STREAM OF UNCONSCIOUSNESS (A.K.A. MABABAW ITO)

Apr 17, 2008 18:17


Solid! Na-epal na naman ang KANTO sa Internet. Punta kayo dito kung gusto niyo. Maraming salamat sa malupit at matinik na si Sharline sa kanyang tulong. Tenkyu from the bottom of our hearts and esophagus (tinatamad ako mag-research kung anong plural form ng esophagus o kung meron man siyang plural form).

---

Nancy Jane na pala si Nancy Castiliogne ngayon. May kanta siya na mala-Kylie Minogue ang dating. Malamang narinig niyo na ‘yun dahil lagi siyang pinapatugtog sa radyo at pinapalabas sa MYX. Malamang si Lucky ang nagdidikta ng airtime nung kanta dahil ex niya si artist formerly known as Nancy Castiglione. Showbiz alert! Breaking news: Magpapalit na rin daw ng pangalan si Joyce Jimenez dahil maglalabas na rin siya ng single. Joyce Rosario na raw siya.

---

Meron na ring single si Alessandra da Rossi. Ni-revive niya ‘yung “Sailing” ni Christopher Cross na lagi kong kinakanta sa videoke pero hindi pa rin ako nakakakuha ng lampas sa 90 na score. Hindi ko alam kung kalian pa naging singer si Alessandra (wow close kami). Hindi ko rin alam kung bakit sa ilalim siya ng dagat kumakanta sa music video. ‘Di ba dapat nasa bangka siya o kahit nasa lumulutang na styrofoam man lang? “Sailing” nga e. Hindi ko rin alam kung bakit pumayag siyang kumanta sa ilalim ng dagat. Sino namang malinaw na makakarinig ng boses niya sa ilalim ng dagat? Si Aquaman sana kaso nasa Home for the Aged na raw siya.

---

Medyo seryoso na. Ibang klase na talaga ang init sa Pilipinas. Nagmimistulang ultra-powered shower ang kili-kili ko sa pawis. Ewan ko na lang kung hindi pa rin maramdaman ng mga tao ang adverse effects ng Global Warming. Dapat talaga i-require na ng bawat eskuwelahan sa buong bansa ang film viewing ng “inconvenient Truth” ni Al Gore para kahit papano makonsensya naman ang kabataan sa kanilang pagpapabaya sa kalikasan. Parang isang higanteng microwave na ang Pilipinas. Siguradong manggigitata ka kaagad sa pawis paglabas mo pa lang ng banyo. Kahit kumain ka ng 64273678 halu-halo at 2387291 gallon ng ice cream, maiinitan ka pa rin. Hindi ka lang papawisan, mamamatay ka pa sa diabetes. Hindi rin pala ‘to naging seryoso.

---

Hindi na rin ako magtataka kung sa susunod na tatlong taon magkaka-heat wave na sa buong mundo. Siguradong magiging bilyonaryo ang mga nagbebenta ng yelo sa Pilipinas. Malamang kapag nagka-heat wave na dito, kasing laki ng garbage bag na ang yelo. Wala nang ibang puwedeng sisihin ang 255 bansa sa mundo kung hindi tayong mga tao mismo. Pero puwede rin nating i-single out si Rick Astley dahil sa kakagamit niya ng Spraynet noong 80s. Sa totoo, siningit ko lang talaga 'yung "Wala nang ibang puwedeng sisigin ang 255 bansa sa buong mundo kung hindi tayong mga tao mismo" sa previous sentence para may koneksyon ang panggagago ko kay Rick Astley.



Kasalanan mo kung bakit may Global Warming

---

Tapos na ang regular season ng NBA (malamang wala kayong pakialam). Sobrang bulok ng East dahil nakapasok pa ang Atlanta Hawks sa playoffs kahit 37-45 ang record nila. Kung kasali ‘yung team namin sa Inter-Barangay sa East, malamang pasok din kami sa playoffs. Kung nasa West ang Hawks, nasa 12th place sila at laglag na sa playoffs. Ganyan kabulok ang Eastern Conference. Kakain ako ng dalawang mata ng tarsier na may sore eyes kapag hindi si Kobe Bryant ang nag-MVP.

---

Dahil tapos na ang regular season ng NBA, matatapos na rin ang “House of Hoops.” Sa mga ‘di nakakaalam (more than half of the Philippine population), ito ‘yung NBA show namin sa ABC-5. Dalawang episodes na lang at babayu na kami sa “House of Hoops.” ‘Di pa namin alam kung may second season pa sa November. Pero hindi pa naman kami matatanggal sa trabaho dahil may isa pa kaming napakaliit at napakadali na project: Beijing Olympics lang naman mga sir at ma'am. Teka, magre-research muna ko tungkol sa modern pentathlon.
Previous post Next post
Up