Jul 02, 2008 17:26
Mahirap pahiran ng bagong pintura ang mga bagay na hindi maaaring burahin.
Kaninang umaga'y pinag-usapan namin sa klase ng Pilosopiya ang naganap na pagpapatiwakal noong nakaraang Linggo. Si Sir Roy pala ang unang nakakita sa mga labi. Ayon sa kanya, ginamit ni Lawrence (ang binatang nagpatiwakal) ang usok mula sa nasusunog na uling upang kitilin ang sariling buhay. Kawalan ng hangin at pagkalason dulot ng carbon monoxide ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hindi pa rin makatulog nang maayos si Sir hanggang ngayon. Ngunit ayon sa kanya, wala lang ang kanyang nararansan kung ikukumpara sa nararamdaman ng mga magulang ni Lawrence. Sa kanyang palagay, ang pinakamasakit na pangyayari noong umagang iyon ay noong dumating ang mga magulang at nakita ang walang-buhay na katawan ng kanilang anak.
Kanina, habang naglalakad ako paalis ng aming silid-aralan sa ikalawang palapag ng SEC-A, napansin kong pinapahiran ng bagong pintura ang pader ng SEC balcony. Sa bawat pahid ng roller, unti-unting natakpan ng bagong puting pintura ang kupas na beige ng pader. Tila sinusubukan nitong kalimutan ang kanyang karumihan.
Doon ko nahinuha na ang buhay ay parang pader. Kung may ilang bahagi mang nais mong kalimutan, maaari mo itong takpan gamit ng isang panibagong simulain. Ngunit sa ilalim ng bagong pintura, naroon pa rin ang nakaaraan nais mong ibaon sa limot na tila nagmumulto sa gilid ng iyong kamalayan.
Maraming tao ang naapektuhan ng pagkamatay ni Lawrence. Hindi natin alam kung papaano sila makababangon mula sa karanasang ito. Marahil ay tatakpan nila ito ng panibagong simulain. Ngunit iisang bagay lamang ang tiyak: Hindi na mabubura ang bahid ng uling sa pader ng kanilang (ating) kamalayan.
atenista post