[figure skating] relaks, umibig ka lang 3/5

Jun 16, 2015 13:14



<< part 2

Denis

May kakaiba ata siyang pakiramdam. (Hindi, hindi yung ganung pakiramdam, kadiri ka!) Yung masamang kutob na hindi niya maalis-alis. Hindi niya alam kung bakit, pero masamang pangitain ata iyon.

Nagsimula iyon noong pumunta sila sa plaza. Biglang may pumasok sa salon ni Jeffrey, at ang bumulaga? Walang iba kundi si Jeremy (hindi ‘yung trike driver) at ang kanyang nanay. Siyempre laking gulat niya. Masaya ang kanyang nanay sa siyudad, at hindi niya naisip na si Jeremy (hindi ‘yung trike driver) ay may gustong pumuntang probinsya.

“Eh, siyempre, ilang buwan ka na rito, gusto ko rin kamustahin ang anak ko,” sagot ng kanyang nanay noong dinala siya ni Denis sa bahay para kumain. “At saka balita ko na kakanta ka pala sa talent show ni Kapitan Evgeni. Hindi ko naman puwedeng palampasin ‘to, di ba?”

Of course. Ganyan talaga nanay niya. Bawat kaganapan sa buhay ay dapat nandiyan siya. Hindi siya nawawala sa PTA meeting (siya ang presidente), sa mga performance niya sa Buwan ng Wika, Nutrition Day, Teachers’ Day, Recognition Day, at kung anu-ano pang day sa paaralan at sa barangay kung saan siya present, bibigyan ng parangal, o kahit kakanta. Siya pa nga ang punong abala sa kanta, sa costume, kahit sa blocking sa entablado. Tunay na stage mom nga. Kung sabagay, hindi naman siya nagrereklamo. Ganyan magpakita ang nanay niya ng kanyang pagmamahal. (Naks, senti.)

“At saka”-lumaki ang ngiti ng kanyang nanay-“gusto kong makilala ang boyfriend mo.”

Nabilaukan si Denis sa kanyang kinakain. “Boyfriend?!” bulalas niya. “Ma, wala akong boyfriend! Saan niyo naman napulot yang tsismis na ‘yan?!”

“Sa akin!” pakantang pagmamalaki ni Stephane, nakataas ang kamay. “Magka-chika kami ni Tita Oksana sa FB last week!”

Juskopo. Gusto ni Denis sabunutan ang sarili (pagkatapos niya sabunutan si Stephane). Na-stress ata siya nang bongga.

May plano naman talaga siyang ipakilala si Alex. Siyempre, hindi niya kayang sagutin si Alex kapag walang basbas ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang nanay. Nagyaya si Caro na pumunta sila sa plaza, dahil malamang nandoon sina Alex. Pero maraming tao sa plaza, at hindi niya makita si Alex; siguro abala pa rin sa talent show. Sa bagay, isang linggo na lang bago ang big day, so malamang, abala si kuya.

So ang nangyari, ang nanay niya pinuntahan ang ibang kaibigan, habang sila ni Stephane at Caro nilubut-libot si Jeremy. Pinakilala niya sa mga ka-trabaho niya sa paaralan, sa mga kaibigan niya, pati na rin sa mga bata. Niyaya pa nga siya nina Dice na maki-duet sa talent show, na willing na willing naman si Jeremy gawin.

“Alam mo naman iyan! Nasa isang banda tayo noong college,” sagot ni Jeremy, nakaakbay kay Denis habang hinihintay si Manong Kevin na matapos lutuin ang inorder nilang fishball.

Malakas ang tawa si Denis sa alala. Si Jeremy ang AB Org sa college, kumabaga. Mataas ang grado, pero nagagawa pa niyang tumugtog sa banda, mag-volunteer sa mga bagay-bagay, at iba pang gawaing hindi na niya mabilang. Pero ang banda ang minahal niya nang lubusan; silang dalawa nga ang magkasama roon eh.

“Ser, okay na po,” biglang sabi ni Manong Kevin, iniabot ang iilang lalagyan ng fishball.

“Ayun, salamat! Tara, puntahan na natin yung dalawang bakla.”

Nang inabutan niya ang dalawang kaibigan, sinabi ni Stephane na nakita nila si Alex. “Umalis nga lang kaagad,” sumbong ni Stephane. “May aasikasuhin daw para sa talent show.”

At ayun na ang kakaibang pakiramdam. Si Alex dumaan? Pero hindi man lang bumati? Ganun? May pinagdadaanan ba si Alex na hindi niya alam?

“Alam mo,” sabi ng nanay niya sa sumunod na araw, naglatag ng pagkain sa harap niya. Nakakamiss din ang luto ng nanay niya. “Hanapin mo si Alex. Kausapin mo siya. Alam mo naman ang mga lalaki. Hindi nagsasabi ng kanilang tunay ng nararamdaman.”

“Ma, si Alex ba iyan o si Papa?”

“Etong batang to!” Binatukan siya ng kanyang nanay. “Dali! Kumain ka na! Di ba magpa-practice pa kayo?”

“Oo na, oo na!”

Nang dumating sila ni Jeremy sa entablado (a.k.a. basketball court ng barangay) ay nandoon na si Stephane at Caro, pina-practice ang mga bata. May isang grupo gagawa ng musical number (salamat sa Diyos hindi na naman ang tradisyunal na The Warrior is a Child) habang ang isang grupo ay sasayaw sa kantang K-Pop. Ang banda naman ay nagsa-sound test sa entablado.

“Magandang umaga!” pakanta niyang bati sa mga tao. “Friends, mga bata, kilala niyo si Jeremy, di ba?”

“Hi, Jeremy!” bati ng mga tao sa paligid. Nakakatuwa na natanggap kaagad ng mga tao si Jeremy, kahit ilang araw palang siyang nandito.

“Denis, magsa-soundcheck muna ako, ha?” sabi ni Jeremy bago umakyat sa entablado.

“Okay!” Lumapit si Denis sa dalawa niyang kaibigan. “Nakita niyo ba si Alex?”

