Dec 09, 2005 22:36
Kanina ko lang talaga napagtantong wala akong lugar sa kursong inaaral ko ngayon. At naisip kong malamang-lamang na wala akong lugar sa kahit anong kursong aaralin ko. Dahil wala akong patutunguhan. Ganun lang naman yata talaga ang buhay. Yung iba, may katuturan ang buhay. Yung iba, importante sa mundo. At yung mga katulad ko, pwede nang itapon sa Payatas bukas.
Sa aking pagmumuni, hindi ko naiwasang amining hindi ko talaga ninais na maging parte ng mundo. Ngayong isinusuka na ako ng napiling mundo para sa akin, sa tingin ko'y lulutang na muna ako. Sa kawalang singlawak ng kalangitang walang hanggan, lulutang na muna ako.
Minsan nalilingon ako sa labas ng bintana, tumitingala sa langit at humihiling na mapakawalan na mula sa nakasusuyang siklo ng buhay: ang paulit-ulit na pagpapalit ng kasiyahan at kalungkutan. Kailanman ay hindi ko naintindihan kung bakit kinakailangang mangyaring muli ang nangyari na noon. Kaya nga sila nakakasawa, hindi ba?
Baka bukas sa aking pagbangon, Payatas na nga ang aking mamamalas. O madarama. Sa aking paglutang, rant-rant lang ang makabubuhay sa kin. Basura na kasi ang lahat.