http://thinbastard.livejournal.com/ - sinulat ng isang kakilala
http://desaparecidos.blogdrive.com/archive/390.html - sinulat ng kaibigan ng nasabing kaluluwa
Pagkatapos kong basahin ang mga sumusunod na artikulo, naiinggit ako sa isang banda dahil walang nangyayaring ganito sa Ateneo. Para kasing isang palaisdaan ng ating tinitingalang pamantasan, ipinapasok ng magulang, binabayaran ang tagapangalaga ng napakalaking halaga upang patabain at palusugin sa mga bitamina ng karunungan. Sa mga panahong ginugugol ng mga mumunting isda, ang palaisdaan, ang tagapangalaga, at mga kapwa isda lamang ang nakikita ng mga dilis na ito. Iisa lamang ang systemang sinusunod ng mga isdang ito: gumising, kumain, lumangoy, kumain, lumangoy, matulog. Sabay-sabay na lumalaki ang mga isdang ito, at natutuwa ang tagapangalaga sa tuwing may alaga na maagang pipiliin ng mamimili para bilhin sa darating na panahon.
Tuloy pa rin ang buhay sa kontroladong paligid. Masaya at kontento naman ang mga isda sa kanilang pagkain at mga kasama. Nananatiling malambot at makinis ang kanilang mga katawan dahil sa napakaingat at napaka-metikulosong pag-aaruga. Natutuwa ang mga magulang.
Paglipas ng panahon, darating ang mga malalaking mangingisda para mamili ng mga pinakamalusog at pinakamalakas na isda na maaaring makahakot ng malaking halaga sa palengke. Maraming mabibili, halos ubos ang palaisdaan. At muling tatanggap ang tagapangalaga ng isang bagong sako ng mga dilis upang muling patabain.
Napakaganda nga naman, di ba? Para sa akin na nanggaling sa ibang uri ng palaisdaan na nakararanas ng bagyo, peste gaya ng red tide at janitor fish, at mga pabayang tagapangalaga, tila isang panaginip itong Ateneo. Ngunit sa tagal ng aking pananatili dito, hindi na ako mapakali. Minsan hindi ko matiis ang kagandahan, ang katahimikan, ang kapayapaan dahil parang may belong nakapaligid sa akin, pinapakita nga kung ano ang nasa kabilang banda ngunit tinatakpan ang totoong kulay, tunog at lasa. Gusto kong makawala at tumalon sa labas ng palaisdaan ngunit napakabigat ko't napakalamya upang magkaroon ng sapat na lakas.
Hanggang dito na lang ba ako? Ang maging kinilaw para sa panlasang kumakain ng kahit na ano para lamang mabuhay?