Hospital Confinement

Dec 13, 2018 06:28

15 weeks 5 days. Last day na ng second hospital confinement ko ngayon. Imagine that, it had been weeks na halos masama ang pakiramdam ko at hindi ko pa din talaga alam kung bakit.. aside from the usual na sagot na “ganyan talaga ang magbuntis, at nataong maselan ka talaga.”

December 1, naadmit ako sa Bethany kasi hindi ko na din talaga alam ang gagawin ko sa sobrang halo halo nang nararamdaman ko. Pero few days before e halos hindi na din talaga maganda ang pakiramdam ko. We went to Bangar and Sudipen last November 29 at halos nasusuka na ako pagdating palang sa unang school kung saan kami nagconduct ng activities. After nun, halos wala na akong nagawang sa mga reports at liquidations ko kasi nga halos bagsak na lang sa sofa o kama yung katawan ko. Maski pala nung nagbyhe ulit kami ng Aringay nung November 26, muntik na akong nagfaint habang nagsasalita ako sa harap. Akala ko sadyang masama lang talaga ang epekto ng byahe sakin kaya dun muna sana ako iiwas.

Balik sa kwento, halos wala na kasing pumapasok na pagkain sakin kasi halos naisusuka ko lahat, at nangangasim na din yung tyan ko, sabayan pa ng chest pain. Oo alam ko, normal nga kasi naglilihi pa ako, pero nagchichills na din ako at medyo may sinat na din. Ang diagnosis sakin e hyperemesis gravidarum. Ang hirap nga lang magstay sa hospital kasi hindi ko lang makain yung mga pagkain, either hindi ko gusto o parang hindi ko kayang lunukin. Minsan kahit binibigyan na ako ng gamot parang ang tagal umepekto kaya hindi ko din naipapahinga ng maayos. O kaya kung kelan kumalma na yung tyan at heartburn, yung malakas na palpitation naman ang hindi magpapatulog sakin. Ang struggle pramis.

Sakto pang pagkaconfine ko, busy pa yung isa at inabot ng gabi yung event na siya ang OIC, kay kinabukasan na niya dinaan yung mga ibang gamit na pinasuyo ko. Hindi rin siya nagtagal kasi sakto ding bibyahe sila out-of-town which is last week pa nga niya nabanggit din sakin.

December 4, nakiusap na din akong magpadischarge para sa bahay na lang magpapagaling kasi inaalala ko din yung bills ko. Baka hindi macover lahat at maipunan pa ako ng babayaran. Buti na lang at in the end, wala nga, take home meds na lang yung proproblemahin ko at yung mismong paggaling ko.

Kina Lola muna ako nagstay habang nagpapagaling, para may magbantay sakin at masiguro na nakakakain ako kahit papaano. Though December 6 ng gabi, bumalik ako ng office para gawin yung ilang mga certificates at pumasok na kinabukasan kasi nga ang dami ko din talagang gagawin pa. Pero kahit nasa opisina ako mas madalas na nakahiga ako at walang work na natatapos kaya inis na inis na din talaga ako sa sarili ko. Alam kong di ko dapat pinipilit pero walang ibang gagawa, kaya nakakafrustrate lang. Monday na naman, at wala pa din. Maya maya naiyak na lang ako sa kabila, sa sakit na nararamdaman at sa frustration, hinayaan naman ako ng mga kasama ko at ni boss na magpahinga sa bleeding area. Kahit papaano buti na lang nakaalalay sila at hindi naman nila ako pinipilit o anuman. Iniisip ko na naman kung bukas ganito na naman bang mangyayari sakin, o kung hanggang kelan kayang ganun ako.

Follow up checkup ko din pala ng Martes na yun pero parang konting lakad ko lang e pagod na pagod na ako, kaya nagpapatulong na lang ako sa mga kasama ko. Buti na lang, nagrecommend ng isa pang doctor si Mam Anna at iniisip na din naming kung magpapaconfine ba ako ulit, pero sa Lorma sana.

Yun nga ang nangyari, nagpunta ako sa clinic ni Dra. Arzadon at nagpacheck up muna. Mas gusto ko siya compared sa lahat ng doktora na tumingin sakin, siguro dahil hindi siya ngamamadali sa pagtanong sakin kung anong problema at nasabi ko sa lahat. Matanong at makwento din siya. Halos lahat tinatanong, yung work ko, saan ako nakatira, maski kung sino daw yung ama, anong pinagkakaabalahan, lahat lahat. Nakakatuwa lang. At buti na lang sa wakas at inultrasound na din si baby, siya talagang pinakainaalala ko e. Last na ultrasound pa niya e nung November pa. Buti na lang at mukhang malakas at magalaw naman siya sa loob, sa sobrang takaw niya siguro kaya nakukuha na niya sa akin lahat. Yun lang nabother ako kasi nasabi niya na “Halla, lalaki siya oh!” at tinuturo yung kalawit daw between the legs. Hindi ko alam kung matutuwa ako or what. Sabagay, lalaki naman talaga yung gusto ko nung una, pero ngayon kasi parang gusto ko na din ng babae, kasi yun ang madalas na sinasabi ng mga kasama ko. Pero mamaya, biglang sinabi ni doktora na babawiin niya daw ulit kasi may nakita siya, basta nakalimutan ko yung term na ginamit niya, pero usually daw babae pag ganun. Hahah kaya kailangan naming antayin na lang na mag 20 weeks para sigurado.

Pagkatapos nun e, balik sa office, ayos ng gamit at hatid na sa Lorma. Compared sa naunang stay ko, medyo mas ok na ang pakiramdam ko kasi madalang na lang akong nasusuka at nakakakain na din naman kahit papaano. Pero kailangan ko pa din ito para mas makapagpahinga at pagbalik sa work e talagang ok na ako. Mas gusto ko din kasi ang rooms at pagkain dito, may wi-fi pa.
Medyo maaga akong nagising ngayon kasi hindi ko na maitulog, either excited na umuwi or gutom na ako. Kaya habang tinatapos ko ito e sinisimulan kong kainin yung iniwang tinapay nina tita. Haha!

Konti pa, matatapos din itong morning sickness na ito. Pramis magpapataba na ako after nito. From 50 to 45.5 kilos. Madami pa akong hahabulin, pero positive lang. :)

personal: mom101

Previous post Next post
Up