Color of the Day

Jan 19, 2008 21:03

title Color of the Day
genre comedy
type oneshot
length 486 words
rating PG-7
language Tagalog
description This was the first writing assignment we had for MPs10 (Malikhaing Pagsusulat 10 / Creative Writing 10). We were all asked to write down a secret of ours on a small piece of paper and then place it inside a jar. Afterwards, we picked a piece of paper from the bowl and were told to write a short story about the secret we picked, in 500 words or less. I no longer have a copy of the original secret, but the owner of the secret talked about how he/she and his/her seatmate laughed secretly about the person sitting in front of them in a certain class. The person always wore low-rise jeans, and he/she didn't find the sight pleasant. Here's my take on his/her little secret.
date 2006-11-28



Kung sinuman ang makapangyarihang nag-a-assign ng mga silid sa mga klase, sinusumpa ko siya. Bakit naman kasi inilagay niya ang klase ko tuwing tanghali sa ika-limang palapag ng Palma Hall? Nakaka-bwisit na 'yung dami ng hagdan na kailangan mong akyatin, andyan pa ang araw, pinapainit pa lalo ang ulo mo. Tumingin ako sa relo ko: limang minuto makalipas ang alas-onse y media. Sana hindi pa dumarating 'yung prof kungdi ngingitiang-aso na naman ako no'n.

Kumaripas ako patungo sa silid namin at natuwa nu'ng nakita kong wala pang nakaupo sa harap na nagtatawag para sa attendance. Laking gulat ko din na maaga-aga pa ako at wala pang nagnanakaw ng paborito kong upuan, sa ikalawang hanay. Pagkatapos ng ilang excuse me at padaan, inilapag ko ang mabigat kong bag at pinaypayan ang sarili gamit ang nakakalat na pirasong papel sa bag ko.

Makalipas ang limang minuto, dumating siya. Sumilip muna siya nang bahagya, tinatalasan ang mata para sa maputing ulo ng aming prof. Wala pa, kaya't siya'y agad-agad na pumasok at umupo sa unang bakanteng silya na makita niya. Sakto! Bakante na naman ang silya sa harap ko. Inilabas niya ang isang notebook at nagsulat nang naka-yuko.

Nagkatagpo ang mga mata ko at ang sa katabi ko. May mga makukulit na kislap ang mata niya at sa kanyang bibig ay isang ngiti na pilit na nagtatago. Tila may mental telepathy kami nang sabay na naglakbay ang mga mata namin patungo sa bahagi ng likod nang bagong-dating naming kaklase na nakadikit sa silya.

Pink ang color of the day.

Parati na lang. Sa bawat meeting ng klase, nauupo siya sa harap namin ng katabi ko, at nagsusuot siya ng low-rise jeans. Wala bang katapusan ang supply niya ng ganoong klase ng pantalon? Nananadya na ba siya? Sa bagay, kahit bawat meeting niya ipinapakita sa amin ang color of the day, nalilibang naman kami ng katabi ko. Hindi kami nagsasawa.

Nagtinginan kami ulit ng katabi ko. Hindi namin napansin na unti-unting lumalaki ang mga ngiti namin. Kagagawan siguro ng init nu'ng araw na 'yon at saka ng pagod, pero makalipas ang ilang segundo ay tumatawa na kami. Hindi naman halakhak ang lumabas, ngunit sa sapat na ang lakas ng tawa namin para marinig nu'ng nasa harap namin.

Lumingon sa amin si Ms. Pink at sa una'y mukha siyang nagtataka. Napatigil kami bigla sa kakatawa at nagkatinginan. Shit. Halatang guilty. Kinabahan ako na baka mahalata niyang siya 'yung tinatawanan namin.

Tapos, biglaan na lamang siyang ngumiti sa akin, saka niya binalik ang atensyon niya sa sinusulat niya.

Nakakahiya naman. Pakiramdam ko namula pa ako nu'ng ngumiti siya sa amin. Bakit naman kasi 'di na lang namin sabihin sa kanya na kita na 'yung color of the day niya kapag umuupo siya? Napa-yuko na lang ako.

Ay shit, kaya pala siya ngumiti.

Bukas pala ang zipper ng pants ko.

year: 2006, rating: pg7, genre: comedy, original: fiction, oneshot, prose, language: tagalog

Previous post Next post
Up