#70 Thank you, beautiful world :)

Jun 18, 2015 15:19

Unang tingin pa lang, nabighani na niya ako.

Alam kong hindi ako ang unang taong nakapansin sa kanyang angking ganda. Marami na ring nagbalak na mapuntahan siya, ngunit kaunti lamang silang nagtagumpay. May pagkapihikan kasi siya eh. Sabi ng mga nakadalaw na sa kanya, walang maaaring maihambing sa kanya. Maliban sa kanyang kagandahan at kayamanan, walang makapapantay sa alay niyang kapayapaan at katahimikan. Kaya naman, hindi na rin kataka-takang marami talagang nagmimithing makita at maranasan siya.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ko para makita siya. Labindalawang oras sa pampasaherong bus at dalawang oras sa himpapawid ang aking sinuong upang masilayan ang kanyang ganda. Nagsisisi ba ako at naging hibang ako upang gawin ang mga iyon para lamang sa kanya? Siyempre hindi. Napawi niyang lahat ang pagod, pawis, dugyot at kung ano pa mang bagay ang naidulot sa akin ng mahabang paglalakbay ko patungo sa kanyang mga bisig. Isang dampi lang ng kanyang mainit na yakap ay sapat na para bumalik ang sigla sa aking pagal na katawan.

O Batanes, ano bang hiwaga ang mayroon ka para makaramdam ako ng ganitong kaigting na paghanga at pagmamahal sa iyong angking ganda?

Sa unang tapak ko sa Basco, ang unang mga salitang nasambit ko ay ito: “Ang init.” Oo nga’t literal na mainit o mataas ang temperatura noong araw na iyon, pero hindi lamang iyon ang aking tinutukoy noon. Mainit, dahil naramdaman namin ang mainit na pagtanggap sa amin ng mga taga-Batanes. Mainit, dahil kasing-init at kasing-liwanag ng araw ang mga ngiti ng mga taga-Batanes sa una naming pagtatagpo. Mainit, dahil hindi kayang palamigin ng kahit anong bentilador o pamaypay ang init ng kanilang pagmamahal para sa kanilang bayan at mga kababayan, na aming naunawaan at naranasan sa ilang araw naming pagtira sa Batanes.

Sa unang araw ng aming medical mission, ang aming grupo ay nagpunta sa Ivana, isang karatig-bayan na matatagpuan sa timog ng Basco. Dito namin unang nakasalamuha ang mga katutubong Ivatan na nais magpakonsulta para sa kanilang mga medikal na pangangailangan. Dito ko nakilala si Utoy (hindi niya tunay na pangalan), isang siyam na taong gulang na batang lalaking pumila sa labas ng rural health unit para maging isang ganap na binata. Sa mas madaling salita, para magpatuli. Nakatutuwang alalahanin ang galak na aking namasid sa kanyang mukha, pati sa mukha ng kanyang mga kaibigang kapwa magbibinata, noong sila ay nakaupo sa may pintuan ng RHU habang nagkukuwentuhan at tila sabik na sabik nang magpatuli. Si Utoy ay isang matapang na bata. Hinarap nya ang kanyang pag-gradweyt sa pagkabata nang may tibay ng loob at ngiti sa kanyang mga labi. Hindi na niya kinailangang magpasama sa kanyang mga magulang para harapin ang kanyang pagbibinata. Hindi siya umiyak, at hindi rin siya natakot. Sa katunayan, parang ako pa nga, bilang kanyang manggagamot, ang nakaramdam ng takot para sa kanya. Unang beses ko pa lang kasing magtutuli noon, at si Utoy ang aking unang biktima. Siyempre, hindi ko ipinaalam sa kanya iyon. Natapos na ang seremonyas, nabalutan na ng gasa ang inoperahang bahagi ng kanyang batang katawan, nakinig siyang maigi sa aking mga paalala, at masaya niya akong sinabihan ng “salamat po, doktora” habang ingat na ingat na lumalabas sa pintuan ng kwarto kung saan siya ay tinuli. Nakatutuwang alalahanin at nakatataba ng puso.

Sa simpleng pag-uusap namin ni Utoy, muling naipaalala sa akin ang kahalagahan at kagandahan ng pagkakaroon ng pananaw sa buhay na tulad ng sa isang bata. Oo, kasama sa paglaki at pagtanda ang pagharap sa iba’t ibang mga pagsubok sa buhay, ngunit hindi ibig sabihin nito’y dapat nang ibaon natin ang ating mga sarili sa hirap at dusang ating dinaranas. Hindi naman makasasama kung, tulad ng mga bata, tayo ay hihinto sandali upang magpahinga at lasapin ang ligayang dala ng mga simpleng bagay sa ating mga buhay. Tulad ni Utoy na nakangiting pumila sa RHU at naniwala sa kakayahan ng mga manggagamot na tutulong sa kanya sa kanyang biyahe patungo sa pagkabinata, tayo rin bilang mga tao ay may Diyos na maaari nating pagkatiwalaan sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Manalig tayong hindi Niya tayo pababayaan at lagi lamang Siyang nakaalalay sa atin habang tayo ay naglalakbay sa ating mga kanya-kanyang buhay.

Marami pa kaming mga nakilalang tao sa Batanes na nagpaalala sa amin ng mga aral sa buhay na dapat naming pag-ingatan. Sa mga pagtatagpong ito, naibahagi nila sa amin ang kanilang mainit na pagmamahal at taos pusong pasasalamat dahil sa aming pagsama sa kanila sa dalawang araw ng aming medical mission. Gagawin naming baon ang mga ito sa pang-araw araw naming pakikisalamuha sa mga pasyente, mga kapwa manggagamot at manggagawa sa ospital.

Sa Batanes, hindi lamang ang dagat, puno, burol at iba pang mga tanawin ang may magagandang kulay ng luntian at bughaw. Hindi magpapatalo sa kagandahan ng kalikasan ang busilak na puso ng mga taong tumanggap sa amin sa ilang araw naming pagtira sa Batanes. Tunay ngang hindi namin malilimutan ang aming karanasan sa mala-paraisong lugar na ito.

Dios mamajes, Batanes!

***

So, it's a reflection of sorts for our recently concluded 2-day medical mission (and ++ days of R&R) in Batanes. The surreal beauty of the place cannot be encapsulated in words, I tell you. Even the pictures do not give justice to the majesty and grace of its rolling hills and beyond beautiful beaches. Ah, it makes me proud to be a Filipino, really! <3

***

I tried to be as casual as I can while writing in Filipino. This is beyond saddening - that I now find writing to be a difficult task. Gone are the days when I could whip out poems and paragraphs filled with feelings and emotions that I know I will never share to the world (haha). Oh man, living in a left-brained world is draining the creative juices out of me.

words, medicine, writing woes, filipina pride

Previous post Next post
Up