Jun 18, 2009 00:10
Ngayon lang ako talagang napaisip sa mga naging pagbabago sa buhay ko. Lalo na sa aking mga pangarap. Dati ko pang pangarap maging manunulat, mula nung bata pa ako. Hindi naman sa ako'y magaling, pero sa pagsusulat ako nasisiyahan. Sa pagbabasa. Sa pagbabasa ng magasin. Sa pagtingin sa mga litrato sa magasin. Sa pag-layout ng mga bagay bagay. Natuwa rin naman ako nung kabilang ako sa mga editor ng high school paper namin. Akala ko na publication na talaga ang pupuntahan ko. Tipong maging editor ng isa sa mga paborito kong magasin. Parang siguradong sigurado na ako sa mga panahong yun. Pero nasaan ako ngayon? Nasa Film. Wala sa Journ.
Sa ikalawang taon ng kolehiyo ko napagdesisyonang hindi magshift at manatili sa Film. Malaking bagay na siguro ang org ko, pati na rin sa Film 100 kay Sir Campos. Natutuwa na rin naman ako sa pelikula. Natuto akong mahalin ang pelikula. Nagustuhan ko ang ideya ng paglalagay ng kwento sa at paglalagay ng kahulugan sa mga gumagalaw na imahe. Natutuwa ako sa malaking pwedeng pagbabago ng kahulugan ng mga bagay sa konting pag-iiba sa paglatag at pagsasama-sama ng mga imahe. Natutuwa ako sa mga shoot, sa dinami dami na ng pinuntahan, tinulungan, inaktingan at kung ano man sa mga prod. Natutuwa naman ako sa lahat ng mga natutunan ko hanggang sa ngayon. Pwede ko naman rin siguro ikatuwa ang lahat ng natutunan ko at naaapply sa panonood ng pelikula.
Ginugusto ko parin siguro maging editor o manunulat. Alam ko naman pwede pa naman akong pumasok sa industriya ng publikasyon, pero kanina sa miting ng org namin sa CCP at sa mga direktor ng Cinemalaya ko lang talagang narealize na ang paggawa ng pelikula ang isa pang (o baka yun na talaga) landas na pwede kong tahakin. Narinig namin ang maraming naging concern ng mga filmmaker, lalo na ang kanilang kita sa napakalaking ginagastos sa paggawa ng pelikula. Kahit indie ang mga ito, ilang milyon na pala talaga ang inaabot. Nakausap rin ang ibang (totoo sanang) nagsabi na ang gusto lang talaga nila ay mapanood ng marami ang kanilang pelikula. Nakita ko ang mga trailer ng mga bagong Cinemalaya entries sa taong to. Ang gaganda. Nakakainspire. Doon ko na isip na maaaring gawin ko ang lahat ng ito at maranasan ang ang lahat ng ito sa kinabukasan.
Actually naexcite ako sa ideyang yon. At natakot. Sobrang wala kasi sa aking "comfort zone" ang pagiging filmmaker. Di hamak na mukhang mas stable ang kita at mas glamorosa ang pagiging isang regular na columnist/editor ng fashion and lifestyle magazine kaysa sa filmmaker. Kebs kung magmukha na akong haggard, parang willing naman ata akong gawing malaking bagay ng aking buhay ang pagiging parte ng paggagawa ng pelikula. Naisip ko na baka ganon ko na talaga kamahal ang film para i-entertain ang ideyang 'to. 3rd year na ako sa Film at wala na talagang iwanan sa kursong to, kasi sobrang sayang. Wala pa akong maikling pelikulang nagagawang sobrang ikinakatuwa ko. Marami pa akong maaaring mahalin (o kamunghian) sa film, pero napakarami paring kailangan matutunan. Parang nagkaroon ako bigla ng bagong option.
Anong masama sa pagkaroon ng bagong option? Wala naman. Malay natin, maging editor parin ako ng magasin. Malay natin, editor ng film, PA, PD (production designer), scriptwriter, at kung ano man. Hindi lang ako talaga sanay na hindi ako sigurado sa future ko. Lalo na at meron akong pinangarap sa napakalaking bahagi ng pagtanda ko, tapos bigla nalang nagbago pagkalipas lang ng dalawang taon. Medyo nakakatakot ang mga posibilidad. Pero aaminin ko, parang mas exciting ang hindi pagiging sigurado ko sa ngayon. Exciting ang mga pagbabago. Exciting ang mga landas na kailangan kong daanan ko bago ko makamit ang katotohanan.
P.S. Kebs sa mali-mali kong tagalog k. Surreh nalang. Haha.
musings,
college life