Pandaigdigang Kombulsyon sa Pinansya: Katapusan na nga ba ng Kapitalismo?

Feb 05, 2009 00:50



Praymer ng EILER
24 Setyembre 2008

Mabilis na bumubulusok ang ekonomya ng US at buong pandaigdigang sistemang kapitalista. Dumaraan ito ngayon sa isa sa pinakamatitinding krisis pampinansya mula pa noong panahon ng Great Depression noong dekada 1930.

Mula pa noong 2007, sunud-sunod nang nagbabagsakan ang pinakamalalaking bangko at mga institusyong pampinansya sa US. Kabilang na dito ang tatlo sa limang pinakamalaking bangko sa pamumuhunan at sagradong mga simbolo ng kapitalismo sa Amerika - ang Bear Stearns, Lehman Brothers at Merrill Lynch. May ilan pang dambuhalang bangko sa US ang patuloy na nanganganib ang katayuan. Napilitan din ang gobyerno ng US na akuin ang bilyun-bilyong utang na di mabayaran sa dalawang pangunahing tagapagpautang para sa pabahay sa US - ang Frannie Mae (Federal National Mortgage Association) at Freddie Mac (Federal Home Loan Mortgage Association) - para lang hindi tuluyang mabangkarote at magsara ang dalawa.

May susing papel ang mga monopolyong bangkong ito sa sistemang kapitalista dahil nakakonsentra sa kanila ang negosyo sa pagtustos sa mga pangangailangang pampinansya ng industriya at kalakalan. Pag-aari sila ng iilang pinakamakapangyarihang kapitalistang may kontrol sa kapital sa pinansya. Dahil dito, nasesentralisa o natitipon sa kanila ang kapangyarihan sa pinansya, produksyon, kalakalan, at buong ekonomiya hindi lamang ng US kundi ng buong daigdig. Kaya naman marami ngayon ang nagtatanong, “Ito na ba ang katapusan ng kapitalismo?”

Samantalang sa Pilipinas, dali-daling nagpahayag ang rehimeng US-Arroyo na hindi maaapektuhan ang ating ekonomiya ng sumambulat na krisis pampinansya sa US.

Upang higit na maunawaan kung ano nga ba ang kahulugan at mga implikasyon sa Pilipinas at sa daigdig ng kasalukuyang krisis pampinansya, kailangan nating balikan ang pinag-ugatan ng krisis na ito.

Ang ugat ng kasalukuyang krisis pampinansya

Mula noong katapusan ng dekada 1970, ipinatupad ng US ang mga patakarang “neoliberal” upang muling palakihin ang tubo ng mga kapitalista at para umano lutasin ang problema ng istagplasyon (stagflation) o ang sabayang pag-iral ng istagnasyon o matumal na ekonomiya at ng mataas na implasyon noong panahong iyon.

Ang nasa likod ng problema ng istagplasyon ay ang muling pagbangon ng Europa at Japan noong dekada 1960 bilang mga kapangyarihang industriyal matapos mawasak ang ekonomiya nila noong ikalawang digmaang pandaigdig. Dahil dito, tumindi ulit ang kumpetisyon sa pagitan ng mga monopolyo-kapitalistang Amerikano, Aleman, Hapon at iba pa sa pandaigdigang merkado - kaya naman bumaba rin ang pangkalahatang tubo nila pagsapit ng dekada 1970. Kasabay nito ang paglustay ng imperyalistang US ng sariling pondo nito upang tustusan ang gerang agresyon sa Vietnam, na isang naging mayor na dahilan ng pagsirit ng implasyon noon.

Pero pinalabas ng mga monopolyo-kapitalista na ang problema ng istagplasyon ay bunga ng malaking gastusin ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan at sa mataas na pasahod sa mga manggagawa. Kaya naman, sa isang banda, ang isang pangunahing diin ng neoliberalismo ay ang paliitin ang gastos ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan, at tiyaking nakapako sa lupa at patuloy na lumulubog ang sahod ng mga manggagawa.