Umiling si Caro. “Si Maia pa lang nakikita ko. Puwede mo siyang tanungin.”

O sige. Malamang alam ni Maia kung nasaan ang kuya niya. “Maia!” tawag niya, kumaripas sa direksyon ni Maia, na kausap si Liza.

“Uy, Denis!” Lumiwanag ang mukha ni Maia at niyakap siya. “Parang ang tagal nating hindi nagkita!”

“Oo nga eh!” Tumawa si Denis. “Abala tayong lahat sa talent show. Lalo na ikaw.”

“Mas abala si Kuya. Hindi na nga pumapasada, eh. Nandoon lang sa bahay at sa barangay hall.”

“Kaya ba hindi nagpaparamdam sa’kin?”

Nagkibit ng balikat si Maia. Parang may alam siya, pero hindi niya kayang ipaliwanag. “Dadating siya mamaya. Hintayin mo na lang.” Ngumiti siya at bumalik sa pagkausap kay Liza.

Wala naman siyang magagawa kundi maghintay, kaya ipinako muna niya ang kanyang pag-iisip sa pagpa-practice. Inuna muna niyang bantayan ang mga bata, at hindi naman siya binigo ng mga ito. (Ang gagaling ng mga alaga niya, walang halong charot.) Pagkatapos ng isa pang ulit ng kanta at sayaw ay pinuntahan niya ang banda, si Jeremy kasundo na kaagad si Scott.

Okay na ang banda nila noong una silang nag-practice, pero nang sumama si Jeremy ay parang naging mas mabuti. Siyempre, expert si Jeremy at alam niya kung ano ang mas magandang gawin sa isang concert o kahit maliit na pagtitipon. Pero parang siya, medyo nawawala sa focus. Ewan, kasi minsan ay nasisintunado siya o nakakalimutan ang lyrics. Hindi naman siya ganito.

“Time out muna tayo!” sabi ni Jeremy pagkatapos ng kanilang pangalawang round ng pagtugtog. Ibinaba niya ang gitara at nilapitan si Denis. “Huy, okay ka lang? Hindi ka naman ganito kapag kumakanta, ah.”

Nagbuntunghininga si Denis. “Ewan, Jer ... napaisip lang ako ng mga bagay-bagay.”

“Huy!” Inakbayan siya ni Jeremy at hinila siya papalapit. “Alam mo yung palaging sinasabi ni Tita bago tayo tumugtog?”

“Siyempre naman,” sagot ni Denis. “It’s our time to shine.”

“It’s our time to shine,” inulit sa kanya ni Jeremy. “Alam kong practice lang, pero smile naman diyan! Mamaya mo na isipin yang bumabagabag sa’yo!”

Napangiti nga si Denis. Medyo nakatulong ang mini-speech ni Jeremy sa mood niya. “Kaloka ka. Sa wakas, napo-pronounce mo na nang matino yung ‘bagabag’.”

“Wow, doon ka concerned, hindi roon sa pep talk ko, ikaw talaga!” Lalo siyang hinila papalapit ni Jeremy at ginulo ang buhok.

“Hoy! Buhok ko iyan! Ayokong ginugulo ang buhok ko! Hoy, Jeremy Te-”

“Ehem.”

Lumingon si Denis at parang tumigil ang pagtibok ng kanyang puso nang makita si Alex. Ang kamay niya ay nasa baywang at nakasimangot siya; never niya nakitang nakasimangot si Alex. Pero hindi niya pinansin yun. “Alex!” bati niya, medyo nahiya dahil pumiyok siya. “Anong petsa na? Ngayon lang tayo nagkita muli!”

Hindi ngumiti si Alex. Medyo natatakot na siya. “Busy sa pagaayos eh. Hindi ako tulad ng iba na iba yung pinagkakaabalahan.”

Patama ba iyon? Excuse me? Anong iba ang pinagkakaabalahan niya? Bumaba siya sa entablado at nilapitan si Alex. Sinusubukan niyang mukhang intimidating, kahit hindi naman siya katangkaran. “May problema ka ba sa’kin?” tanong niya.

“Wala,” sagot ni Alex, ang boses malamig.

“Eh bakit ka ganyan?” Napapansin niya ang mga tao na lumalapit sa kanila, mga usisero’t usisera talaga. “Alam mo, ilang buwan na tayong ... magkasundo. Oo, magkasundo! Akala ko nga close na tayo eh. Kung may problema ka sa’kin, sabihin mo.”

Hindi sumagot si Alex, iniiwasan ang kanyang pagtingin. Umiinit na ang ulo ni Denis. Ano ba ginawa niya? Paano niya malalaman kung hindi sasabihin ni Alex? Madam Auring ba siya? Hulaan na lang tayo?

“Denis? Jer?”

Lumingon ang mga usisero’t usisera at biglang pumasok ang nanay niya, suot ang signature telenovela kontrabida look niya. “Tita Oksana!” tili ni Stephane tapos kaway. “Kamusta ang Titas of the Barangay?”

“Eto, mukhang mga lola na,” sagot ng nanay niya, at iniangat ang dala niya. “May pakain ako para sa inyo.”

“Yehey!” sigaw ng mga bata, ang unang kumaripas papunta sa kanya.

Habang namimigay ng pagkain, napatingin si Denis kay Alex. Parang nanigas siya sa kanyang kinatatayuan, medyo namumutla. Pinigilan niya ang kanyang pagtawa. Oo, inaasar siya ni Alex noong bata sila, pero pagdating ng nanay niya ay bigla siyang magpapakabait. Sa bagay, nakakapanliit naman kasi yung nanay niya minsan eh. (Kaya siguro maliit din siya.)

“Denis,” tawag ng kanyang nanay, with her signature telenovela kontrabida voice. “Kamusta ang practice?”

“Okay naman po!” sagot ni Denis, pinalo si Jeremy bago pa siya makasagot ng kahit ano. “Uh ... Ma! Si Alex nga po pala! Siya yung nag-organisa ng talent show na ‘to!”

