Ang Daan Patungo...

Sep 30, 2012 11:10

Noong naimbento ang transportasyon sa kasaysayan, bumilis ang pag-unlad ng mga sibilisasyon. Nagawa ang mga bangka at barko para daanan ang tubigan at bumilis ang pagpapadala ng mga kalakal sa iba’t ibang bansa. Nagawa ang mga kotse at ginamit ang mga kabayo para makalakbay sa lupain at nagkakaroon na ng daan sa damuhan dahil madalas na itong dinadaanan. Lumalakbay na ang mga tao para makaranas ng kakaibang kultura sa ibang lugar.



Ito ang daang nalilikha dahil na madalas na pagdaan dito; ito rin ang nalalarawang imahen sa tula ni Robert Frost na The Road Not Taken
Ang kalye, daan o kalsada ang paraan ng transportasyong panlupa. Depende sa kaayusan ng lugar ang kaayusan ng kalye. Dahil dito, maaaring makita ang uri ng pamumuhay ng mga tao batay sa kalagayan ng kalye.

1. Sa simpleng barrio sa probinsya, ang kalye roon ay hindi gawa sa aspalto, kundi gawa lang sa lupa. Malas ang mga bibiyahe rito tuwing uulan dahil magiging maputik ang daan. Kapag mataas naman ang araw, puro alikabok ang malalanghap mo. Kung gawa man sa aspalto ang kalye, makikita lamang ito sa lungsod, o sa kabisera ng probinsya. Pinapakitang mababa ang antas ng teknolohiya, simple at mabagal ang pamumuhay ng mga taong nakatira rito.



Ito ang karaniwang kalyeng tinatahak ng mga kababayan natin sa probinsiya. Maalikabok, mabato, at hindi maayos.



Ito naman ang mas maayos na daan, subalit madalas isang kotse lang ang kasya rito, at walang ilaw kaya madilim dito tuwing gabi.
Noong pumunta kami ng pamilya ko sa Ilocos Norte, isa lang ang kalye galing sa paliparan papunta sa lungsod; iisa lang din ang kalye paakyat ng bundok hanggang sa bahay ng mga lola ko. Kuwento ng isa kong lola na ganito na ang walang aspaltong kalsada noong bata pa siya, at naglalakad siya kasama ng mga kaibigan niya araw-araw para pumasok sa paaralan sa baba ng bundok.



Ito ang daan sa Ilocos Norte. Maayos naman ito at may mga bato pa para lagyan ng hangganan ang kalsada. Kung makikita rin ay puro palayan ang nakapalibot sa kalye dahil ito ang kinabuhayan ng mga tao roon.
2. Kapag sa subdivision naman, maluwag, maayos at malinis ang kalye. Ito ay dahil ang subdivision ay isang pribadong lugar, at kontrolado ang kalinisan at kaayusan dito. Noong pumunta ako sa bahay ng kaibigan ko na nasa isang subdivision, nagmukhang malapad ang kalye dahil walang nakaparadang kotse, hindi tulad sa ibang masisikip na daan sa Maynila na may nakaparada sa magkabilang gilid. Ligtas din na lumabas ng bahay dahil sa mga nagbabantay na guwardiya sa pasukan at labasan ng subdivision, kaya lumabas kaming magkakaibigan at naglaro sa labas ng bahay.





Sinubukan namin ang tanyag na larawan ng Beatles sa Abbey Road, ngunit naisip namin na walang papantay sa ginawa nila.



Kahit sa harap ng bahay lang, o sakupin namin ang buong daan, walang problema dahil ligtas. Walang nagmamadaling sasakyan, walang kahina-hinalang tao sa lugar, at matiwasay ang kalagayan dito.
3. Ako ay nakatira sa public residential area na malapit sa ruta ng mga jeep, kaya minsan ay maingay at mausok ang kapaligiran dahil sa dami ng sasakyan na dumadaan. Dahil walang nagbabantay hindi tulad sa subdivision, madalas dinadaanan ang kalye namin ng mga magnanakaw at holdaper, lalo na ang mga nasa motorsiklo; kaya lumaki akong laging nasa bahay lang. Nakuwento sa akin ng nanay ko na isang araw may nanakawan na nagjo-jogging nang madaling araw. May dumaan lang na naka-motosiklo at hinablot agad ang iPod niya.

Ang kalye ay maaari lang umunlad kung umunlad din ang lugar. Siyempre, kung may pera na ang komunidad para ayusin ang mga kinakailangan, maaayos rin ang kalye. Kung makalalarawan ng pamumuhay ang kalye, baka makikita rin ang kalagayan ng bansa batay sa kalye.

Ang Amerika ay isa sa mga pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Noong bumisita ang pamilya ko doon, napakalinis at maayos ang mga kalye nila. Pakiramdam kong ang sarap magmaneho roon dahil maluwag at hindi gaanong matrapik sa kalye. Sa mga highway naman, may labasan ito sa bawat lugar na dinadaanan nito, kaya mabilis makarating sa pupuntahan mo.



Kahit ang mga kalye nila sa probinsya ay napakaganda.



Kung akala mo dalawang kalye lang ang kasama sa intersection, nagkakamali ka.
Kung ikukumpara ang kalye roon at ang mga kalye sa Pilipinas, marami sa mga kalye dito ang baku-bako; at sa Maynila lang ito, dahil wala pang aspalto ang mga kalye sa mga probinsya. Simpleng halimbawa ang kalye na malapit sa bahay ko, Retiro. Laging may mga butas rito, kaya nagkaroon ng pag-aayos na proyekto noong simula ng taon. Nagkaroon ito ng matinding trapik dahil malapit ito sa simbahan. Nang dumaan ang sunud-sunod na mga bagyo, biglang natigil ang pag-aayos. Naiwan ang mga makina sa tabi ng daan, at naiwang mas malaki ang mga butas. Kaya ngayon, mas matindi ang naging kalagayan ng Retiro.



Dahil sa mga butas sa kalye, nagkakaroon din ng matinding pagbaha rito tuwing umuulan nang malakas. Ito ay larawan ng intersection ng Retiro at Banawe na kumalat sa Facebook sa kasagsagan ng Habagat noong Agosto.

Kung ang karamihan sa mga kalye sa Pilipinas ay parang sa Retiro, paano na ang iba pang kalye sa bansa? Kung hindi kaya ng gobyerno na ayusin ang mga sira-sirang kalye dito, panno na kaya nila haharapin ang iba nilang responsibilidad?

Nagmumukhang ang kalye ay hindi lamang daan para sa transportasyon, kundi maaaring ito rin ang salamin ng tagumpay o kabiguan ng bansa. Totoo nga ang kasabihan na mas mahalaga ang paglalakbay kaysa sa pagdating sa pupuntahan. Kailangan ang mga kalye ay maayos para maging maayos din ang biyahe papunta sa matagumpay na bansa.

Sanggunian sa mga larawan:

Dorkmuffin.com. N.p., Sept. 2008. Web. 30 Sept. 2012. .
Facebook. N.p., n.d. Web. 30 Sept. 2012. .
Freefoto. N.p., n.d. Web. 30 Sept. 2012. .
Joshweinstein.wordpress.com. N.p., Mar. 2010. Web. 30 Sept. 2012. .
PCIJ. N.p., May 2009. Web. 30 Sept. 2012. .
Welovedc.com. N.p., Oct. 2009. Web. 30 Sept. 2012. .
Previous post Next post
Up