Sa kabilang banda, todo-todo naman ang mga pabuya sa mga monopolyo-kapitalista sa mga sumusunod na anyo: pagbawas sa mga pagbubuwis sa kanila; pagpapasinaya ng mga kontratang militar at mga pag-aaring publiko; walang limitasyong pagpapautang; garantiya at subsidyo sa pamumuhunan at samu't saring suportang pampulitika at pang-militar. Lahat ito, para makapagpalawak sila at magkaroon ng mga mapagkukunan ng hilaw na materyales, pamilihan, at mapaglalagakan ng kanilang puhunan sa lahat ng sulok ng mundo.

Kaya sa ilalim ng mga islogan ng “malayang pamilihan” at "globalisasyon," itinulak ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US, ang mga bansang atrasado na ibuyangyang ang kani-kanilang ekonomiya sa dayuhang kapital. Sa gayo’y napabilis ng monopolyo-burgesya ang konsentrasyon at sentralisasyon ng yaman sa kanilang mga kamay sa pamamagitan ng pagpiga ng supertubo at bayad-utang, liberalisasyon ng daloy ng kapital at kalakalan, pribatisasyon ng mga pag-aaring pampubliko at serbisyong panlipunan, at deregulasyong sumasagasa sa mga karapatan at kagalingan ng masang anakpawis, kababaihan, mga bata at kalikasan.

Ang ibinunga ng mahigit dalawang dekada ng pagpapatupad sa neoliberalismo ay higit na konsentrasyon ng kapital sa kamay ng iilang monopolyo-burgesya sa isang banda, at ibayong pagsasamantala at pagkabusabos sa higit na nakararami sa kabila. Noong 2000, ang pinakamayamang 1% ng mundo ang may-ari ng 40% ng yaman sa daigdig, ang pinakamayamang 2% ang may-ari ng 51%, habang ang pinakamahirap na kalahati ng populasyon ng mundo ay may-ari lamang ng wala pa sa 1% ng yaman ng daigdig. Mahigit 2.8 bilyon ang nabubuhay sa di lalampas sa $2 bawat araw, na dumoble mula sa 1.4 bilyon noong dekada 1970. Mahigit 1 bilyon ang walang sapat na pagkain at nagugutom, habang 1 bilyon ang wala man lang mapagkunan ng malinis na tubig na maiinom.

Sa halip na lutasin ang problema sa ekonomiya, pinalala pa nga ng neoliberalismo o imperyalistang globalisasyon ang krisis ng sobrang produksyon. Ito ang kalagayan kung saan mayroong napakaraming kalakal pero hindi naibebenta dahil walang sapat na kakayahan ang mga mamamayan na bilhin ang mga ito. Inilatag ng neoliberalismo ang kalagayan upang lumakas ang produksyon, ngunit inilatag din ito ang kalagayan upang lalong mawalan ng kakayahan ang mga mamamayan na bumili ng mga produkto - dahil sa mababang pasahod na bahagi ng matinding pagsasamantala. Para sa mga kapitalista, nangangahulugan ito ng pagbaba ng tubo, pagkalugi at pagbabawas sa empleyado. Di-maiwasang tunguhin ito ng sistemang kapitalista dahil nakabatay ang pagyaman ng mga kapitalista sa pagsasamantala sa masang anakpawis.

Upang mapasigla ang pamumuhunan at pagkonsumo ng mga mamamayan nang hindi pinapataas ang sahod at pondo sa serbisyong panlipunan na pawang ipinagbabawal ng neoliberalismo, hinikayat ng gobyerno ng US ang ispekulasyon sa stock market at sa real estate. Ang ispekulasyon ay isang paraan ng pamumuhunan na kahalintulad ng pyramid scam o kaya’y pagsusugal sa casino. Kaiba ito sa pamumuhunan sa produksyon ng mga kalakal na nakakapagbigay-empleyo sa mga manggagawa upang lumikha ng karagdagang yaman para sa lipunan.

