Ang susunod na entri ay dalawang magkaiba subalit magkahawig na pangyayari. Nakita ko na magkatulad sila sa pamamagitan ng ilang tagpuan sa Walong Diwatang Pagkahulog ni Edgar Samar. Ang naka-italicize ay ang karanasan ko noong umakyat ako sa bundok ng Banahaw kasama sa Educational Outbound Program ng high school ko habang ang sumunod ay ang karanasan ko ngayong nagdaang semestre.
-----
“Kapag umaakyat sa mga bundok, damang-dama niya ang panganib ng mga bangin. Pero alam din niyang dahil sa bangin kaya nagkakaroon ng ibayong kahulugan ang bawat pag-akyat.”
Ito na; ang huling field trip ko sa high school. Pupunta kaming Mt. Banahaw.
Ito na; ang huling klase ko sa Filipino sa kolehyio. Ito na rin ang ikalawang taon ko sa kolehiyo.
Sabi ng mga nakapunta na doon na mahirap akyatin ang bundok. Totoo raw na mahiwaga iyon kaya magdahan-dahan ako.
Sabi ng mga orgmates ko na mahirap ang Fil14 dahil ito ang pinakamaraming gagawin kumpara sa nakaraang Fil na klase. “Extra challenge” pa raw ito dahil Samar kami.
Aabot daw ng isang oras ang pag-aakyat, kung hindi ako titigil para magpahinga.
Isang semestre ang klase; halos 4 na buwan, kung hindi ako magoover-cut.
Gumising ako nang maaga para maaga kaming makarating at magsimulang umakyat sa Banahaw.
Kailangan kong gumising nang maaga tuwing Martes at Huwebes para makaabot sa 7:30 ng umaga.
Bago umakyat, pinagmasdan ko ang kagandahan ng bundok, tinignan ko ang hiking buddy ko, bumulong ng panalangin at sabi ko, ‘tara!’
Nang dumating na si sir, tinignan ko ang mga kaklase ko, bumulong ng panalangin at sabi ko ‘kaya ko ‘to!’
-----
“Habang tumataas, nawawala ang lubid, dumadalang ang mga volunteer, tumatarik ang bangin sa gilid. Sa bandang ibaba, kitang-kita pa na bato ang babagsakan. Sa itaas, hindi na tanaw kung saan pupulutin ang sinumang mawalan ng ingat.”
Totoo ngang mahirap ang pag-akyat; parang kailangan na magsanay ka muna bago ito gawin. Isang makitid na daan lang ito, kaya dapat hindi ka mawala sa linya mo. Matutulis ang mga bato, matarik ang aakyatan, at sobrang nakakapagod.
Totoo ngang mahirap ang Fil14; parang kailangan pa ng mas maraming pre-requisite courses bago ito kunin. Heto nanaman ang simple ngunit mahirap na point system ni Sir Samar. Kung ang iskor mo sa ehersisyo ay 69/100, 0.0 ang katumbas na grado mo.
Nagmukhang tumigil ang daloy ng oras dahil sa sobrang pagod ko. Naliligo na ako sa sarili kong pawis, habang dahan-dahan kong iniinom ang natitirang tubig sa bote ko. ‘malayo pa’, sabi ng mga kaklase ko na nauna sa akin. Sumasakit na ang mga braso at binti ko sa kaka-akyat. Kakayanin ko kaya ito?
Pakiramdam ko ay isang linggo na ang nakalipas kahit na Lunes pa lang dahil sa sobrang daming ginagawa at gagawin. Tuluy-tuloy lang ako sa pagtatrabaho pero parang patuloy pa ring dumarami ang kailangan ko pang gawin. Kasama na rito ang mga kailangang basahin sa Fil14. Hindi ko naman kayang pagsabay-sabayin lahat dahil walang magandang maibubunga rito. Minsan ay sumasakit pa ang ulo ko, kaya tinutulugan ko na lang ito, at magmamadaling tapusin ang mga gawaing-bahay paggising. Kakayanin ko kaya ito?
-----
“Habang umaakyat, walang salitaan silang apat. Buhos na buhos ang loob sa bawat hakbang.”
Wala ring salitaan sa aming magkakaklase habang patuloy na umaakyat sa Banahaw. Bawat hakbang ay binibigyan ko nang lahat ng lakas ko. Nakasalubong ko ang kaklase kong may hika, sabi niya nagpapahinga raw muna siya at baka atakihin siya. Naalala ko na may hika rin ako, kaya pinaalala ko sa sarili kong dahan-dahang umakyat.
Dumalang ang mga panahon na magkakasama kaming magkakaibigan na walang ginagawa. Nag-uusap na lang kami tuwing tanghalian sa cafeteria, at pagkatapos ay diretso na kami sa library para magbasa o mag-aral. Binuhos ko ang lahat ng kakayanin ko sa bawat klase ko ngayong semestre. Naalala ko noong Fil12 ay marami akong nakuhang 0.0 sa mga pagsasanay, kaya ngayon sinisikap ko nang magbasa bago magklase.
Parang umaakyat na ako papunta sa langit nang makita ko ang tuktok ng tatlong krus sa taas. Bigla akong nabigyan ng lakas para bilisan ko ang pag-akyat. Nagpalakpakan ang mga kaklase kong nasa tuktok na para tulungan kaming makaabot doon. Ngumiti na lamang ako at patuloy na umaakyat hanggang sa makasalubong ko ang mga krus.
Pakiramdam ko na patuloy na ako pupunta sa baba nang bumagsak ako sa Unang Mahabang Pagsusulit. Pero nakilala ko na si Sir Samar na nagbibigay ng mga bonus na gawain kapag maraming mabababa. Nabigyan ako ng pagkakataong itaas ang grade ko at bigla akong nabigyan ng lakas para tapusin ko ang nagdobleng trabaho sa limitadong oras. Nagtutulungan naman kami sa block tuwing may mga mahihirap na proyekto sa ibang klase. Nang makita ko na malapit nang matapos ang Setyembre, ngumiti na lang ako at patuloy na nagtrabaho hanggang ngayon.
-----
“Tinanaw ni Daniel ang nakapalibot na bangin. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang dapat niyang maramdaman sa mga oras na iyon… nang nasa itaas na, ngiti lang ang ibinigay nila sa isa’t isa.”
Napakasaya ko nang naabutan ko ang tuktok ng Banahaw. Ito ang unang beses kong umakyat at makarating sa tuktok ng isang bundok. Ang mas maganda pa rito, nakita ko na ang tatlong krus na nagsisimbolo ng mga krus sa Kalbaryo. Naramdaman ko ang hiwaga ng bundok; nakakakalmang pagmasdan ang lalawigan ng Quezon at Laguna galing sa itaas at kasama ang mga krus. Parang sa kabila ng lahat ng paghihirap na dinanas ko pag-akyat, nawala ang pagod ko dahil alam kong kasama ko ang Diyos. Hay, ang ganda ng Bundok ng Banahaw.
Oktubre na. Kakakuha ko lang ng Ikalawang Mahabang Pagsusulit. Ito na rin ang pinakahuling blog post ko. Lahat na ng mga proyektong ginagawa ko ngayon ay may salitang ‘final’ sa pamagat. “Final lap” na ito kung ako’y nasa karera. Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung naabutan ko na ang tuktok, pero nang inalala ko ang mga nakaraang paghihirap ko ngayong semestre, alam kong umakyat ako sa tamang daan. Sana masabi ko rin na masaya maging estudyante sa kolehiyo.