Ako.

Mar 05, 2006 21:43

Lahat ng inyong mababasa ay pawang katotohanan lamang. Hindi ko hinihingi ang inyong awa. Ang gusto ko lamang ay kaunting pag-unawa. Maraming Salamat.

Ako si Richelle Cruz Marave. Isang 3rd year Computer Engineer ng Mapua Institute of Technology sa Intramuros, Manila. Chibang ang aking palayaw pero karamihan ng aking mga kaibigan ay Chibs ang tawag sa akin. Mahilig ako sa mga online games. Mahilig ako sa maiingay na tugtugin. Marunong ako magdrums at mahilig ako magswimming. Matapang ako. Hindi ako umiiyak. Hindi ako nahihirapan at nasasaktan dahil insensitive ako. Masayahin ako. Mahilig ako magpatawa. Makulit ako. Hindi mapakali sa isang tabi. Magaling makisama. Astig. Eto ang pagkakaalam sa akin ng nakakarami.

May gusto akong ipakilala sa inyo. Ang totoong ako. Ngayon ko lang to gagawin sa buong buhay ko. Matagal ko rin to pinag-isipan pero kung di ko ipapakilala sa inyo ang totoong Richelle Cruz Marave ay malamang hindi nyo nga ako mauunawaan kahit na anong intindi pa ang inyong gawin.

Ako ay isang babae na nagpapakasimple pero napakakumplikado ng buhay. Siguro nga ipinagdamot sa kin ang karapatan ko na mamuhay ng simple. Wala na ko hiniling kung di ang maging masaya sa kasimplehan ng buhay na tao lamang ang nagpapakumplikado. Bata pa lang ako mag-isa na ko. May kaibigan ako. Si Jan. Siguro panahon na para makilala nyo ang imaginary friend ko. Nakakatawa ba dahil ang tanda ko na pero may imaginary friend pa rin ako? Wag kayo mag-alala hindi naman nya kayo sasaktan. Alam ko na si Jan at ako ay iisa lang. Pinanganak sya nung 6 years old pa lang ako. Hindi ko sya kasing tanda. Lagi kasi ko iniiwan ni Papa para magpunta sa ibang bansa at magtrabaho. Nahihirapan ako dahil sa tuwing aalis sya ay wala kong gagawin kung di umiyak at magmukmok. Pakiramdam ko pinagkakaisahan ako ng lahat. Si Mama ay masakit magsalita. Lahat ng sinasabi nya sa kin ay tumatatak sa utak ko. Di ko pa makakalimutan yung araw na sinampal nya ko at nagdugo ang aking bibig. Ang dami ko tanong sa sarili ko nun. Bakit hindi nya ko maintindihan? Hindi ba pwede na kung ano ang pagtrato nya sa kapatid ko ay kapareho din ng sa kin? Nasasaktan ako sa tuwing naiisip ko na kahit anong gawin ko ay kapatid ko pa rin ang magaling at matalino. Ginagawa ko lahat para lang mapansin nya ko. Pag bigayan na ng card ang sasabihin nya lang 'pagbutihan mo pa'. Gusto ko sabihin sa kanya na 'hindi pa ba sapat yan para ipagmalaki mo ko?' at sa tuwing may PTA meeting, dun sya aattend sa kapatid ko. Syempre wala si Papa kaya walang aattend para sa kin. Maswerte ako kapag may PTA meeting sa school at nandito si Papa dahil may umaattend. Minsan ang gagawin ni Mama ay aattend muna kami sa kapatid ko at ihahabol na lang yung sa kin. Hindi ba pwedeng ako naman ang mauna? Ang totoo hindi ko alam kung may galit ba sa kin ang nanay ko o sadyang mabigat lang ang loob nya sa kin.

Hindi rin ako palakaibigan kaya wala ko matawag na kaibigan. Lagi kaklase lang. Pag ipapakilala ko sila ay laging kaklase, kaklase at kaklase. Ni minsan ay wala ko pinakilalang kaibigan. Isa lang tinuring kong kaibigan nun. Yung imaginary friend ko na sa utak ko lang nageexist at hindi ko kaya ipagmalaki dahil alam kong hindi nila ko paniniwalaan at natatakot akong hindi ako tanggapin ng tao. Ang dami ko kinatatakutan nung bata pa ko. Takot ako mag-isa pero lagi ako nag-iisa. Natatakot akong hindi maunwaan ng ibang tao pero hindi nila ko nauunawaan. Natatakot akong hindi nila ko tanggapin pero hindi nila ko tinanggap. Dahil na rin sa kakaiba ako. Gusto ko mamuhay na gaya ng ibang tao. Maraming kaibigan. Masaya. Mahal na mahal sila ng kanilang ina. Mga bagay na wala ako. Ang hirap pala kuhanin ng mga bagay na hinihiling ko. Sumuko ako nun kaya lumaki akong ganito. Wala kong ginawa para tanggapin ako ng iba. Ang ginawa ko lang ay pagtakpan ang sarili ko at magpakilala sa tao na iba ang ugali. Ugaling kaya nila tanggapin at mahalin. Ang hirap din lumaki ng ganun. Dahil pag pagod ka na at gusto mo na ipakilala ang iyong sarili ay di mo magagawa dahil takot ka na di ka nila matanggap.

