Dec 14, 2008 01:45
Totoo si Santa.
Manalig tayong si Santa, at hindi si tatay o si nanay, ang naglalagay ng candy at barya sa mga medyas na sinasabit natin sa ating mga pintuan at bintana noong tayo'y mga bata pa. Kung gayon, nawa'y makita niya ang listahang ito upang mapagbigyan ang isang batang gahaman sa materyal na bagay.
1. iPhone
2. Bravia... plus the home entertainment system that comes with it
3. round-trip plane tickets to somewhere in Europe (maybe Amsterdam then... train ticket.)
4. an extreme bedroom make-over
5. 500-gb external hard drive (no to power cords.)
6. re-upholstery of Guillermo's seats to leather... plus a car spa package
7. soft white or brown leather shoes or loafers that can go from office to a date to a night out
8. buttoned-down or simple collared shirts (marami. smart casual. office wear.)
9. black leather shoes from Aldo
10. hard-bound Harry Potter books 1 to 7 (mamahalin ko talaga magbibigay nito.)
Puro materyal? Oo. Bakit, sino ba noong bata siya'y humiling sa mamang mataba't nakasuot pula ng kapayapaan at pagkakaisa? Wala.
(Pagnilayang hindi nararapat na lahat positibo. Matatawag ka lang na mayaman kung may mga dukha; may kapayapaan dahil may konsepto tayo ng Afghanistan at Iraq at Batasang Pambansa. Ang lahat ay nasa kanya-kanyang lugar sa buong sansinukob. May konsepto tayo ng isang taong nagbibigay ng surpresang regalo tuwing sasapit ang Pasko dahil may konsepto tayo ng kakulangan, pangarap, at pangungulila.)
Walang echoserang bata ang magsasabing hindi sila naniwala kay Santa nang kahit isang saglit sa kanilang buhay kamusmusan. Sa bawat pagtalos na hindi talaga totoo ang mamang mestizo at mabalbas, wala ring emoterang bata ang magsasabing hindi sila nalungkot o naiyak nang malaman ang maipit nitong katotohanan. Sa ating pagtanda, malalaman nating, tulad ng ideya ng museo ng CMLI, ang tunay na Santa nabubuhay sa kaibuturan ng ating puso. Nabubuhay si Santa sa bawat abot mo ng barya sa mga batang lansangang nanlilimos, sa bawat abot mo ng regalo sa taong nabunot mo sa Kris Kringle ninyong something funny, at sa bawat panalangin mo ng kapayapaan sa Senado at sa kaluluwa ni Marky Cielo. Ang bawat isa'y Santa ng kanyang kapwa.
Madramang mag-post ng wishlist tungkol sa kapayapaan o pagkakaisa. O malamang sa malamang, hindi lang bagay sa blog ko ang mga ganoong bagay. Marami pa akong hiling maliban sa mga nakalista sa itaas. Pagmamahal... pang-uunawa... pag-aaruga... pagkakaisa... Umarte lang pero seryoso.
Sa unang taong maaalala mo matapos basahin ang entry na ito maliban sa may-akda, subukan mo siyang ngitian o kahit yakapin. Malamang, kung hindi ako nagkakamali, mayroon rin syang puting balbas, malaking tiyan, XXXXL na pulang damit at black na belt.