Kasabay nito, hinikayat din ng gobyerno ang pangungutang sa mga bangko at institusyong pampinansya para bumaha ang pondong pantustos sa ispekulasyong ito. Pati mga ipon, pensyon at perang nagmula sa pagsasangla ng bahay ng karaniwang Amerikano ay hinihikayat na isugal sa ispekulatibong pamumuhunan at sa pagbili ng bagong mga kotse, gamit sa bahay at iba pang kalakal na pangkonsumo.

Ito ang nasa likod ng huwad at pansamantalang pagsigla ng ekonomiya ng US noong dekada 1990. Subalit katulad ng mga pyramid scam, naglaho rin ito na parang bula nang sunud-sunod na bumagsak ang halaga ng mga sapi sa stock market, partikular ang mga kaugnay ng industriya ng information technology at internet, dahil napatunayang artipisyal at di kayang masustini ang tubo ng karamihan sa kanila. Ito ang tinataguriang pagputok ng “tech bubble” o “dot.com bust” noong 2001.

Upangmaalpasan ang krisis na sumambulat noong 2001, pinalobo naman ng mga monopolyo-kapitalista sa US ang bula sa real estate at konstruksyon sa pamamagitan ng pag-aalok ng mababang interes sa mga pautang sa pabahay. Pati yaong mga may maliliit lang na kita o halos walang kolateral ay inengganyong mangutang para may maipangkonsumo batay sa pinalobong halaga ng mga isinanglang bahay nila. Ito ang tinatawag na “subprime mortgages” na lumobo at naipon sa account ng mga bangko sa US mula 2001.

Pagsapit ng 2007, umabot na sa US$51.1 Trilyon ang pinagsama-samang utang ng mga mamamayan, korporasyon at gobyerno sa US - halos apat na beses ang laki kumpara sa $13.1Trilyong Gross Domestic Product (GDP) ng pinakamayamang bansa sa daigdig. Lumaki rin ang bahagi ng kabuuang tubo ng mga kompanya sa US na napupunta sa mga bangko at institusyong pampinansya noong dekada 1990 mula 20% hanggang 40% ng kabuuang tubo ng mga korporasyon (total corporate profits).

Pagdating ng huling bahagi ng 2006, nagsimula nang dumami ang mga di makapagbayad ng kanilang utang sa pabahay dahil patuloy namang lugmok ang tunay na kabuhayan ng masa - walang pagtaas ng sahod at minimal ang serbisyong panlipunan. Nagdulot ito ng pagbagsak ng ilang bangkong may malalaking pautang na subprime mula noong 2007.

Pero mabilis nang kumalat at tumindi ang epekto ng malawakang pagkabigong makapagbayad (default rates) dahil sa laganap na iskema ng securitization na pinauso ng malalaking bangko sa pamumuhunan. Ito ang iskema ng mga kapitalista sa pinansya kung saan pinagkokombina nila at binabago ang pakete ng mga pautang sa pabahay at iba pa, at kanilang binabansagan ang mga ito bilang “mortgage-backed securities,” “asset-backed securities,” “collateralized debt obligations,” (CDO), “collateralized loan obligations” at "structured investment vehicles". Pagkatapos, ibinenta nila ang mga ipinaketeng pautang na ito sa iba pang bangko at kapitalista sa US at ibang bansa na sumusugal din sa pamumuhunan sa ispekulasyon.

Ito ang isang dahilan kung bakit mabilis na lomobo ang kabuuang halaga ng pag-aaring pampinansya sa US hanggang mahigit siyam na beses kumpara sa laki ng GDP nito. Ito rin ang dahilan kung bakit naging pandaigdigan na ang saklaw ng pampinansyang krisis dahil bilyun-bilyon ang di mabayarang pautang na subprime sa US. Katunayan, hindi na matukoy ng mga awtoridad sa bansang ito kung alin at gaano talaga kalaki ang mga utang na subprime, at kung sino talaga ang may utang sa kung kanino.

Kaya nayayanig na rin pati mga bangko at stock market sa ibang bansa. Marami na ring malalaking bangko at kumpanya sa pinansya sa Europa ang nanganganib bumagsak. Pansamantalang nakaahon na lamang muli ang mga ito ngayon dulot ng malakihang paglalabas ng pondo ng mga bangko sentral sa US, Europe at Asia.