Tiningnan ng nanay niya si Alex with her signature telenovela kontrabida judgmental stare. Nararamdaman niyang nanginginig sa takot si Alex, at pinigilan niya muli ang kanyang tawa. “Alex Shibutani? Ang palaging nang-aaway sa anak ko?”

“Um ... nice to meet you po,” sagot ni Alex, pati boses nanginginig. “Napauwi po kayo.”

“Bakit, ayaw mo?” tanong ng nanay niya, ang kilay biglang tumaas.

“H-Hindi po!” Ang boses naman ni Alex ang pumiyok (wow, nagbibinata muli). “Um ... sana mag-enjoy po kayo sa talent show namin.”

“Dapat lang. Nandiyan ang anak ko.” Nginitian siya ng kanyang nanay. “At syempre, nandiyan si Jer.”

“Siyempre, tita!” Ngumiti rin si Jeremy at hinawakan si Denis sa baywang. Medyo hindi siya sanay? Hindi touchy-feely si Jeremy? Anyare grande?

“Di ba mag-aasikaso ka pa ng mga bagay-bagay?” sumbat ng kanyang nanay kay Alex. “Dalian mo. Kailangan perpekto ang palabas.”

“O-Opo!” Lumingon si Alex sa kanya, pero sandali lang, bago kumaripas.

Bumalik sa normal ang kaganapan sa entablado, bago nagtanong ang nanay niya. “Ayan ang boyfriend mo?” tanong niya, mapanghusga na naman ang tono ng boses. “Unang pagkakilala sa kanya tapos nag-aaway kayo?”

“Ma, hindi nga kami eh.” Sa totoo lang, pagkatapos ngayon, hindi niya alam kung ano sila ni Alex. Nag-away tapos naglandian tapos ngayon away ulit?

Ka-Stress Orena Drilon.

Alex

Ayaw na ayaw ni Alex ang pakiramdam ng pagselos. Parang may halimaw na kumakain sa loob-looban niya at gusto lang niya manuntok. At siya pa naman ang tipong ayaw manuntok o manira ng gamit. (Good boy kaya siya.)

Pero halos isang linggong ayan ang nararamdaman niya. Palibhasa naman kasi, yung Jeremy (hindi ‘yung trike driver) na iyon, nakisali sa talent show. Ka-duet pa si Denis. At ano bang laban niya sa Jeremy na iyan? Mas pareho sila ng interes ni Denis. Ilang taon din silang nagsama sa siyudad. Mas malaki ang kita kaysa sa kakarimpot niyang kita bilang trike driver. At higit pa sa lahat, may basbas ng nanay ni Denis. (Hindi ata siya makakakuha ng basbas ng nanay dahil sa pang-aasar niya kay Denis noong bata sila. Nakakatakot pa to the highest levels si Mrs. Ten.)

Sinubukan niyang mag-focus na lang sa pag-oorganisa, lalo na’t nasa huling linggo na lang bago ang mismong palabas. Okay naman, at nagpapasalamat siya at nandyan si Maia na tumutulog sa pangangasiwa.

Pero siyempre, pag yung banda na ni Denis ang tutugtog, lumalabas na naman ang selos. Si Jeremy (hindi ‘yung trike driver) malandi pa, parang naghahanap ng bawat pagkakataon para akbayan o yakapin si Denis. Muntikan na niyang masigaw na rehearsal to, hindi shooting ng pelikula. Bawal maglandian dito, may mga bata. Bawal Rated SPG, striktong patnubay ng mga magulang.

“Ang galing-galing mo talaga, Denis!” sumbat ni Jeremy tuwing matatapos sila mag-rehearse. With matching akbay, matching kurot sa pisngi ni Denis.

“Maia, alis muna ako sandali,” sabi niya. “Nasusuka ako eh.”

“Jusko naman, Kuya.” Pinalo siya ni Maia sa braso. “Nag-usap na ba kayo ni Denis tungkol diyan?”

Hindi, sa totoo lang. Tuwing lalapitan siya ni Denis, lumalayo siya, tumatakbo siya. Tuwing lalapitan siya ni Denis, lumalabas lang ang selos, at hindi niya alam kung paano maipapaliwanag ang sarili niya. Duwag ka talaga, Alex Shibutani? Kahit kailan?

“Tingnan mo.” Nagkrus ng braso si Maia. “Gustong-gusto mo maging kayo, pero hindi mo masabi ang nararamdaman mo. Hindi pwedeng ganyan sa isang relasyon.”

“Wow, love expert?”

“Hindi, guidance counselor. Kahit yung mga bata may ganyang problema. O siya, kausapin mo siya bago siya mag-dalawang-isip sa’yo!”

Hindi alam ni Alex kung ano sasabihin niya, pero nang hanapin niya si Denis ay wala na siya sa basketball court. Pero nandoon pa si Jeremy (hindi ‘yung trike driver) at ang nanay ni Denis, na bigla siyang tinawag. “Ikaw,” sabi niya. “Trike driver ka, di ba?”

Naramdaman niya ang panliliit nang marinig ang malamig na boses ng nanay ni Denis. “O-Opo.”

“Dalhin mo kami ni Jer sa palengke. Bilisan mo, kailangan makakain ang anak ko bago siya manood ng telenovela.”

“O-Opo.”

Binaba niya ang nanay ni Denis at si Jeremy sa palengke, pero pinahintay pa siya sa labas hanggang matapos sila. May simbuyo siyang tumakas, pero alam niyang pag ginawa niya iyon ay ikamamatay niya iyon. (Alam naman niyang hindi talaga siya literal na mamamatay, pero yanno ...) Hindi naman sila matagal sa palengke, pero sa sobrang daming binili ng nanay ni Denis ay napilitan si Jeremy na sumakay sa likuran niya.

Ayaw niyang pansinin si Jeremy, pero madaldal si kuya eh. Nagkukuwento sa buhay niya sa siyudad, yung araw na magkaklase sila ni Denis. Kung puwede lang itulak siya sa trike eh…

“So, balita ko nililigawan mo si Denis,” banggit ni Jeremy.

