ang pagsinta sa iyo'y higit pa sa bawat kong pagtula

May 27, 2008 22:33

ganoon na lamang ang sa iyo'y
aking pagdakila
kung kaya't
ang aking pagsinta'y higit na
sa bawat kong pagtula

higit na sa bawat kong paghinga
ang sa iyo'y pag-ibig
na sa bawat bukang liwayway,
sinasaksihan ng langit

hindi na iniinda
ang bawat kirot
na hatid
ng iyong hindi paglingon
sa bawat pagtawag ng puso

hindi iindahin pang muli
ang patuloy na pagdugo
ng mula't simula pa'y
sugatang puso

ganoon na lamang
ang aking pag-ibig
ang aking pagsintang sa iyo lamang

na sa bawat pag-inog ng mundo
walang ibang sambit ang puso

at sa bawat saglit ng pag-iral

ikaw lamang
ang nais na mahagkan
ang nais na makasiping
ang nais na makapiling

di nga ba't
iyo na ngang natanto
na ang pagsinta sa iyo'y
higit pa sa bawat kong pagtula

Previous post Next post
Up