May ilang dambuhalang bangko sa United Kingdom na nagsara o nilamon na ng iba dahil sa pagkalugi din sa pautang. Naglaho ang $1.6 bilyong puhunan ng pitong bangko sa Japan sa nabangkaroteng Lehman Brothers. Ang HSBC, pinakamalaking bangko sa Europe, ay hinambalos ng $3.4 bilyong pagkalugi noong 2007, bunga ng pagpipinansya nito ng mga sanla sa pabahay sa US. Naghahanap na ito ngayon ng kumpanyang bibili rito.

Inaasahang magiging walang kaparis sa kasaysayan ang napipintong pagbagsak sa halaga ng mga ari-arian (asset write-downs). Sa tantya ng International Monetary Fund (IMF), pwedeng umabot sa $1 Trilyon ang pagkalugi at pagbagsak ng halaga ng mga pag-aari sa US - halagang mas malaki pa sa GDP ng buong Australia. Sa ibang pagtantya, maaaring umabot ng $30 Trilyon ang kabuuang halagang mawawala nang parang bula sa buong daigdig dahil sa krisis na ito.

Epekto sa mga mamamayan ng daigdig

Subalit hindi lang mga kapitalista sa pinansya ang maaapektuhan ng malakihang pagkaluging ito sa pautang at pagbagsak ng halaga ng mga pag-aari. Ang totoo, karaniwang mga mamamayan ang babalikat sa mapaminsalang mga epekto nito. Ang pagsambulat ng krisis pampinansya ay nangangahulugan ng mas matinding krisis sa ekonomya sa kabuuan -- pagbagal ng produksyon, paglaki ng disempleyo, pagtumal ng pamilihan, at pagtindi ng kahirapan ng mamamayan.

Tinatayang 2.2 milyon, o isa sa bawat 50 pamilya sa US, ang mawawalan ng sariling bahay dahil sa krisis at pagkabaon sa utang. Papabagsak din ang halaga ng ipon ng ordinaryong mga mamamayan na kanilang ipinuhunan sa pagbili ng bahay o inilagak sa stock market. Libu-libong manggagawang Amerikano ang nadadagdag ngayon sa bilang ng walang trabaho. Umabot na sa 15 milyon ang wala o naghahanap ng dagdag na trabaho sa US.

Dahil sa pagkitid ng pondo para sa pamumuhunan at konsumo, inaasahang papasok sa isang napakalubhang resesyon ang US at iba pang imperyalistang bansa sa darating na taon. Ayon sa IMF, malamang na bumagal ang paglaki ng ekonomiya ng daigdig patungong 3% lang o mas mababa pa sa 2008 at 2009. Kahit sa kanilang depinisyon, katumbas ito ng isang “resesyong pandaigdig”.

Magbubunsod din ang pagkitid ng pamilihang pangkonsumo sa US ng biglaang pagliit ng mga order sa Latin Amerika, China, India, Southeast Asia at iba pang bansang nakaasa sa pag-eeksport ng mga produktong agrikultural, hilaw na materyales, mineral at mala-manupakturang mababa ang dagdag-halaga para sa mga imperyalistang bansa. Pinakamalalang maaapektuhan ang mga bansang atrasado na mahigpit na nakatali sa neokolonyal na relasyong pangkalakalan sa US. Kasama rito ang mga bansang tulad ng Pilipinas, Mexico, at yaong mga nakatali sa mga kasunduan para sa “malayang kalakalan” sa US, EU o Japan.

Magiging mas mahigpit din ang pautang at tataas ang sinisingil na interes ng mga bangko. Ibig sabihin, maaaring magdulot ito ng pagkaunti ng pautang para sa mga bansa sa Third World . Problema ito para sa mga bansang umaasa sa pagdaloy ng dayuhang kapital para (1) magbayad ng lumang mga utang, (2) ipagpatuloy ang pag-iimport galing sa mga abanteng kapitalistang bansa, at (3) pagtakpan ang pamalagiang depisitong bunga ng pandarambong ng imperyalistang mga estado sa kanilang ekonomya.

