Feb 19, 2006 14:57
Jezzah Tamondong
BSN I-10
Nang napag-alaman kong kailangan kong panoorin ang dulang Les Miserables, hindi ako nasabik. Nagbalik sa aking alaala ang pelikulang napanood ko na ibinase sa nobelang iyon ni Victor Hugo-isang pelikula na, sa aking palagay, hindi naipakita ang tunay na kalaliman at kahusayan ng Pranses na awtor.
Habang nakaupo ako sa madilim at napakalamig na Albertus Magnus Auditorium, kakikitaan ako ng pagkayamot. Hindi agad nag-umpisa ang dula, at ang paulit-ulit na patalastas ng Stresstabs ay nakaririndi. Nagulat ako na hindi nila binigyan ang awdyens ng kahit na maikling overview ng dula, lalo na tungkol sa setting. Magiging mahirap para sa isang manonood na maintindihan at ma-appreciate ang kahulugan ng istorya kung hindi man lang niya kilala si Jean Valjean at kung ano ang kanyang sinisimbulo sa 19th century France.
Hindi makukulay ang mga props at backdrop na ginamit sa dula. Naisip kong maigi ito upang makapinta ng isang malungkot na atmospera, upang mas lalong maipakita ang karukhaan ng mga tauhan, upang mas maiparamdam ang lungkot at dusa na namamayani sa kwento. Ngunit habang umuusad ang dula, naisip kong nagtitipid lamang pala ang Mediatrix. Sa tagpong namatay si Jean Valjean, tanging upuan lamang ang makikita sa entablado. Kung saang lupalop siya ng Pransya noon, kung nasa ospital ba siya o sa sariling kwarto, ay isang malaking misteryo.
Maayos ang mga naging transisyon ng mga tagpo. Kakikitaan ito ng sistema at ayos. Nagalak ako sa obserbasyon na ito dahil sa mga dulang dati kong natunghayan, tila nawiwindang ang mga nag-aayos ng set; sa pagmamadali sa pagkuha ng props ay parang nawawalan ng direksyon at nauubusan ng tamang huwisyo.
Ang aktres na gumanap na Cossette ay maganda at nakapagbigay ng tamang emosyon, ngunit ang kanyang vocal range ay tila limitado. May mga tauhan rin sa dula na hindi maintindihan kung ano ang mga sinasabi tulad nina Fantine at Madame Thenardier.
Si Jean Valjean ay mahusay umarte at umawit, pero hindi siya ang tauhang pumukaw ng aking atensyon; mas nakaramdam ako ng sympatya para kay Inspector Javert. Si Jean Valjean ang nakulong sa piitan, pero kung papansinin si Javert talaga ang tunay na preso-nakukulong ng mga baluktot batas at ng lahat ng pinanghahawakan niyang sa tingin niya ay tama.
Kitang kita sa dula ang pagiging mababaw ng mga tao. Nang natuklasan na si Monsieur Madeleine ay ang kriminal na si Jean Valjean, dali-daling nalimot ng kanyang mga kababayan ang mga nagawa ng mabait na Mayor. Napakadali nila itong kinamuhian, kahit na naging mabuti ito sa kanila. Kahit si Marius na manugang niya, pinalayas siya nang malamang isa siyang takas na kriminal. Tunay na nakakasuka ang ganitong panghuhusga.
Ganoon na lamang ang pagkadala ko sa kwento nang nasira ang sound system. Simula noon, tulad ng marami sa awdyens, nawala na ang aking interes sa panonood. Ngunit mayroon rin namang mga manonood na nanatiling tutok sa dula, o di kaya sa mga kaklase nilang nagsipag-ganap. Marami ang sinisigaw ang mga pangalan ng kanilang mga kaklase-isang gawain na hindi angkop sa partikular na event na iyon.
Sa pangkalahatan, magandang experience ang panonood ng Les Miserables. Mayroong mga aspetong maaari pang pag-igihan, para sa amateur level, mahusay na ang pagkakagawa dito. Isang kakaibang kwento, magagaling na mga aktor at mga malikhaing mga props at costumes-ito ang mga sangkap ng isang mahusay na pagtatanghal.