Muntikan nang mag-preno si Alex. “Saan mo naman narinig iyan?” tanong niya, hindi tinatanggal ang pagtingin sa kalsada.

“Kay Denis,” sagot ni Jeremy, na para bang nagkukuwento lang siya tungkol sa panahon. “Lahat ng nangyayari sa buhay niya kinukuwento niya sa’kin.”

Eh di kayo na close, inisip ni Alex. Hindi na lang yun sinabi nang malakas.

“Alam mo,” patuloy ni Jeremy, “kapag ganyan ka, baka mawala pa siya.”

Dumating ang kaba. Oo, alam niyang mali ang ginagawa niya. Naisip na rin niya ang posibilidad, pero ngayon lang talaga siya natauhan na mangyayari talaga yun kapag hindi siya gumawa ng paraan.

Pero, teka ... Bakit sinasabi sa kanya ito ni Jeremy?

Tumawa si Jeremy, para bang nabasa ang kanyang iniisip. “Basta, malalaman mo rin iyan. Huwag kang magpatalo sa’kin, ha?”

“A-Ano?”

“Ay, malapit na kami! Para!”

Nasa labas si Denis ng bahay nang binaba niya si Jeremy at ang nanay ni Denis sa harap. Nagkatinginan sila, si Denis parang tahimik na nagtatanong sa kanya. Niyakap siya bigla ni Jeremy, at kumirot ang kanyang puso. Madalian siyang umalis bago pa siya tawagin ni Denis.

Denis

Minsan may hinala si Denis na may kasalanan siya.

Paano pa ba niya maipapaliwanag kung bakit iniiwasan siya ni Alex? Oo nga, busy si kuya, pero nasa isang lugar lang din naman sila nagiging abala, pwede namang maghanap ng panahon tuwing break, di ba? Tsaka nakasimangot si Alex. Mapangasar si Alex Shibutani, pero alam mong may matinding kawalan ng katarungan ang nawala kung nakasimangot siya. Ganoon kalala.

Pero kahit ibaliktad niya ang utak niya, wala siyang maisip na kasalanan. (Mabait kasi siya. CHAROT.) Pero seryoso nga, habang tumatagal ang kanyang pagmumuni-muni, lalo siyang nalilito. (At nagkaka-wrinkles. Palibhasa.)

“Ang lalim ata ng iniisip mo.”

Bumalik si Denis sa realidad at lumingon. Nakasandal na si Jeremy sa pader malapit sa pintuan, hawak-hawak ang gitara niya. “Aalis na tayo?” tanong niya, medyo wala sa ulirat.

“Hindi, trip ko lang sumandal nang ganito. Cool eh. Pampahila ng chicks.” Tumawa si Jeremy nang inirapan siya ni Denis. “Hoy, alam mo namang joke yun. Tara na, male-late tayo!”

Nasa kalagitnaan siya ng pagbibigay ng mga huling bilin nang makita niyang dumaan si Alex. Nagkatitigan sila sandali, pero mabilis na lumingon si Alex at dinaanan siya na parang wala lang.

Gusto sanang tawagin ni Denis si Alex, magkaharapan na, dahil halos isang linggo na silang ganito, at ayaw talaga ni Denis na humaba pa ang away ... kung yun ang matatawag niya sa sitwasyong iyon. Hindi nga lang niya nagawa yun dahil hinila siya nina Dice at Scott sa likuran ng entablado para sa huling preparasyon na kailangang gawin.

Hindi nagtagal at nagsimula na rin ang talent show. Si Jeffrey ang nagsimula ng palabas, bilang host, hinila si Kapitan Evgeni sa entablado para magbigay ng kaunting panimulang mga salita. Pagkatapos noon ay sina Alex (hindi na nakasando, sayang) at Maia ang nagsalita, nag-welcome sila sa talent show at sana mag-enjoy ang mga tao. Sa kalagitnaan pa naman ang banda nila magpe-perform-pagkatapos ng grupo nina Jinseo, Junehyoung, Rika, Chloe, Kevin, at Haejin at bago ang rap performance ng kargador na si Maxim-kaya umupo muna sila sa bandang harapan para mag-enjoy.

Dito nakita ni Denis ang angking talento ng mga kasama niya sa bayan, at wala siyang naramdaman kundi pagmamalaki. Tumula ang English teacher ng paaralan na si Tatsuki ng tula na para bang may pinaghuhugutan siya. (Mental note: Chikahin si Tatsu sa Lunes!) May song and dance number sina Aling Miki at Aling Shizuka kasama ng mga anak nila. Si Manong Javier naman ay sumayaw na para bang nage-aerobics siya.

“Denis!” tawag sa kanya ni Maia nang nagsimula nang mag-perform sina Elena, Liza, at Anna ng kanilang musical number. “Standby na!”

“Okay!” Tumayo si Denis at tiningnan ang kanyang mga kasama. “Tara, boys, it’s showtime!”

Pumunta sila sa backstage at naghintay matapos sina Elena, Liza, at Anna kumanta at sumayaw. Kasama nila sina Jinseo, Junehyoung, Rika, Kevin, Chloe, at Haejin na mas mukhang excited kaysa kinakabahan. Sila, wala nang aalalahin dahil lahat ng kagamitan naman nila naka-setup na sa entablado.

“Handa na ba kayo?” tanong sa kanila ng nanay ni Denis na biglang pinunasan siya gamit ng bimpo.

“Ma naman, hindi na ako bata!” Namumula ang kanyang mukha habang nilalayo niya ang bimpo, ang kanyang mga kasama, pati na rin ang mga bata, tumatawa nang malakas.

Biglang tumahimik ang grupo, at nang makawala si Denis sa kanyang nanay ay biglang tumigil ang tibok ng kanyang puso. Dumaan na naman si Alex, mukhang namutla na naman nang makita ang kanyang nanay. Pero madalian siyang kumalma at tumango. “Hello po,” bati niya.