Lahat ng ito ay magdudulot ng pagsasara ng maliliit na negosyo at malawakang tanggalan. Babala ng International Labor Organization ILO), madadagdagan ng 5 milyong manggagawa ang hanay ng walang trabaho sa buong mundo dahil sa kasalukuyang krisis sa pinansya. Tataas daw ang tantos ng walang trabaho sa mundo tungong 6.1%. Batay ito sa mas optimistikong pagtataya ng 4.8% na paglago sa GDP ng daigdig, na nirebisa na nga at ginawang mas mababa ng IMF. Kaya't milyun-milyon pa ang idadagdag sa 189.9 milyong walang trabaho noong 2007 bunga ng mas masahol na resesyon ngayong 2008 at sa 2009.

Sa patuloy na paglala ng krisis sa pinansya, natutulak ang mga kapitalista na maghanap ng ibang mababalingan ng kanilang sobrang kapital. Kaya lumilipat ngayon ang ispekulatibong kapital sa pangangalakal ng mga komoditi (commodities futures trading) tulad ng langis, mineral at mga komoditing pang-agrikultura. Itinutulak nito ang pagsirit ng presyo ng pagkain at enerhiya lampas sa aktwal na kalagayan sa tunay na ekonomiya, at sa gayo’y labis na inuuk-ok ang tunay na halaga ng kita ng malawak na mayorya lalo na sa Third World. Ibig sabihin, tataas ang presyo ng pagkain at enerhiya nang lampas-lampas sa tunay na halaga at dapat sana’y presyo ng mga ito, at nang lagpas-lagpas din sa kakayahan ng mga mamamayang bilhin. Binubuo ng pagkain ang 30-40% ng gastos sa konsumo (consumer-price index) sa mayorya ng mga bansang mahihirap, kumpara sa 15% lamang sa mga ekonomiyang G-7. Tantya ng The Economist, kilalang burges na publikasyon hinggil sa ekonomiya, dalawang katlo (2/3) ng populasyon ng mundo ang malamang na dumaranas ngayon ng double-digit inflation. Isinasadlak nito ang milyun-milyong katao sa papalalim na karalitaan.

Epekto sa Pilipinas

Bilang malakolonyal at malapyudal na bansa na pinahihirapan ng dayuhang imperyalismo at katutubong pyudalismo, pamalagian ang sosyo-ekonomikong krisis sa Pilipinas. Subalit sa ilalim ng imperyalistang globalisasyon, lalong nalugmok ang ekonomiya ng bansa at naging higit na bulnerable sa epekto ng tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Taliwas sa sinasabi ng rehimeng US-Arroyo na hindi na gaanong nakatali ang Pilipinas sa US, ang isang pagbahing ng US ay nagiging sanhi na ng pagkakaroon ng trangkaso ng Pilipinas dahil nakakubabaw pa rin ng monopolyo-kapitalistang US ang ekonomiya ng bansa.

Mahigit P2 Trilyon na ang nawala sa halaga-sa-papel ng mga sapi sa Philippine Stock Exchange (PSE) simula Agosto 2007 nang pumutok ang krisis na subprime sa US. Posibleng mabawasan din nang $386 Milyon ang halaga sa pag-aari ng pitong bangko sa Pilipinas na may puhunan sa nabangkrap na Lehman Brothers sa US. Tiyak na lalaki pa ang mga pagbagsak ng halaga ng pag-aari (asset writedowns) na ito sa pagdami ng mga bangko at kompanyang malulugi sa US at iba pang imperyalistang bansa na may dominanteng papel sa sistemang pampinansya at ekonomya ng Pilipinas.

