Jan 27, 2009 08:04
Panaginip
Isang akda ni Ivan Carlo Basit y Arrojado
Mula sa malalim na pagkakahimbing, marahang nagsimulat ang mga talukap ng kanyang mga mata at dahan-dahang nagsi-patak ang magkakambal na luhang gumuhit paibaba ng kanyang mukha, iwan ang litaw na bakas ng pighati. Sa kabila ng katahimikan ay di payapa ang kanyang kalooban; may hinahanap ang kanyang kaluluwa, may malaking puwang na nadarama, bagay na di matumpak ng isipan. Siya’y bumangon at nagtungo palabas, papunta sa likuran kung saan tanaw niya ang buong bukirin, at nagsimula sa paghahanap ng tila nawawalang bahagi ng kanyang pagkatao. Nais na niyang waksan ang pagkabagabag na ito.
Paroo’t parito, walang pinatutunguhan, nagpaikot-ikot siya hanggang sa nagalugad na niya halos ang buong lawak ng talahiban, di batid kung saan nga ba magsisimula. Nag-ihip ang hanging kanluran at tumahan ang kanyang kapaligiran. Nahinto ang pagpalaspas ng mga damo, ang paglagaslas ng mga dahon sa sanga ng puno, ang paghuni ng mga ibon at kuliglig at ng lahat ng hayop sa bukid. Maging siya ay napahinto, at tanging salat lang niya ay ang mga talim ng talahib na humihilis sa kanyang mga binti at ang mamasa-masang hangin na dumadampi sa kanyang mukha. Unti-unti ay nilamon siya ng parang walang katapusang katahimikan… walang kibo, walang imik, nagmamasid lamang na tila may kung anong hinihintay. Sa mga sandaling ito, kanyang napansin ang isang landas na kumikipot papasok sa kakahuyan, bahaging di pa niya nababaybay, isang mundo na dayuhan sa kanya. Wala pa rin siyang kibo, animo’y naghihintay na tadhana ang magpasya kung dapat ba niyang sundin ang landas na ito o hindi.
Habang siya’y nakatigil, isang di-pangkaraniwang tinig ang kanyang narinig mula sa kakahuyan; isang malayong himig na ang mga salita’y sa puso niya ay bumibighani.
“Ako’y hinahalina nitong himig sa kanyang gubat na salay, kung saan balot ng hiwaga ang hangin. Ako’y papalapit ngunit gulantang, may kakatwang iniisip at lumalakas na kaba sa dibdib. Heto, tumatalilis ang mga silahis ng araw tagos sa mga puno, marahang hinahawi ang ulap sa kagubatan, at ang maliliit na damo’y sumusuri sa pagitan ng mga daliri ng aking mga paa habang aking pinapasyal itong liblib na pook. Unti-unti nang nawawala ang hamog, at hayun, dalwang puno mula sa aking kinatatayuan, isang tanawing bumabalani sa akin. Awit niya’y salaysay ng tagpong ito. Lalo akong napapalapit, napapahanga; hayun siya, pinalilibutan ng mga halamang pako' na kanyang trono, at heto ako, na-pain sa kanya’t walang kawala. Sa kanyang mga mata, nahulog ang aking sarili; mga matang tulad ng nagliliyab na brilyante na kung tumitig ay nangingislap na wari’y mga bituing nahuhulog mula sa sapirong kalawakan. Sa malalalim na matang iyon, aking ipinauubaya ang lahat sa akin. At ang kanyang kutis, sing-puti ng kaolin na isinasangkap sa mga tsina, at ang kanyang mga labi, kay-pulang tila mga rosas na nakapatong sa niyebe n’yang balat. Ang mga naglaglagang dahon ay lumulutang na tangay ng marahang habagat, papalayo, ngunit nais kong manatili, hayaang dumito muna ako.”
Ganoon nga, siya’y nagpaiwan sa loob ng kagubatan at patuloy niyang pinagmasdan ang mahiwagang nilalang habang walang tigil ang pagtugtog nito. Bawat kalabit sa mga kuwerdas ng hawak na lira ay nagsasaboy ito ng kanyang cantate sa hangin. Ang mahika ng tugtuging ito ang bumihag sa kaniyang puso, tuluyan siyang inaakit papalapit. Tahimik at mahinay siyang humahakbang upang di mapansin ng nilalang, ngunit di maiwasang madurong ang mga tuyong dahon at maliliit na sanga na natatapakan niya at maya-maya pa’y may nabali siyang siit. Sadyang kay lutong ng ingay nito kaya’t nabulabog ang nilalang, naudlot ang dalisay na pag-awit at nabaling ang tingin sa kanya. Siya naman ang inaral nitong nilalang. Sa kanya’y lumapit, at ngayo’y kapwa na silang nabitag sa kagandahan ng isa’t isa. Bagama’t magkaiba ang mundo, di kayang itanggi ang kakaibang nadarama.
“Hali, huwag mangamba, hayaang hawakan ko ang iyong mga kamay. Tulad mo, ako rin ay may kaba. Huminahon ka, masdan mo ang pagliyab ng lumulubog na araw habang nagtatakip-silim at ang pag akyat ng mga bituin sa langit. Hayaan mong pawiin nila ang iyong takot. Dumito ka sa aking piling, sa aking yakap, damhin mo ang bawat kong haplos. Huwag mag-alinlangan, pagkat saksi ang nagbabantay na kalangitan, ang nagsasabay na araw at gabi at ang mga naghahabulang tala sa itaas sa handog kong pag-ibig. Ito’y pagsintang sinauna, alamat na naghintay ng kapalaran, at ito ang aking hiraya sa iyo.”
“Ikaw, ikaw ang kasagutan sa aking paghahanap. Akala ko’y wala na akong kagalakang madarama pagka’t isinarado ko na ang aking mga mata mula sa buhay na ito. Subalit tumawag ka, at iyong ginising ang aking nahihimlay na kaluluwa. Kaysarap ng pakiramdam, kay-ligaya ko sa iyo. Ngunit hanggang kailan ito? Lilipas din ang oras, matatapos rin nyaring magandang panaginip. Habambuhay kitang hahanap-hanapin, habambuhay gugunitain ang ating pagtatagpo, sapagkat magiging ala-ala na lamang ang mga sandaling ito. Ikaw na siyang puno' ng katatagan, ngayo’y nadudurog. Di ko sadya na ika’y paluhain, alam mo rin na sa pagbukang-liwayway, ika’y lilisan. Muli kang lilipad patungo sa iyong mundo, pagkat doon lamang nararapat ang iyong rangya at kariktan. Magkaiba ang ating daigdig, ‘di maaari itong nadaramang pag-ibig. Paalam, aking sinta.
At kung ano’ng hinanap ko, akala ko’y akin nang natagpuan. Siya nga, ngunit ‘di ko naman maitatabi. Muli akong hihimlay, babantayan ako ng mga nakapalibot na puno, at sa aking pag-tulog, kita’y hihintayin. Hahangarin kong ang sandaling yaon ay humantong sa magpakailan, at doon mananatili itong aking pag-ibig. Dito na magwawakas ang tagpong ito.”
short story,
poem,
poetry,
literature