“Alex,” bati niya, medyo nagagaya na ang signature telenovela kontrabida irap. Eh wala siyang magagawa. Kung iiwasan lang siya, might as well ipakita na ang inis niya.

Nagulat ata si Alex dahil kumurap siya nang mabilis. “Um ... sasabihin ko sana ... good luck.”

Si Denis naman ang nagulat. Wow, pagkatapos ng halos isang linggong iwasan saka siya kakausapin? Pero ayun, tanga ang puso, napangiti siya kahit papaano at nagsabi, “Thank you.”

“Hindi ba’t magaasikaso ka pa ng palabas?” biglang sumbat ng nanay ni Denis. “Lumayo ka na! Magiinternalize pa ang anak ko!”

“O-Opo!” Madaliang tumango ulit si Alex sa kanila at patakbong umalis.

“Huwag mo na siyang pansinin, Denis,” utos ng kanyang nanay nang wala na si Alex sa kanilang paningin. “Ang mahalaga ngayon ay maganda ang performance niyo.”

Alam naman ni Denis iyon. Priorities, ika nga. Pero hindi naman siya maka-focus dahil parang may dumaang bagyo sa loob-looban niya at parang gusto lang niya umiyak. Si Alex kasi eh. Leche siya. “Hindi ko alam kung kaya ko ...” ang sagot niya.

“Wow, grabe, Denis, nagda-drama? May pinagdadaanan?” tumawa si Jeremy at ginulo ang buhok niya.

“Wala kasi!” sigaw niya, pero nanlalabo na ang kanyang mga mata dahil may luha na. Hala. Hindi naman siya ganito. Punyeta.

“Denis.” Ayan ang signature telenovela kontrabida judgmental voice ng kanyang nanay, pero medyo maamo ang hawak niya sa kanyang balikat. “Huwag ka nang umiyak.”

“Hindi po ako umiiyak!” tutol ni Denis sabay singhot.

“Anong sinabi ko sa’yo tungkol sa mga sinungaling?” tanong ng kanyang nanay, sabay kurot sa kanyang tainga. “Mamaya mo na alalahanin si Alex na yan! Gawin mo na ang kailangan mong gawin!”

Hay nako, itong nanay niya. Forever career (?) over lablayp (pero obviously nauna ang lablayp ng kanyang nanay at some point, kaya nandito siya sa mundong ito). Pero sabagay, totoo nga. Bakit, kung iiyak siya magkakaayusan sila ni Alex? Baka nga matakot pa ang madlang people sa pula ng mata niya pagtungtong niya sa entablado eh. Kaya huminga siya nang malalim, nag-isip ng mga magagandang bagay, at ngumiti.

“Sige na nga! Boys, goralyns na tayo!”

Alex

Nangalahati na ang talent show, at sa oras na iyon ay nararamdaman na ni Alex ang paparating na pagod, lahat ng araw na kulang siya sa tulog biglang humahabol na sa kanya. Gusto na nga niyang mahiga muna backstage, pero marami pang kailangang gawin. Kung mayroon mang pampalubag-loob, ito ay ang makita niyang nage-enjoy si Kapitan Evgeni, pati na rin ang iba pang tao sa bayan. Makita lang niya iyon ay kahit papaano napapawi ang pagod niya.

Natapos na ang grupo ng mga bata na sumayaw ng kantang K-Pop, at nagkaroon ng intermission sa katauhan ng host na si Jeffrey, na bumaba ng entablado para sa maikling kumpetisyon. Habang nagaganap iyon ay nagse-setup ang banda nina Denis, Dice, Scott at ni Jeremy (hindi ‘yung trike driver). Nakatambay siya sa backstage, pinapanuod ang pagaayos at pagsa-soundcheck. Si Denis ay nakatitig sa mga manunuod habang tinatapik ang mic para siguradong maririnig siya ng mga tao pag kumanta na siya.

Matagal na niyang hindi narinig si Denis kumanta. Natatandaan pa niya noong grade school sila, si Denis palagi ang nasa sentro ng kanilang choir. Tuwing kumakanta si Denis, parang nararamdaman niya ang ibang klaseng kaligayahan at kaginhawaan. Palibhasa, kaya siguro siya nahulog nang tuluyan.

Sa wakas, naghanda na ang banda, at umakyat na si Jeffrey sa entablado. “O, mga kaibigan, ready na ba kayo sa susunod na mga talentado?”

Humiyaw ang mga tao.

“Ayan! O siya, hindi ko na kayo pahihintayin! Give it up for Denis and Friends!”

Lalong lumakas ang hiyawan ng mga tao, at sa tabi niya, tahimik na pumapalakpak ang nanay ni Denis, may nilabas na video camera na nakapatong sa tripod, habang may hawak-hawak na camera pangkuha ng litrato. Gusto ni Alex tumawa, pero baka mamatay siya sa irap ng nanay ni Denis kaya wala na lang siyang reaksyon.

Tumugtog nang kaunti si Scott para sa huling soundcheck, at lumingon si Denis sa kanyang direksyon. Sa linggong iyon palagi na lang umiiwas si Alex, pero ngayon, nawala ang selos at napangiti siya at tumango.

Nginitian din siya ni Denis, at pahambong niyang sinabi, “Usap tayo mamaya.” Saka nagsimula ang tugtog, at kinuha niya ang mic at nagsimulang kumanta.

Take me as you are
Push me off the road
The sadness
I need this time to be with you

Kumurap si Alex at tiningnan ang program list. Ha? Iba ang kinakanta ni Denis ngayon kaysa roon sa nakalista.

“Binago nila yung kanta ilang araw lang,” banggit ni Maia, na biglang sumulpot sa likuran niya. Bago pa siya magtanong, sumagot siya, “Eh kasi ikaw, tuwing magpa-practice si Denis, palagi kang umaalis.”

Oo nga naman. Hindi nga kinakaya ni Alex ang paglalandi ni Jeremy kay Denis, kaya naghahanap siya ng dahilan para makaalis. “Bakit nila binago yung kanta?” tanong niya.

