May UPCAT results na. Good luck sa mga pumasa.

Jan 24, 2009 02:24

Sa pagdaan ko sa Registrar's Office, napansin kong kumonti ang panel boards na pinagpaskilan ng mga pumasa ng UPCAT. Kung hindi siguro natakot ang iba sa taas ng maaring singilin sa kanila, marami sanang pangalan ang nakapaskil sa panel board.

Pero kung may pantustos man ang mga pumasa o nagbakasakali lang, pare-parehong kawawa ang mga freshmen na tutuloy sa pagpasok sa UP sa susunod na semestre. Bawas na nga ang perang ibinibigay ng gobyerno para sa kanila, bawas pa ang budget na inilalaan para sana ipambili ng bagong kagamitan na makakatulong sa pagkatuto nila dahil inilaan ito sa pagpapatayo ng mga gusaling itatayo hindi para mapaganda pa lalo ang kalidad ng edukasyon kundi para  labas pa sa mataas na tuition at laboratory fees. Ipapasa naman ng ipapasa ng administrasyon sa kanila ang halagang dapat nanggagaling sa gobyerno. At magbabayad sila ng malaki para sa mga bagay na hindi naman nila pakikinabangan--gaya ng TechnoHub at ng fireworks (na hindi ba naman nakakalokong isipin na ang labinlimang libo mo ay pumutok at naglaho na lang sa kalangitan).

Kung nabuksan na magulang niya ang lahat ng kanilang alkansya, at hindi pa rin sasapat ang pantustos sa tuition, at malaman niyang meron namang STFAP, sana makalusot nga siya sa mabusisi at inaccessible na proseso nito. At sana madagdag siya sa lalabing-isang tumanggap ng libreng matrikula.

Pero kung hindi niya malamang may STFAP naman, maaari na siyang maghanap ng uutangan. Pwede siyang mag-apply ng loan at maghanap ng guarantor. Pero bawas na ang pamimilian niya. Wala na si Mang Meliton para maging guarantor mo. Kung siya naman ang direktang uutangan mo, wala siyang maibibigay. Naubos na niya halos lahat ng makukuha niya mula sa retirement pay sa pagsalo ng utang ng mga naunang Iskolar ng Bayan na kung tutuusin ay hindi pa kataasan ang matrikula.

Ayon na rin sa balita, 92 sentimo na lang ang natanggap niyang retirement pay.

Kasabay na nagretiro ni Mang Meliton ang pag-asa ng ilang kabataan na mayroon silang makakapitan para matustusan ang kanilang pag-aaral sa UP.

Sa mga susunod na taon, lalo pang mababawasan ang mga panel board na pagpapaskilan ng mga pumasa sa unibersidad. Ang ilan kasi sa mgastudyante, mapangungunahan na ng takot na baka walang ipambayad. Nakakainsulto tuloy. Hindi na pala competence ang labanan sa pagpasok sa UP; labanan na pala ito ng kung sino ang may pera at kung sino ang wala.

Sa mga pumasa ng UPCAT, pagbati. Two percent iskolar ng bayan na lang sila kung tutuusin (dalawang porsyento na lang ng kanyang matrikula ang sinasalo ng gobyerno sa kasalukuyan) dahil kaya naman daw ng mga bulsa nila. Pero kung nabibigatan sila, may karapatan silang umalma. At wag lang sana syang makupot sa pagpapabibo sa klase; at wag lang niyang sikaping maging magaling. Inaasahan siya ng nakararaming masa; ialay niya sana ang galing niya sa sambayanan

Sa mga pumasa ng UPCAT at nag-aalinlangan kung kakayanin ba ng bulsa ng kanyang magulang, wala na siyang Mang Meliton na matatakbuhan. Pero  hindi sana ito maging hadlang upang igiit at ipaglaban ang puwang niya sa unibersidad na ito. At kung maigapang ng kanyang mga magulang ang kanyang pang-matrukula, wag niya sanang sayangin ang pagkakataon. Two percent iskolar ng bayan na lang siya kung tutuusin. Pero karapatan niyang makuha ang pinakamataas na halaga na maaaring saluhin ng gobyerno para tustusan ang pag-aaral niya. Sana makasama namin siya sa paggiit nito.

Previous post Next post
Up