Dec 14, 2005 19:04
Ano ba ang bukas? Isang salitang punung-puno ng wala. Isang salitang nag-uumapaw sa hangin. Isang salita, at isang salita lamang.
Sabi ng kahapon sa akin, maganda raw ang bukas.
Maaliwalas daw ang langit, luntian ang kapaligiran, at malinis ang tubig bukas.
Bawat pinto ay nakabukas at nag-aalay ng pag-asa ng pag-unlad.
Ngunit hindi na dumating ang araw ng bukas.
Ngayon at ngayon lang ang mayroon tayo:
ang ngayon na hindi na nagbago;
ang ngayon kung saan lahat ng pinto ay nakapinid,
walang para sa iyo.
Ano nga ba ang bukas?
Nakita mo na ba iyon?
Tila gawa-gawa lang ng aking imahinasyon.
Sabihin mo sa akin kung may bukas nga.
Sapagkat ngayon
at ngayon lang ang mayroon ako.