Kaya wag kayo hahanga sa kin. Hindi ako matapang. Dahil hindi ako yun. Mahina ako. Madali masaktan. Iyakin. Lahat ng mga ugaling iniisip nyong imposibleng maging katangian ko. Lagi ko ipinapakita na hindi ako nasasaktan at ni minsan ay hindi ako naapektuhan ng mga problema ko. Gusto ko kasing makita nila ko na matapang. Gusto ko sa kin sila kumuha ng lakas. Sa kahinaan ng ibang tao ako kumukuha ng lakas. Ang hirap maging ganyan ng ilang taon. Ginawa ko yun para magkaroon ng kaibigan. Kung ano ugali nung isa ay pakikisamahan ko. Nakikisama lang ako. Sanay na sanay ako dun. Hinasa ko sarili ko sa pakikisama sa ibang tao magkaron lang ako ng matatawag kong KAIBIGAN.

Lagi nalang ako takot. Lumaki akong hindi hinaharap lahat ng mga bagay na kinatatakutan ko. Hindi ko kaya maging matapang kahit na isang beses lang. Kahit sa taong minahal ko ay hindi ko rin nagawang ipakilala ang aking sarili. Ang hilig ko tulungan ang ibang tao at magbigay ng payo. Pero ni minsan ay hindi ko naipayo yun sa aking sarili. Naiisip ko pero hindi ko kayang gawin.

Siguro nga tama sila na kung ano pinagdaanan mo nung bata ka pa ay yun ang huhubog ng iyong pagkatao paglaki mo. Ngayon malaki na ko pero para sa kin hindi ako lumaki dahil kung ano ako nung bata ako ay ganito pa rin ako ngayon. Madami ako ugali dahil ang ugali na ipapakita ko ay depende sa taong pakikisamahan ko.

Sanay na ko na iniiwan ako kasi bata pa lang ako ginagawa na sa kin yun nung mga taong nakakasama ko. At kinalakihan ko rin yung sa tuwing nasasaktan ako at naaalala ko yung mga bagay na nagpahirap sa kin ay bumibilis ang tibok ng puso ko na halos nahihirapan na ko huminga. Sabi sa kin ng doktor normal lang daw yung sa mga taong kagaya ko. May mga katulad din daw ako na sa tuwing may naiisip silang hindi nila gusto ay bumibilis ang tibok ng puso nila at nahihirapan sila huminga. Akala ko ako lang yung ganun. Hindi pala ko nag-iisa. Hindi ako manhid. Wala lang ako pakialam pero sobrang sensitive ako. Itinatago ko lang dahil sa sobrang sensitive ko ay nagiging possessive ako.

Ayoko rin ng niyayakap ako dahil parang ipinaparamdam nila sa kin na mahina ako at kailangan ko ang tulong nila. Ayoko na umasa sa iba. Gusto ko naman tumayo sa sarili ko. Ipakita na kaya ko kahit mag-isa lang ako. KAYA KO TO.

Ngayon, eto ako, adik sa online games. Yun lang ang bagay na nakakatulong sa kin para makalimutan ko ang mga bagay na nagpapahirap sa kin. Kahit panandalian lang kahit pano nakakatulong din. Ayoko umasa sa iba. Ayoko nang tinutulungan ako lalo na't hindi ko naman hinihingi. Gusto ko lang ay pag-unawa. Sa ngayon mas gusto ko na mag-isa lang ako. Gusto ko lang manahimik. Iniisip ko ang mga bagay na makakatulong sa kin. Wag kayong mag-alala balang araw ay makakasama nyo rin ang totoong ako.

Kung ano ako nung bata ako, ganun pa rin ako ngayon. Ang hirap baguhin lalo na't kinalakihan mo. Ngayon alam nyo ng hindi biro ang sinasabi kong loner ako dahil totoong ganun ako.

Walang patutunguhan ang takot. Kaya tignan nyo ako ngayon walang narating dahil lumaki akong punong puno ng takot. Walang inisip kundi mahina ako. Kahit kailan ay di ko nagawang magtiwala sa aking sarili. Patawad Chibs di ako naging matibay para sayo.

Ako si Richelle Cruz Marave. Mahina. Sakitin. Iyakin. Maramdamin. Nasasaktan. Nagmamahal at nagbabago.

Nakakatawa ba? Dahil ang taong akala nyo na walang problema, lagi tumatawa, at lagi nang-aasar ay ganito pala. Kung nadismaya kayo ay wala kong magagawa pero ganito talaga ko kaya kung di nyo ko kaya tanggapin ay ayos lang. Kasi nga "WE CANT PLEASE EVERYBODY!"

Sa mga taong nasaktan ko.. PATAWAD at sa mga taong nakakaunawa sa kin.. SALAMAT.
Previous post Next post
Up