“Hindi pa ba halata?” biglang banat ng nanay ni Denis, nakairap sa kanya. Pinigilan ni Alex ang simbuyong tumakas. “Naghihinagpis ang anak ko sa katayuan ng relasyon niyong dalawa, kaya nagbago siya ng kanta.”

“H-Ha?” Kumirap si Alex. Hindi kaya …

Narinig niya ang pagbuntunghininga ni Maia sa inis. “Hay nako, Kuya ... Tita, pasensya na po sa kapatid ko.”

“Ayos lang, Maia. Magpasalamat ka na lang na ikaw ang mas matalino sa inyong magkapatid.”

To be is all I gotta be
And all that I see
And all that I need this time
To me the life you gave me
The day you said goodnight

Napatingin ulit si Alex sa entablado, si Denis feel na feel ang kanta na para bang dito niya nilalabas ang lahat ng hinanakit niya sa buhay. Tanga ka talaga, Alex Shibutani. Napakalaking tanga. Ito na nga si Denis, pinatawad na siya’t lahat, binuksan na ang puso sa kanya, tapos eto siya, nanghihinala at hindi nagbibigay ng paliwanag sa mga ginagawa niya.

Kailangan niyang ayusin ito, bago mahuli ang lahat.

Natapos din ang kanta, at malaki ang ngiti ni Denis, kumakaway sa pumapalakpak na mga manunuod. Tumakbo si Jeremy sa tabi niya at niyakap siya, at pinigilan ni Alex ang selos na lumalabas na naman. Kailangan niyang tanggapin na hindi lang siya ang nag-iisang tao sa buhay ni Denis. At kung nililigawan nga rin siya ni Jeremy …

Hindi natapos ang pag-iisip na iyon dahil inakbayan ni Jeremy si Denis, habang si Denis sumigaw sa mic, “Friends, ang aking pinsan, si Jeremy Ten!”

Natatandaan ni Alex yung gramopon na inuwi ng lolo niya noong bata siya. Yung plaka paiikutin at ipapatong ang parang karayom doon para magsimula ang tugtog. Tapos pag nasira ang plaka o ang gramopon ay magkakaroon ng biglaang mala-kalmot na tunog.

Parang ayun ang narinig ni Alex nang ipinahayag ni Denis na si Jeremy (hindi ‘yung trike driver) ay ang kanyang pinsan. Parang biglang kailangang itigil ang tugtog at kailangan niyang ulitin sa kanyang utak. Pinsan. PINSAN. Nagkaroon ng click sa kanyang utak, na para bang nalutas niya ang isang suliranin.

Punyeta.

Napakalaki kong tanga.

Narinig niya na naman ang pagbuntunhininga ni Maia, na para bang nawalan siya ng mabigat na pasanan. “Sa wakas, na-gets na niya!”

Isa pang click sa kanyang utak. “Maia, alam mo?!” halos mabulyaw niya. “Alam mo na magpinsan sila?”

“Jusko, Kuya, alam ng buong barangay! Ikaw kasi, emoterong matigas ang ulo! Hindi nagtatanong! Hay nako!” Padabog na umalis si Maia, may sinasabi tungkol sa pustahan nina Taka at Charlie kung kailan niya malalaman ang totoo …

Tumingin si Alex sa nanay ni Denis, na nakangisi sa kanya. Naramdaman niya ang hiya sa lahat ng nangyari noong linggong iyon, at bigla siyang napayuko. “Pasensya na po sa ginawa ko sa anak niyo.”

Tumaas ang kilay ng nanay ni Denis, at muntikan siyang mapatakbo sa takot. “Bakit ka nagso-sorry sa’kin? Magsorry ka sa anak ko.” Ginamit niya ang kanyang nguso upang ituro ang nasa harap niya.

Lumingon si Alex at medyo napatalon siya sa gulat. Nasa harapan niya si Denis, na mukhang nagtataka sa usapan nila ng nanay niya. Sina Dice at Scott, nauna nang umalis habang si Jeremy nagsabi, “Tara, Tita, iwan muna natin sila.”

Masama ang tingin ni Denis kay Jeremy nang umalis sila, pero binalikan niya si Alex, hindi ngumingiti. Sa bagay, kung hindi mo nga lang pansinin nang halos isang linggo nang hindi magpapaliwanag, maiinis ka rin. Hinahanap pa ni Alex ang tamang sasabihin, kaya tahimik silang dalawa, ang naririnig lang ay ang pagkilala ni Jeffrey sa susunod na magpe-perform, si Maxim ang kargador.

Nang makaisip na siya, “Denis ...”

Tiningnan siya ni Denis, na para bang umaasa. “Ano?”

“May kailangan akong sabihin sa’yo ...”

“Can this be love I’m feeling right now~ I know for certain I’m feeling right now~”

“Excuse me!” biglang bulyaw ni Maxim. Nang sumilip si Alex sa entablado, mukhang naiinis na ang kargador. “Hindi yan yung kanta ko.”

Bumalik si Alex sa realidad at sumigaw ng “Sorry!” Tumingin siya sa sound system sa tabi niya at tiningnan nang masama si Taka. “Hoy, Taka! Ayusin mo naman yan!”

“Sorry!” Hindi naman mukhang nagsisisi si Taka sa ginawa niya, pero binago niya ang CD sa kinauupuan niya hanggang sa tumugtog na ang kanta ni Maxim.

Nang wala nang reklamo, ay bumalik siya kay Denis, na nakatitig pa rin sa kanya. Huminga siya ng malalim at hinanda ang sarili sa susunod na mangyayari. “Denis, I’m sorry. Alam kong mali ang ginawa ko sa’yo. Naghinala ako at nagalit nang hindi kita kinakausap.”

Hindi nagsalita si Denis, isang senyas na ipagpatuloy niya ang kanyang pagpapaliwanag.

