pagputi ng uwak

Feb 14, 2011 11:59




Iniwan mo siya dahil sinaktan ka niya.
Lumuha ang langit, kasabay ng iyong pighati.
Nilunod ang sarili sa alak na kay pait,
para lang mapawi ang sakit sa iyong dibdib.

Lumalakad kang tuliro at walang patutunguhan.
Sinisisi ang mundo na puno ng hinagpis,
at hindi napansin ang aking pagdating,
na kahit bagyo ay haharapin, upang ikaw lamang ay marating.

Sukob ka dito sa mga yakap ko,
papawiin ang kalungkutang nadarama mo.
Tahan na,
at matulog sa kandungang alay lamang para sa iyo.

Hindi ako hihingi ng kapalit
ngunit pwedi ba na ikaw ay ngumiti?
at alagaan ang iyong sarili?
pero kung ayaw mo ay hindi ko ito ipipilit.

Sana dito ka na lang sa aking tabi,
at ibabalik ko ang tamis ng iyong pagtingin.
Gusto kong makita ang mga mata mong nagniningning
Pwede ba? ikaw ay hinding-hindi paiiyakin.

Ikinagagalak ko ang makita kang masaya.
Kahit maisipan mong hindi mo siya matitiis,
at sa kanyang piling ikaw ay babalik.
Malaya ka, o aking pag-ibig.
Previous post Next post
Up