"Ano ba dun ang hindi mo maintindihan, Harry? Hindi na nga pwede." malakas na sambit ni Myka kay Harry. Puno na ng pagkairita at galit si Myka kay Harry pero hindi niya ito magawang saktan. Nakatitig lamang ng matagal si Harry sa kanya, halatang nag-iisip ng susunod na sasabihin. Maya-maya'y lumapit si Harry sa kanya't malumanay na nagsalita, "Sino ba ang nagsasabing hindi pwede? Sila? Eh ano ba ang alam nila? Hindi naman nila nararamdaman ang nararamdaman nating dalawa eh. Kaya naman natin eh. Paglaban natin. Mahal mo naman ako diba?"
Isa na yata iyon sa mga laging tinatanong ni Harry kay Myka na sa tingin ni Myka, hindi na dapat tinatanong.
Katahimikan.
Dumungaw si Myka sa bintana ng bahay na kanilang tinuluyan sa isang malayong probinsya. "Akala ko kaya tayo lumayo para makapag-usap tayo nang masinsinan. Para malinawan. Para makaisip ng solusyon sa problemang ito." Parang panang sumakto sa puso ni Harry ang mga salita ni Myka. Hindi na niya magawang lapitan ito kaya't sumagot siyang ni hindi man lamang matignan kahit ang likod ni Myka. "Ginagawa ko naman ang lahat eh. Sinusubukan kong lumaban. Sinusubukan kong intindihin ang mga sinasabi mo. Maniwala ka, sinusubukan ko." Paulit-ulit itong sinasabi ni Harry na parang nababaliw nang tao. Napansin ito ni Myka at nang kanyang tignan si Harry, nasilayan niya ang mga luhang kailanman ay ayaw niyang makita. Agad agad siyang lumapit kay Harry at niyakap nang mahigpit. "Alam ko. Hindi mo kasalanan. Walang may kasalanan. Biktima lang tayo ng panahon. Hindi lang tayo pinalad sa mga pamilya natin." Parang isang batang binigyan ng matamis na kendi si Harry nang marinig si Myka na magsalita nang ganun. Bihira kasing magsalita ng ganun si Myka.
"Pero kaya naman natin diba?" Tanong ni Harry kay Myka. Dagliang humarap si Myka at sabi kay Harry, "hindi lang siguro ngayon. Pero alam kong maaayos din natin ito. Sa tamang panahon. Hindi ba't sabi mo sakin, pareho tayo ng tadhana?" Mahigpit na hinawakan ni Harry ang kamay ni Myka at sabay sagot, "Oo. Pangako. Kahit kailan, hinding-hindi tayo magkakaiba ng landas na tatahakin. Kailangan kitang maging malakas Myka." Nakangiti na silang pareho ngayon, na parang binunutan ng tinik sa dibdib. "Oo, Harry. Para sa'yo... para sa'tin."
Magda-dapit hapon na nang matapos sila sa kanilang usapan. Oras na para sila'y maghiwalay at umuwi sa kani-kanilang pamilya. "Hihintayin kita, Harry." Huling sambit ni Myka bago siya sumakay sa kaniyang sasakyan. "Ganun din ako, Myka. Kahit sa kabilang buhay, hihintayin kita." Pabulong na sabi ni Harry habang pinapanood niyang papalayo ang sasakyan ni Myka. Nang wala na sa kanyang paningin ang sasakyan, sumakay na rin si Harry sa kanyang kotse at nagmaneho na papalayo. Halos sabay nilang iniwan ang bahay kung saan sila nagsumpaang hindi sila maghihiwalay.
Nasa isip pa rin ni Harry si Myka at tila'y wala ang kanyang atensyon sa pagmamaneho. Hindi niya namalayan ang isa pang kotseng paparating at huli na ang lahat para ikabig ang manubela. Sabay umikot ang paehong sasakyan at ang sasakyang nakabangga ni Harry ay sumalubong sa isang puno ng narra malapit sa bangin. May malay si Harry nang matapos ang mabilis na pangyayaring iyon. Daglian siyang bumaba at tinignan ang pasahero ng sasakyan. Wala itong malay, duguan, at nakahandusay sa maalikabok at baku-bakong daanan. Lumapit siya upang makita nang mas malinaw ang pasahero.
Tumigil ang kanyang mundo sa kanyang nasilayan.
Babae.
Dalaga.
Si Myka.
Tumakbo siya papalapit at inakay si Myka sa kanyang mga braso. "Myka! Myka!" Sinasampal ni Harry ang mga pisngi ni Myka, tahimik na nagdadasal na magising ito. Ilang ulit pa'y unti-unti nang nagkamalay si Myka. Hindi ito nakapagsalita nang makita si Harry. Ngiti lamang ang kanyang inialay para sa irog. "Myka. Hindi ko sinasadya. Myka, kaya mo yan. Maghintay ka. Dadalhin kita sa ospital." Umiling si Myka. Marahil ay alam na kung ano ang patutunguhan ng lahat. "Mahal kita, Harry." Umiiyak na si Harry ngayon-- humahagulgol. "Tama na, Harry. Masyado ka nang nahihirapan dahil sakin. Hihintayin kita." At sa sandaling iyon, umagos ang mga luha kasabay ng pagbuhos ng ulan. Pumikit na si Myka sa huling pagkakataon at kasabay nun ay ang pagpatak ng isang luha sa kanyang mata.
….
“Hihintayin kita, Harry. Hihintayin kita.”
this is the first time i'm in front of my PC doing something out of control-- nothing. haay. sarap ng 2 day vacation. balik trabaho na sa monday.
i miss blockseven. dalaw naman kayo sa elbi!! haha