng dalawang daan niya natagpuan at naiwala ang itinuturing niyang unang pagsinta\ Sa malamig na semento nito'y minsan siyang nahiga upang pagmasdan ang liwanag sa madilim na langit dulot ng buwan at mga tala\ Doon sa mabatong lupa niya unang naranasan ang hapdi at sakit ng pagkadapa\ Ang lupang iyon na siyang nakasakit sa kanya ang siya ring kumalong sa mainit na patak ng kanyang mga luha\ Dito'y natutunan niya na pagkatapos ng panandaliang kirot ay matutong bumangon mag-isa\

Sa paglipas ng panahon ay halos gabi-gabing ipinagluluksa niya ang dahan-dahang pagbabago ng lupang ito\ Sa pag aakalang nilimot na at tuluyang nilisan ng mga tao at bagay na minsang nag-bigay liwanag at saya rito\ Di magtatagal pala'y matatapos din ang lahat ng kanyang panghihinayang at pangamba\ At sa pagkakataong ito'y di na siya muling maiiwang mag-isa sa lupang minahal niya\ Dahil anu mang oras mula ngayon'y siya na mismo ang iiwan at magpapaalam na tila wala ng babalikan pa\

Ang buhay nga naman sadyang walang kasiguraduhan\  Sa pag sasara ng isang pintuan ay magbubukas ang marami pang panibagong posibilidad na wala ring siguradong patutunguhan\

Balang araw ay estrahero na siya\ Ang dating musmos ay di na bata lang ngayon\ Muli'y sa alaala na lamang niya sasariwain ang lahat\ Aasang kung siya'y magbabalik pa ay makikilala pa ng lahat\ Aasang kahit man lamang sa isip niya, ay muli siyang mapaparoon sa lupang kanyang minsang kinalakhan. 

tiny thoughts, writing

Previous post Next post
Up