Apr 30, 2011 00:26
Walang sigurado sa pag-ibig. Kahit pa ang mga pangako. Lalong-lalo na ang mga pangako. Kung naniniwala ka naman sa tadhana, babasagin na kita ngayon pa lang: walang taong itinakda para sa'yo. Hindi rin nakatakda ang mga pangyayari sa buhay mo.
Kung naniniwala ka sa mala-pantasyang kwento ng pag-ibig, tigilan mo na ang kanonood ng mga pelikula at kababasa ng mga librong punong-puno ng pagpapaasa at kasinungalingan. Sa halip, gumawa ka ng sarili mong kwento sa totoong buhay at kung kaya mong isabuhay ang mga nabasa at napanood mo, isakatuparan mo.
Hindi nagiging masaya ang mga tao sa kanilang mga relasyon dahil sa paniniwala sa mga "dapat". Hindi ba nila naisip na ang mundo ay puno ng mga "dapat"? Ngayon, kung susunod tayong lahat sa iba't ibang pananaw na ginagawa nating patakaran sa pamumuhay at pagpapatakbo ng ating relasyon, paano pa tayo makakabuo ng sarili nating kaligayahan?
Subalit hindi natin masisisi ang mga tao sa pananalig nila sa mga kwento at pangarap. Gusto nating lahat ng pag-ibig na pang-habambuhay, tunay, puro, wagas. Pero saan mo nga ba pupulutin ang kathang-isip kundi sa isip rin?
Paano naman ang gusto ng puso?
Ang nais ng puso mo sa isang relasyon ay hindi mo maibibigay lahat sa sarili mo. Kailangang magkatuwang kayo ng kasintahan mo sa pagbuo nito sapagkat hindi na lang sa iyo ang puso mo. Sa kadahilanang nagmahal ka, ibinigay mo na sa kasintahan mo ang obligasyong alagaan at paligayahin ang pagmamahal na mula sa kaibuturan ng iyong puso. At dahil walang katiyakan ang mga pangyayari, wala ring katiyakang ang pag-ibig na ibinigay mo ay may patutunguhang maganda.