“Akala ko may nangyayari sa inyo ni Jeremy ...” Kinabahan siya nang nanlaki ang mga mata ni Denis. “Oo, alam ko dapat kinausap muna kita bago ako naghinala. Ang tanga-tanga ko tuloy ...”

“Nagselos ka?” tanong ni Denis na para bang nanghihingi ng paglilinaw.

Namula ang kanyang mukha nang sobra-sobra. “Oo ...” inamin niya.

“At bakit ka nag-selos? Tayo na ba?”

Kung puwede lang, ang nasa isip niya. Kaso lang sa saksakan ng tanga niya, mangyayari pa ba yun? “Alam kong wala akong karapatan ...”

“Buti alam mo,” patuloy ni Denis. “Sa susunod, please lang, tandaan mo na mahalaga ang komunikasyon sa isang relasyon.”

Si Alex naman ang napakurap. Tama ba yung sinabi ni Denis? “R-Relasyon?” inulit niya. Hindi kaya-

“Kuya!” biglang sigaw ni Maia habang patakbo papunta sa kanilang direksyon; mukhang ang inis na nasa mukha niya kanina ay napalitan ng paga-alala. “Kailangan ng tulong ni Johnny sa props niya! Medyo mabigat!”

Jusko. Nakalimutan niya ang performance ng modistang si Johnny. Nagmalaki pa naman siya ng mala-Lady Gaga na palabas, kasama ang bigatin na props. Hay nako. “Sige, sige, susunod na ako!” sabi niya. Tiningnan niya si Denis. “Pasensya na. Kailangan ko ‘to asikasuhin.”

Maintindihin naman si Denis. “Sige. Basta samahan mo ako pagkatapos ng talent show. May kailangan akong puntahan.”

At saan na naman pupunta si Denis sa kalaliman ng gabi? Pero sige. Tumango siya at nagpaalam sandali para magasikaso ng mga bagay-bagay.

Di nagtagal, at natapos din ang talent show sa wakas. Pinasalamatan siya ni Kapitan Evgeni, pati na rin ng mga lumahok at nanuod ng palabas. Hindi na siya makakakuha ng mas malaking gantimpala tulad nito, pero hindi niya makakaila na saka na lalong lumabas ang pagod. Pero kahit gustuhin man niya na umuwi at matulog, may kailangan pa siyang gawin.

Naghihintay si Denis sa labas ng basketball court kasama ang kanyang nanay at si Jeremy. Nang makita siya ay nagpaalam ang mga kasama nila at naglakad papunta kung saan naka-park si Taka. May mahabang katahimikan sa kanilang dalawa bago si Alex magtanong, “Saan tayo pupunta?”

Mala-misteryoso ang ngiti ni Denis. “Basta. Tara na. Sabihin ko sa’yo kung kelan ka titigil magmaneho.”

Nagtaka si Alex, pero may tiwala naman siya kay Denis kaya nanguna siya sa daan papunta sa kung saan naka-park ang kanyang trike. Nagmaneho siya hanggang makaalis sila sa kanilang barangay, at nagtaka siya kung saan sila pupunta. Walang binigay na paliwanag si Denis, namigay lang ng direksyon. Nagtiwala na lang si Alex.

Sa wakas, narinig niya ang sigaw ni Denis na “Dito na!” Madalian niyang pinreno ang sasakyan, at narinig naman niya sunod ay ang pagmumura ni Denis. “Ikaw talaga! Paano kung nabagok ako?!”

“Sorry.” Bumaba siya sa kinauupuan niya at pinuntahan si Denis, sabay abot ng kamay. May naramdaman siyang parang kuryente na dumaloy sa kanyang buong katawan nang hawakan ni Denis ang kanyang kamay, at parang ayaw na niyang bumitaw. Nang nakatayo si Denis nang maayos, tanong niya, “So, saan ‘to?”

Malalim na ang gabi, pero buti na lang at may poste ng ilaw at nakikita niya ang kanyang kapaligiran. Nasa may gilid sila ng ilog; nadadaanan ito ni Alex tuwing hinahatid niya si Manang Tessa sa kabilang bayan, pero hindi niya masyadong pinapansin.

“Di ba sabi mo mahilig ka sa sunrise?” tanong ni Denis.

Natatandaan ni Alex ang usapan na iyon, noong nagkakakilala pa lang sila. Medyo kahit anong tanong na ang tinatanong nila, at saka nalaman nila na kung ano ang mas pipiliin nila panuorin, ang sabi niya sunrise, si Denis naman sunset. Hindi naman niya pinagisipan kung may kabuluhan ang sagot niya. “Oo,” sagot niya.

“Kaya tayo nandito! Hihintayin natin sumikat ang araw!”

Napangiti si Alex. “Matagal-tagal ‘yang paghintay ah,” puna niya.

“Okay lang, magkasama naman tayo eh!”

Feeling ni Alex gusto niya tumambling sa ilog, pero buti na lang napigilan niya sarili niya.

Umupo sila sa gilid ng ilog, nagkukuwentuhan lang na para bang walang tensyon na naganap sa kanila ngayong linggo. Pinagtatawanan siya ni Denis sa kanyang katangahan, at nakikitawa na lang siya kasi, oo naman, ang tanga-tanga naman kasi niya. Pagkatapos magkuwentuhan pa ng kung anu-ano, kumportableng katahimikan ang pumalibot sa kanila habang tinitingnan nila ang ilog kahit na madilim at wala naman talagang makikita.

Hindi na namalayan ni Alex na nakatulog na pala siya, kaya medyo gulat siya namalayan niyang nakahiga na siya sa damuhan. Nang minulat niya ang kanyang mga mata, lumiwanag na nang kaunti, pero hindi pa sumisikat ang araw.

Saka rin niya namalayan na may nakapatong sa kanyang dibdib, at bumilis ang tibok ng kanyang puso nang mapansin niya na si Denis yun, ang tulog niya mahimbing. Ang cute talaga ni Denis, inisip niya. Ang lakas ng simbuyong ilapit ang kanyang mukha at …

Saktong ilang pulgada na lang ang layo ng kanilang mukha ay minulat ni Denis ang kanyang mga mata. Kung dati ay lalayo si Alex, ay hindi na niya ito ginawa. (Medyo matapang ata siya ngayon.) Napangiti siya. “Good morning! Sarap ng tulog natin!”

