Jul 24, 2008 09:11
sa lahat ng bagay, oras, pangyayari o kahit ano pa man, ang pinakaimportante lagi ay ang proseso sa kung papaano ka nakarating sa naging resulta ng pinaggagagawa mo. ano pa man ang naging resulta ng isang bagay na ginawa o dinanas mo, nagtagumpay ka man o hindi, ang importante ay ang naging karanasan mo, ang dinanas mo upang maabot ano man ang napala mo.
kahit papaano ka pa mag-umpisa, gaano kaganda o kapangit man ang iyong umaga, hindi naman iyan ang magiging batayan kung matatapos ba ang araw mo ng masaya o malungkot. depende sa kung papaano mo nanaising maranasan ang araw sa harapan mo.
wala nang hihigit pa sa mga karanasan, ang pagdanas ang pinakamahalagang nangyari, nangyayari at mangyayari sa atin sa ating pamamalagi dito sa ating buhay.
kahit sa paaralan hindi ba, ilang guro na rin ang mga narinig mo na nagsabing hindi mahalaga ang makukuha mong marka sa card, ang mas mahalaga ay kung natuto ka bang talaga, kung napakinabangan mo ba ang mga oras na pinamalagi mo sa loob ng silid.
gayon din sa pag-ibig, oo, nakalulungkot kung matapos kayo sa hindi mo naman ninasang pagtatapos talaga, ngunit kung iisipin mong muli, hindi ba at sapat na rin na naranasan mo na magmahal at mahalin ng taong tunay mo namang mahal, at maaaring minahal ka rin namang tunay? maaaring natapos nga ang pagmamahalan ninyo (o maaaring hindi, nag-iba lang) pero kung hindi man natapos, ganoon pa rin naman hindi ba, walang magbabago, mahal ninyo ang isa't isa; ang kaibahan lang ay mas marami lang kayong maiiipon pang alaala, mga masasaya at hindi rin masyadong masayang karanasan sa piling ng isa't isa.
at gayon din sa lahat ng bagay, pati na sa buhay nating ito sa mundong ibabaw. mamatay ka man dahil ikaw ay nagpakamatay, naaksidente, o dahil trip lang ng nasa itaas, hindi ka naman Niya huhusgahan sa itsura mo sa huli mong hantungan. nakaupo, nakahiga, nakadapa, nakabukaka, o kahit nakalambitin ka ng patiwarik pagkamatay mo, ang importante ay kung papaano ka ba nabuhay sa iyong pamamalagi dito. papaano mo ba ginugol ang pahiram sa iyong buhay ng may Kapal.
wala nang hihigit pa sa pagdanas mo sa bawat pagkakataon.
buhay,
totoo,
senti