Pero hindi lang mga bangko ang apektado. Kalakhan ng ini-eksport ng Pilipinas na hilaw na materyales, produktong agrikultural, mineral at mala-manupaktura ay para sa US kaya't babagsak din ang kita ng bansa mula sa mga eksport dahil sa resesyon doon. Ayon sa Ibon Foundation, 20% ng kabuuang eksport ng Pilipinas ang idinidiretso sa US habang ang malaking bahagi ng eksport na napupunta sa Japan, China, Hong Kong, South Korea, Taiwan at Malaysia ay mga bahagi at kasangkapan para sa mga produktong binubuo (ina-assemble) sa mga bansang ito bago i-eksport din sa US. Kapag naging matumal din ang iba pang bansa dahil sa pandaigdigang resesyon, lalo pang babagsak ang kikitain ng Pilipinas sa pag-eeksport.

Kahit ang ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) sa Pilipinas, na pangunahing nakasentro sa sektor ng call center, ay dominado rin ng mga monopolyo-kapitalista ng US at nakaasa sa kalagayan ng ekonomiya sa US. Ayon sa Ibon, 90% ng kita sa eksport ng BPO ng Pilipinas ay mula sa merkado ng US.

Tinatayang malilimitahan din, kundi man mababawasan, ang bilang ng mga Pilipinong makakahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa resesyon sa mga bansang kapitalista at pagtumal ng pandaigdigang ekonomiya sa kabuuan. Mangangahulugan ito ng mas kaunting remitans at mas matamlay ding konsumo sa Pilipinas dahil sa laki ng papel ng remitans sa lokal na ekonomiya.

Sa pagbagsak ng pag-eeksport ng kalakal at serbisyo (tulad ng BPO), pagbagal ng pagdami ng mga OFW at pagliit ng remitans nila, tiyak na lalala ang kawalang-trabaho sa Pilipinas. Ibig sabihin, dadami ang walang trabaho o di-regular ang trabaho, at lalong babaratin ang sahod at kita ng mga may trabaho - dahil lalong darami ang magkukumpetisyon para makapasok sa trabaho Pinapalubha pa ang sitwasyon ng patuloy na pagsirit ng implasyon lalo na sa presyo ng mga pagkain, dulot din ng krisis pampinansya at patuloy na pag-iral ng atrasadong sistema ng pyudalismo sa kanayunan. Sa pagtantya ng Asian Development Bank (ADB), “sa bawat 10% pagtaas sa presyo ng pagkain, halos 2.3 milyon ang nadaragdag sa mga naghihirap.”

Mga solusyong sablay

Sa harap ng pinakamatinding krisis na bumayo sa US at sa pandaigdigang sistemang kapitalista mula noong Great Depression, naglabas ng isang “plano sa pagsaklolo” o "rescue plan" ang gobyernong Bush noong Setyembre 20. Dito, maglalaan ng humigit-kumulang $700 Bilyon ang gobyernong US para akuin ang di-mabayarang mga utang sa pabahay. Dagdag ito sa $29 bilyon na inilaan ng gobyernong US upang pondohan ang pagbili ng JP Morgan Chase sa bumagsak na Bear Stearns, $200 bilyon upang isalba ang Freddie Mac at Fannie Mae, $85 bilyon upang bilhin ang 80% kontrol ng papalubog na American Investment Group (AIG, ang pinakamalaking insurance company sa daigdig), at $180 bilyong ambag sa pondong gagamitin upang pasiglahin ang mga pamilihang pampinansya. Sa kabuuan, mahigit $1.3 trilyon na ang ilalaan ng gubyernong Bush para sagipin ang mga monopolyong bangko at pakalmahin ang nagpa-panic na mga kapitalista sa pinansya. Ipinagdarasal ng gobyerno na sapat na ito upang maisasalba ang buong sistemang pampinansya na gumigewang sa kasalukuyan.

Pero sa esensya, nangangahulugan ito na gagamitin ang buwis mula sa masang anakpawis para isalba ang mga kapitalistang nagpasasa sa ispekulasyon, isang patunay ng sukdulang pagka-parasitiko ng mga kapitalista sa pinansya. Inilarawan ang sitwasyong ito ni Nouriel Roubini, isang ekonomista sa New York University, na “sosyalismo para sa mayayaman, makoneksyon at Wall Street (ibig sabihin, pribado ang tubo pero sosyalisado ang pagkalugi).” Bukod dito, magdudulot ito ng paglaki ng depisito sa badyet at paglobo ng utang ng gobyernong US, magpapahina sa US dollar at magkakait ng mga pondong dapat mapunta sa kagalingan ng mamamayan. Kaya't sa halip na masolusyunan ang problema, ipinapagpaliban lang nito ang mas malaking kombulsyon sa sistema.

