Apr 19, 2012 09:38
Mukhang alam ko na kung anong gusto kong gawin sa buhay ko.
Err...hindi pa sigurado siyempre, pero siguro ito na yung simula ng pagkakahanap ko dun sa landa na gusto kong tahakin ng pangmatagalan. Hindi ko alam kung bugso lang ng kinahihiligan o ngayon, pero may katagalan na rin naman na pinangarap ko na makasama sa mga taong bumubuo ng larangan na yoon.
May nakahula ba?
Gusto ko maging voice actor.
Ang tanong, paano?
Alam ko dapat muna ko mag-enroll sa isang workshop, palawakin yung kakayanan ko, subukin yung posibilidad, kung may mapipiga nga bang abilidad, kung may mahuhugot nga bang talento, ewan ko! Basta matagal ko na siyang gustong gawin. Naalala ko pa dati yung pagtawag ko sa isang departamento ng ABS-CBN para tanungin ko maari akong magtrabahong dubber. Wag na kayong kumontra, elementary ako nito at kasagsagan ng pagusbong ng anime sa bansa. Kaso sabi nila masyado pa daw akong bata para sa trabaho. Walang nangyari.
Ilang taon ang nakalipas nakalimutan ko na yung kagustuhang yoon. Pero sa tuwi-tuwina, nahuhuli ko ang sarili ko na ginagaya ang mga naririnig na nagsasalita sa TV at malaki ang pagkamangha ko sa mga boses gamit sa telepono, at kumakailan, ay sa eroplano ng Cebu Pacific (pahahah~ gusto ko talaga yung sinturong pangkaligtasan ni ate, bakit ba). Minsan kapag namimili ako sa ukay-ukay, madalas ang background ng tindahan ay radyo drama o country music. Misteryo. Wala pakong nadatnan na ukay-ukay na medyo moderno na ang tugtog. Kasama ba to sa franchise? (ahaahah)
Naisip ko, masaya siguro yung gumawa ng drama sa radyo, lalo na elibs na elibs ako dun sa sound effects. Nung bata ako, may napanaoo akong Japanese movie na ang buong palabas ay patungkol lang sa drama nila sa paggawa ng radio drama. Walang subtitle noon at hindi pa siya uso, kaya pinagtyagaan ko nalang. Kahit papaano, kahit wala akong naintindihan masyado sa nangyayari, tumatak sa isip ko yung pag-arte ng mga karakter sa likod ng mikropono at paano sila nakakagawa ng isang kapani-paniwalang istorya sa paghahalo ng pag-arte ng boses, musika, at pagkamalikhain. Ang galing nung produksiyon!
Sa kasalukuyan, nahihilig ako sa mga audio books. Dulot na rin siguro ng pagkahilig ko sa British dramas ngayon at napadpad ako sa malawak na saklaw ng BBC. Isa sa mga hinahangaan ko ngayon na aktor ay si Benedict Cumberbatch na hindi lamang pala isang aktor kundi isa rin sa mga aktibong gumaganap para sa mga radyo serye ng BBC, mapa-comedy, drama at o pagbasa sa isang kilalang literatura. Nag-umpisa ako sa pagbasa niya ng The Metamorphosis ni Franz Kafka, isa sa mga kinahiligan kong istorya noong nasa kolehiyo ako at nalulunod sa mundo ng literatura (major ko yun, okay).
Sa pagkakatanda ko, ito yung unang pagsubok ko sa mga audio books. Naririnig ko na sila dati pero di ko siguro pinapansin o may iba lang talaga akong pinagkakaabalahan? Siguro nga. Pero laking pasalamat ko na rin na napadpad ako sa isang midyum ng pagtangkilik sa mga istorya. Alam kong mahalaga ang pagbabasa at hindi ko yon nakakalimutan. Pero masarap ang makinig, pumikit at marating ang isang mundo, tulad ng musika!
Ngayon ang tanong, may mga audio books ba o radyo serye ng mga sikat na Philippine literature? Ang ganda siguro i-dramatize sa radyo ng "Ermita" ni F.Sionil Jose o maging ang mga komiks tulad ng "Zsa Zsa Zaturnah" o kahit matagal na pero gusto ko pa rin na mga obra ni Luwalhati Bautista? Siyempre't malaki ang paggalang ko sa mga orihinal na paglalahad ng istorya nga mga ito, pero kung bibigyan ng pokus ang pag-appreciate dito ay may iba pang paraan diba?
Naisip ko lang naman. Ang ganda siguro noon. Sa panahon na halos lahat ng tao may nakapasak na earphone sa tenga sa lahat ng oras, bakit hindi palitan ng mga radyo serye o drama o audio books ang musika minsan? Mahilig naman tayo sa mga istorya basta kinekwento, chismis nga pinapatulan natin, bakit ito hindi?
Sana, kahit sa malayong panahon maisakatuparan ito. Hindi ko alam kung paano, pero kung may magagawa ako para makatulong, gagawin ko. Huwag kayong mag-alala, hindi naman ako biglang mangungulit ng mga estasyon at malalaking organisasyon ng sining at literatura, malayo pa ako diyan. Sa ngayon, kailangan ng bagong trabaho na maglalapit sa akin sa pangarap na ito, yung trabaho na may matututunan akong bago:
Research o pagsulat.
Kakayanin ko kaya? Subukan.
Ika nga nila, hindi kasalanan na ipanganak ng mahirap, subalit kasalanan mo na kung mamamatay kang mahirap.
Kung wala akong gagawin para ituwid ang buhay ko ngayon (hindi naman sa baluktot siya, pero nawawalan ng ilang piraso ng bato para makatawid ako sa ibang ibayo), kasalanan ko na iyon.
Kaya... (nami-miss ko na rin sabihin to) AJA!
Ang sarap sa pakiramdam ng hindi na nalilito. :)