pangalan

Feb 04, 2013 19:21


itinago ang iyong pangalan
sa isang tagong sisidlan
umasa na hindi makikita
at sana'y makalimutan

ngunit habang naghahanap
aking nakita at nakapa
sisidlang taglay ang yong ngalan
hindi makatayo sa pagkadapa

nakatitig sa mga letrang
walang naman sariling buhay
humihiram ng hininga
sa mga alaalang natapos na

papel na animo'y sumisipol
habang sinusundan ng daliri
mga linyang nakatatak
hindi makabubura ng mga salita

sa bawa't tupi, naalala
mga sandalinh sana'y nagtagal pa
sinubukang ligaligin ang papel
ang mga daliri'y tumutol sa pagsara

ibalik sa kalagyan
sana'y wag ng banggitin pa
hindi na itatapon
itatago na lang muli

darating ang panahon
maalala rin
wala ng tampo
wala ng pakiramdam

Posted via LiveJournal app for iPhone.

via ljapp

Previous post Next post
Up