Pinapatunayan lamang ng “rescue plan” ng gobyernong Bush ang kahungkagan ng mga islogang neoliberal na “malayang pamilihan”. Lumalabas ang katotohanan na ipinagbabawal lamang ng mga naghaharing-uri ang “panghihimasok ng estado” sa pamilihan sa usapin ng pagtataguyod sa interes at proteksyon sa karapatan ng mga anakpawis. Para sa kanila masama ang pagpapalaki sa gastos sa serbisyong panlipunan; pagpapataas sa sahod; pagtitiyak sa disenteng kalagayan sa paggawa; proteksyon sa kalikasan para sa masa at para sa mga susunod na henerasyon; proteksyon sa kababaihan, kabataan at sa mga inaaping sektor sa lipunan; tunay na reporma sa lupa at at pambansang industriyalisasyon na tuwirang pinangangasiwaan ng estado. Pero kapag yaman at interes ng pinakamalalaking kapitalista ang nakasalalay, agad na inilalaan ang trilyon dolyar na pondo mula sa kaban ng bayan para sila ay isalba.

Sa Pilipinas naman, "business as usual" ang tindig ng rehimeng Arroyo. Sinabi ni Gng. Arroyo na naniniwala siyang maaalpasan ng sambayanang Pilipino ang krisis na ito. Sabi ng iba, sinabi ito ng pangulo para mapanatag ang mga Pilipino at patuloy na gumastos, at nang patuloy na tumakbo ang ekonomiya. Pero hindi mapapanatag ng mga pahayag ni Gng. Arroyo ang mga mamamayang lumiliit ang kita at hindi makabili ng batayang pangangailangan. Hindi rin nito maitutulak ang mga mamamayang patuloy na kumonsumo. Mas masahol pa, nagmamatigas ito sa harap ng lumalawak na panawagan ng iba’t ibang sektor na ibasura ang Value-Added Tax sa mga produkto, at itaas ang sahod ng mga manggagawa nang P125, across the board, sa buong bansa - mga hakbanging disinsana'y magbibigay ng kahit pangkagyatang kaluwagan sa mga mamamayan. Wala rin itong maihain na bagong patakaran, maliban sa pakitang-taong pamimigay ng maliliit na relief packages na hindi nakakalutas sa problema.

Sa kabuuan, ginagamit at gagamiting pagkakataon ng mga naghaharing-uri ang kasalukuyang krisis para angkinin ang higit pang yaman mula sa mga anakpawis, lalo pang uk-ukin at pababain ang sahod at paggastos sa serbisyong panlipunan, tanggalin ang mga manggagawa sa trabaho, palaganapin ang walang kaseguruhang trabaho, durugin ang mga karapatan ng manggagawa, supilin ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at patindihin ang pagsasamantala sa mga uring anakpawis.

Ano ang tunay na solusyon?

Lantad na sa mamamayan ang kahungkagan ng neoliberal na globalisasyon, at pagkabulok ng sistemang kapitalista sa daigdig. Pero hindi pa ito nangangahuluganng pagkamatay ng naghaharing sistema sa malapit na hinaharap. May mga naniniwala pa rin na kaya pang repormahin ang sistema sa pamamagitan ng paglalagay ng mga regulasyon at proteksyon upang maging diumano'y maging “mas makatao at mas makatarungan” ito sa nakararami.

Dapat maging malinaw sa atin na ang kasalukuyang krisis pang-ekonomya ay tanda lamang ng pundamental na mga kontradiksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista na patuloy pang tumitindi sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. Ang paglala ng polarisasyong pang-ekonomiya (paglaki ng agwat ng mayayaman at mahihirap), labis na akumulasyon ng kapital, krisis ng labis na produksyon at pagkawasak ng produktibong mga pwersa ng lipunan ay likas na tunguhin ng sistemang nakabatay sa pribadong monopolyong kontrol ng iilan sa panlipunang mga kagamitan sa produksyon.

