Jul 17, 2007 18:39
this is an oddly 'eurekan' essay i did for panpil 19 before. 30 minutes prior to submission, a classmate told me that we're due 1 paper about the self. haha!! was reading through it and hell, i've got some ideas at that time. i just wish that i have those things more often. :(
CHICHARABAO
Chinicharon na balat ng kalabaw. Mas mabaho sa baboy, mas maalat, pero mas masarap. Sige, kain lang. Hangga’t keri ng tiyan, balewalain ang sinasabi ng iba.
Bata pa lang ako ay naririnig ko na sa mga amiga ng aking lola ang mga katagang, “ang lusog naman ng apo mo… parang napakawalan sa kusina.” Napakawalan sa kusina-tumatak na ito sa aking isipan hanggang ngayon. Ngunit noong bata-bata pa ako’y ang buong akala ko’y “cool” o ayos lang na masabihan ako nito. Naisip ko kasi, bakit ba, eh bata naman ako? Taon na ang lumipas, yan pa rin ang sinasabi ko sa mundo. Hanggang sa ngayon, bata pa rin ako. Ayun, ay sa mata ko lang naman na ata.
Nakakapagtaka na karamihan sa mga dalaga ngayon (at minsan nga’y mga nagdadalaga pa lang) ay sobrang self-conscious na. Biruin mo’y 13 taong gulang pa lang ay nais nang mag-“diet”. Ako ma’y nasabihan na rin ng aking magulang na mag-“diet”, at pasasalamatan ko daw sila pag tanda ko. Naisip ko kasing pag nag-diyeta ako, pagkakaitan ko ang aking sarili ng mga pagkain (o yung dami nila na pumapasok sa aking bibig). Noon pa ma’y malaki na ang aking tiyan, na tila’y may beer belly ako sa hindi malamang kadahilanan. Kaya habang ang buong kadalagahan ay nag-aalala na sa pagpapa-seksi para mapansin na sila ng mga kalalakihan, naroon ako sa isang tabi, kumakain ng isaw at pinapanood silang gutumin ang mga sarili nila.
Noong nasa high skul ako, naisip ko na rin kasi na ang hindi pag-alala sa mga bagay tulad ng diyeta’y makakatulong sa akin para mag-seryoso sa pag-aaral. Kung sabagay, wala naming lalaking papansin sa laki ng katawan ko.
Malaki, mataba, bondat. Oo, ako yun. Marahil ay mas naging halata pa iyon dahil sa aking butihing mga binting wala na yatang mas iiksi pa. Napansin ko na nga rin na wala sa proporsyon ang aking katawan. Tapos ang kulay ng balat ko’y di mo maintindihan kung kulay lupa o dilaw. Pambihira, bondat na kakaiba ang kulay. Meron nga sigurong baboy na kulay dilaw.
Hindi ko naman sinusumbat sa sarili ko na ako’y isang boybabs. Tila’y tanggap ko na nga ata kasi na may kalakihan ako kung ihahambing sa ibang ka-edad ko. Pero kasi, sa ilang taon kong pilit na pagkumbinsi sa sarili ko na mataba at panget ako, napagtanto ko na hindi ako ganun-malusog lang ako. Kasi nakaka-akyat pa naman ako ng ikatlong palapag ng isang gusali nang hindi hinihingal. Mas malaki lang ako sa iba.
Kung tutuusi’y pumayat na ako nung nakaraang taon. Oo at nagustuhan ko ang resulta, pero wala naman masyadong nagbago. Parehong mga kaibigan, parehong mga kausap, parehong kakilala, parehong mga gawain. Kaya bakit ako magpapa-apekto sa mga batayan ng kagandahan ng mga Pilipino? Minsan nga’y hindi na kapani-paniwala… dahil halos 70% ng mga kalalakihang pilipino’y naghahanap ng balingkinitang katawan, chinita’t maputi. Sana’y pumunta na lang sila sa Tsina… kaysa mauso pa ang sangkatutuak na pinsan ni Biolink at Likas. Mas maniniwala pa nga ako sa mga Koreanovela tulad ng Kim Sam Soon. Sa wakas, hindi maganda yung babae.
Maganda naman ang katawan ko… katanggap-tanggap ika nga nila. Pero lahat ng mga sinasabi ko dito’y naka-base sa aking opinion. Kaya kung may tatawag sa aking pakawala sa kusina, aba’y buong puso akong ngingiti at magsasabing, “gusto mo ng chicharabao?”