May 31, 2011 12:30
Dahil binangungot ako kagabi tungkol sa pagbabalik-med ko, heto ang mga dahilan kung bakit nga ba ako binangungot:
1. Makakasalamuha mo araw-araw ang mga taong mas gusto mong itulak na lang sa hagdan.
--- Di ko sila masisisi kung maaarte at mayayabang sila. Mga anak-mayaman eh. Matapobre dahil may karapatan silang maging matapobre. Pero yung ipaparamdam at ipapamukha pa nila sa'yong bobo ka dahil lang sa hindi kayo pareho ng lifestyle o mas mabagal kang pumick-up kaysa sa kanila ay marahil parte ng kawalang-respeto nila sa ibang tao dahil iyon ang kinalakihan nila. Hindi ko naman nilalahat dahil may mga kilala naman akong mababait at walang ere ang ugali. Nagkataon lang na rare species sila sa med.
Minsan naiisip ko na ang karamihan ng rare species na iyon ay tinangay na ng Quadricentennial Batch.
2. Maraming mga doktor na sa sobrang lakas mag-powertrip ay di mo maiiwasang hindi tubuan ng sungay at i-wish na sana bagsakan sila ng kawad ng kuryente.
--- Oo na, kayo na magaling, kayo na ang maraming alam pero hindi ka binigyan ng karapatan ng kaalamang yan upang mamahiya ng mga estudyante para lang maipakita mo kung gaano ka kagaling. Kung mali ang mag-aaral, itama mo sa tamang paraan. Huwag mong pagtaasan ng boses, huwag mong gawing katawa-tawa sa harap ng mga kaklase niya at mga kapwa mo doktor.
Nag-aaral kami para matuto, hindi para pag-tripan niyo.
Alam kong nasa med school kami pero pakisaksak sa utak ninyo na hindi lahat ng mag-aaral ninyo ay mayaman. Hindi lahat ay kayang mag-online nang alas diyes ng gabi para lang gumawa ng assignment na bigla ninyong naisipang ibigay dahil wala kayong ginawa kundi umabsent at aasahan niyong ipasa kinabukasan ng umaga. Huwag niyo kaming parusahan kung kayo naman ang may pagkukulang.
Kayo ba ang magbabayad ng pang-ospital ko (o ng pampalibing ko) kung masaksak ako sa gitna ng kalye dahil sa napilitan akong maglakad dis-oras ng gabi para maghanap ng bukas na internet shop para magawa ko ang hinayupak niyong assignment?
The doctor who pushed me to kill my self last time did not even talk to me about the incident. The reason? It is normal in medical school to be humiliated because they want you to learn.
Just because something has always been done doesn't mean it has to be accepted nor does it make it right.
3. Walang katapusang exam, quiz, at report.
--- Laging sinasabi sa amin na kailangang handa ka. Hindi ka pwedeng pumasok kung wala kang alam dahil ikaw rin ang kawawa sa bandang huli. Wala naman talaga sanang problema dito kung ang lalabas sa exam at quiz ay iyong mababasa mo talaga sa libro o handout, itinuro noong lecture, o sa kaso ng ilang subject na magkaiba ang lecturer sa iisang topic, ay pareho ang laman ng kanilang lecture. Kaya pagdating ng exam, kamote lahat ng estudyante. Galit pa si Doc dahil puro daw sila tamad. May tamad bang hindi na natutulog para lang mag-aral?
Samantalang ang mga report naman ay ibinibigay pagkatapos ng klase at kailangan mong i-present kinabukasan. Kapag sablay ang kalalabasan ng report, mainit na naman ang ulo ni Doc. Masisisi niyo ba ang estudyante na kahit hindi na sila matulog ay kulang sila sa oras dahil hindi lang naman report ang kailangan nilang asikasuhin?
Training daw iyon kapag clerk ka na. Sa opinyon ko, mas tamang sabihin na "training iyon kapag doctor slave ka na".
Akala ko ba importante ang pagtulog para gumana nang maayos ang utak?
4. Mas umaasenso ang mga mandurugas kaysa sa mga matitiyagang nag-aaral.
--- Nabanggit ko na 'to dati. No need to elaborate.
5. Nasa samplex ang lakas.
--- Alam mong malapit na ang exams kapag dagsa na ang mga estudyante sa 2nd at 3rd floors ng St Martin de Porres building. Lahat sila ay nagpapa-photocopy ng samplex. Ang samplex ay mga exam papers ng mga naunang batch. Bakit naman sila pinagkakaguluhan? Dahil iyon at iyon din ang lumalabas sa exams namin.
Dati ayokong gumamit ng samplex. Sabi ko, "gusto kong makatapos nang may natutunan talaga ako, hindi yung dahil kabisado ko lang ang samplex." Ibinagsak ako ng pride ko. Dahil doon ay binali ko ang prinsipyo ko. Hindi man ako gumamit ng samplex sa lahat ng exam o quiz sa lahat ng subject, ang punto diyan ay gumamit pa rin ako.
Para sa'kin, ang samplex ay isang uri na rin ng pandaraya. Para ka na ring nagkaroon ng kopya ng mismong exam paper ninyo kaya siguradong papasa ka na.
Gaya na lamang ng mga nag-aral ng Pharmacology Finals 2010 samplex nitong katatapos lang na Pharmacology Finals 2011. Paano sila nagkaroon ng kopya ng exam na iyon gayong ipinasa ang questionnaire noong 2010 ay masasagot lamang ng Batch 2012.
Maraming mali sa sistema, maraming mali sa mismong mga taong napapaloob at nasasaklaw nito. Kung talagang pagsagip ng buhay ang dahilan kung bakit tayo nasa med school, hindi ba't dapat muna nating sagipin ang ating mga sarili bago tayo magkaroon ng karapatang sumagip ng iba?