“Che.” Kinamot ni Denis ang kanya mga mata at napaupo at tumingin sa paligid. “Kaloka, nakatulog tayo.”

“Napanaginipan mo ba ako?” pabirong tanong ni Alex, hindi napigilan ang sarili.

“Wow, grabe, feelingero!” Tinapik siya ni Denis sa braso, pero tumatawa naman siya.

“Libre lang naman mangarap,” tawa ni Alex. Naging matapang muli siya na hawakan ang kamay ni Denis. Tulad ng kagabi, hindi naman nagreklamo si Denis.

Katahimikan ang sumunod, siguro dahil inaantok pa sila at wala pa sila masyadong maisip na pwedeng makwento. Hindi nagtagal at nakita na nila sa wakas ang unti-unting pagsikat ng araw, at nakita ni Alex ang paghanga sa mukha ni Denis sa pagtanaw niya sa araw. Naramdaman niya ang pagpisil ni Denis sa kamay niya, at ginaya niya ang kilos.

“Ang ganda, no?” tanong ni Denis, nakatingin sa kanya ng may ngiti sa kanyang mukha.

Tumango si Alex. Ilang pagsikat ng araw na ang naranasan niya, pero ito ang pinakamahiwagang pagsikat ng araw na nakita niya.

“Sa susunod, sunset naman panuorin natin, ha?”

“Oo ba,” sagot ni Alex. “Para sa’yo.”

“Ang corny mo talaga!” Mukhang sumakit ang ulo ni Denis pero tumatawa pa rin si kuya; hindi niya naintindihan ang nangyayari, pero okay lang. Cute naman si Denis.

Gusto sana ni Alex buong araw sila rito, kaso lang biglang tumunog ang cell phone ni Denis; ang nanay niya ang tumatawag. Hindi naka-loudspeaker si Denis, pero rinig na rinig niya ang mapanghusgang tono ng boses na palaging nagbibigay sa kanya ng simbuyong tumakas. Hinahanap na siya. Uuwi na pala sila nina Jeremy, at siyempre, kailangan nandoon ang anak para ihatid sila sa terminal. Mukhang ayaw din umalis ni Denis, pero nagbuntunghininga siya at nagsabi, “Hinahanap na ako ni mudra.”

“Wala tayong magagawa.” Tumayo si Alex at hinila si Denis patayo. “Tara na. Tandaan mo lang na may sunset-viewing party tayo sa susunod.”

“Siguraduhin mo, ah!”

Mabilisang nagmaneho si Alex (ay teka, mabilis naman siya magmaneho) hanggang makarating sa bahay ni Denis. Nang makababa si Denis, bumaba na rin siya sa kanyang kinauupuan at sinundo siya hanggang sa pinto. “So ... kitakits mamaya?”

Tumango si Denis. “Bye, Alex.”

“Bye, Denis.”

Naghintay siya nang ilang segundo, pero hindi pa rin pumapasok si Denis ng bahay. “Uh ...” panimula niya. “Hindi ka pa ba papasok?”

Kumurap si Denis na para bang kababalik lang niya sa realidad. “Ay, akala ko ikaw muna aalis.”

“Kailangang ako?” tanong ni Alex, napapangiti na naman. “Di ba pwedeng ikaw muna?”

“Ikaw muna!”

“Hindi, ikaw na lang!”

“Ikaw!”

“Denis.”

Napatalon siya at lumingon. Muntikan na siyang mapasigaw nang makita niya ang nanay ni Denis na nakadungaw sa bintana. Hindi halatang bagong gising, nandyan pa rin ang kontrabida look niya. “Anak,” panimula niya. “Umaga ka na umuwi.”

Mala-anghel ang ngiti ni Denis. “Hi, Mother Dear.”

“Ang pagkakaalam ko, Umagang Kay Ganda ang napapanuod tuwing umaga , hindi Umagang Kay Landi. At alam ko pinanganak kitang Denis, hindi Malandenis.”

Nagtangkang pigilan ni Alex ang kanyang tawa, pero hindi siya nagtagumpay. Ayan tuloy, masama ang tingin sa kanya ng nanay ni Denis.

“Kumain ka na at magayos. Papaalis na kami ni Jeremy.” At pagkatapos nun ay bumalik sa loob ang kanyang nanay.

Nagkatinginan silang dalawa at medyo natawa, hindi masyadong malakas at baka bumalik ang nanay ni Denis. “Pagsensyahan mo na si mudra,” sabi ni Denis nang makakalma na silang dalawa. “Mataray yan, pero mabait naman.”

Pag tulog siguro, ang nasa isip ni Alex, kasi siyempre hindi niya yun sasabihin ng malakas. Tumango na lang siya. Ayaw na niyang gawing balisa muli si Denis pagkatapos ng katangahan niya ngayong linggo. “Sige na, pasok ka na,” sabi niya. “Hinihintay ka na dun.”

“Sige,” sagot ni Denis. “Wag mo akong masyadong mami-miss, ha?”

“Mahirap ata iyan. Nami-miss na kita eh.”

“Jusko, Alex Shibutani! Kumu-quota ka na! Iwan na nga kita diyan!” Inirapan siya ni Denis (o nagtangkang umirap kasi nakangiti pa rin siya) bago pumasok ng bahay.

Matagal atang nakatayo si Alex sa labas ng bahay nina Denis, mala-tulala at nakangiti na parang tanga, kasi bigla na lang siyang sinigawan ni Stephane ng “Hoy anong petsa na?!”

Pero kahit umalis na siya ng bahay, at nagmamaneho na siya pauwi, nakangiti pa rin siya.

>> part 4

r: pg-13, f: figure skating, p: alex/denis

Previous post Next post
Up