Sa Pilipinas, pinalulubha at pinalalalim ng imperyalistang globalisasyon ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan na siyang ugat ng pagkabusabos ng sambayanan. Kasabwat ng mga dayuhang monopolyo kapitalista sa pangunguna ng imperyalismong US ang mga malalaking panginoong maylupa at burges komprador sa Pilipinas upang tiyakin na kontrolado nila ang malalawak na lupain, likas na yaman at lahat ng estratehikong industriya sa bansa. Idinidikta nila ang mga patakaran ng gobyerno upang panatilihing atrasado ang ekonomya ng Pilipinas, patuloy na pakinabangan ang murang paggawa at murang hilaw na materyales sa bansa, tiyakin ang malayang paghuthot ng supertubo ng mga dayuhang monopolyong kumpanya, pagkalugi sa kolonyal na kalakalan sa mga imperyalistang bayan, pagpasasaan ang kaban ng bayan, at lalong ilubog ang sambayanan sa utang na di kailanman mababayaran.

Lahat ng ito ay hindi kayang aregluhin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo (bailouts) sa mayayaman, pagpapaluwal ng mga pampasigla sa ekonomiya (fiscal stimulus), at pagdaragdag ng mga regulasyon o mga safety nets na pansalo sa mga lumulubog sa karukhaan, gaano man ang mga ito karami.

Para sa sambayanang Pilipino, ang tanging pangmatagalang solusyon ay ang pagbasura sa mga patakarang neoliberal, pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo at komprehensibong pambansang industriyalisasyon hanggang maitaguyod ang isang sosyalistang kaayusan. Ito lamang ang magtitiyak sa komprehensibong pag-unlad ng bayan na tumutugon sa pangangailangan at kagalingan ng mayorya sa lipunan sa halip na sa dayuhan at iilan. Ito ang magtitiyak na ligtas ang ekonomya sa mapaminsalang mga krisis na dulot ng kawalang-plano sa produksyon na likas sa sistemang kapitalista. Ito ay magiging posible lamang sa ilalim ng isang demokratikong gobyerno ng bayan na tunay na kumakatawan sa interes ng masa ng sambayanan.

Sa kagyat, kailangang labanan natin ang pagtatangka ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri na ipabalikat sa mga mamamayan ang buong bigat ng kasalukuyang krisis na nilikha nila. Dapat palakasin ang ating paggigiit para sa mga hakbanging magbibigay ng kahit pansamantalang ginhawang pang-ekonomiya (economic relief measures) sa mga mamamayan tulad ng pagbasura sa RVAT sa langis, pagtataas sa sahod nang P125 across the board, mas malaking badyet para sa serbisyong panlipunan, moratorium sa pagbabayad ng utang panlabas, at iba pang demokratikong kahilingan ng mga mamamayan. Kailangan din nating pahigpitin ang ating pakikipagkaisa sa mga mamamayan ng ibang bansa na lumalaban sa panggigipit ng imperyalismo.

Hindi kusang babagsak ang sistemang kapitalista sa daigdig at ang sistemang malakolonyal-malapyudal sa Pilipinas, sa kadahilanang patuloy na kinukumpuni at itinataguyod ang mga ito ng mga naghaharing-uri gamit ang lahat ng kanilang yaman at kapangyarihan, panlilinlang at karahasan upang manatali sila sa poder. Kailangan ang ibayong pagpupunyagi ng lahat ng pinagsasamantalahan at inaapi sa lipunan upang gibain ang mga naturang bulok na panlipunang istruktura at palitan ng isang alternatibong kaayusan kung saan may tunay na kalayaan, demokrasya at hustisyang panlipunan.#

http://www.eilerinc.org/content/pandaigdigang-kombulsyon-sa-pinansya-katapusan-na-nga-ba-ng-kapitalismo

Previous post Next post
Up