Balatkayo

Jun 30, 2010 03:49

Unang Tagalog entry ko ito, rason? Wala naman. Di ko lang kayang iparamdam ng tama yung nararamdaman ko kung Ingles ang gagamitin kong salita. Lalo na kung di naman masaya ang ibabahagi ko. Ngunit may mga bahagi pa ring Ingles ang gamit ko dahil sa Ingles ang salitang ginagamit ng aking pinsan.

Galit, poot, inis, asar, at kung ano-ano pa, yan ang naramdaman ko nung oras na yon’. Araw ng pagtatapos ng pinsan ko sa haiskul, ngunit ang maaaring makadalo lamang ay tatlong tao. Sa katunayan, hindi nga kami nakadalo at tanging ang pamilya niya lang ang nakapunta. Ako at ang aking pamilya ay naiwan sa bahay, pero umalis din sila Papa at Mama para pumunta sa bangko at sa aklatan. Naiwan ako sa sala habang natutulog naman ang kapatid ko sa kwarto.

Kompyuter, yan ang tanging libangan ko dito habang wala pa kong pasok o trabaho. At yan nga ang ginagawa ko sa sala. Nakikipag-chat sa mga kaibigan sa Pilipinas, nagbabasa ng blog, nagtitwitter, etc. Nang dumating muli sila Papa ay nag-aya na silang magtanghalian dahil gutom na sila. Ginising ko ang aking kapatid at kami ay nagtanghalian.

Pagkatpos magtanghalian ay naligo na ko dahil may kailangan akong pakinggan sa internet ng ala-una. Pagkababa ko muli sa sala ay sinabihan ako ni Ate na pauwi na sila. Pagharap ko sa laptop ay saktong nagsimula ang programang papakinggan ko at kumain ako ng Boy Bawang. Isang oras lang naman siya at pagdating ng 1:45 ay dumating na sila at may dalang pagkain.

Nang sila ay magtatanghalian na ay inaya nila kaming kumain. Nasa kainan na silang lahat maliban sa akin at sa pinsan ko na nakapagtapos na ngunit siya ay nasa banyo upang maligo dahil prom naman nila mamayang gabi.

“LY! Halika oh, may pansit.” tawag nilang muli.

“Opo, sige po, busog pa po ako.” ang aking sagot.

“Ly, halika na.” muling pagtawag ni Papa.

Ako ay napilitang tumayo at lumapit sa kanila, mga 10 minuto na lang ang nalalabi bago matapos ang programang pinapakinggan ko at ang huling parte ang pinaka-aabang ko doon.  Tumayo ako sa tabi ng aking kapatid at hindi umupo upang sila Mommy at Daddy na ang makaupo dahil hindi pa sila nakakapagtanghalian.  Habang ako ay nakatayo doon at sila ay kumukuha ng kanilang kakainin, patuloy na namilit ang aking magulang at Mommy na ako’y kumain. At doon na ako nagsimulang mainis. Alin ba sa mga salitang “Busog pa po ako.” ang hindi nila naintindihan? Patuloy akong tumayo doon nang walang ginagawa at sigurdong makikita na sa aking mukha ang pagka-inis. Pero patuloy pa rin sila sa pagpilit.

“Ditse, why do you look tired?” tanong ng pinakabata kong pinsan. Hindi ako sumagot, dahil lalo lang akong naassar. Hindi ko alam kung bakit? Pero isa siguro sa dahilan ay bakit parang mas kilala pa ko ng pinsan ko kaysa sa mga magulang ko at kapatid. Oo, pagod ako, hindi ang aking pangangatawan kundi ang aking isipan.

“Ly, kung ayaw mong kumain, ayos lang.” sabi ni Daddy. Lalo kong naunawaan na parang ngang mas kilala nila ako kaysa sa mismong pamilya ko.

Pamaya-maya ay biglang pinaalala ni Mama na may lakad kami ni Ate. “Ay nako!” yan na lang ang nasabi ng isip ko, ayaw ko kasi talagang pumunta don kahit na para mga “newcomers” tulad naming ang pupuntahan namin.

“Where are you going?” tanong muli ng bunsong pinsan. Ang sagot na binigay nila Mama ay uuwi kami ng Pilipinas.

“What?! You only spent 1 month here and you’re going back already?!”

“No anak, niloloko ka lang nila. They’re staying here forever, with us.” paliwanag ni Mommy. Muntik na kong maluha dito sa kadahilanang, ang dami nang tumakbong mga bagay sa utak ko, mga baliktanaw, makaka-uwi pa kaya ako at kung ano-ano pang mga bagay na nakakapagpaalala sakin ng Pilipinas.

Umalis na ko sa aking kinatatayuan at bumalik sa sala upang magbaka-sakaling hindi pa tapos ang pinapakinggan ko. Sa kasamaang palad, saktong alas-dos na non at natapos na ang programa. Sinubukan kong pigilan ang pag-iyak, ngunit hindi ko kinaya, tumakbo agad ako sa banyo upang hindi nila makita. Doon ako umiyak nang walang nakaka-alam. Ang daming mga bagay na dumaan sa isip ko. Nagsipilyo na lang ako kunwari para masabing may ginawa ako sa banyo. Hinintay kong kumalma ang sarili ko bago ako lumabas.

Bumaba ako ng kalmado, pero hindi pa rin maalis yung inis na naramdaman ko, hanggang sa pagsulat ko nito ay inis pa rin ako. Isinulat ko ‘to dahil hindi na ko makapagtimpi, pinanggigilan ko ang keyboard ng laptop ko nung una at nauwi ako sa pagsulat nito.

Previous post Next post
Up