Feb 18, 2008 15:12
Kung papatalsikin si GMA sinong tulisan na naman ang ipapalit? Binabalik na naman natin ang ating mga sarili sa mga pagkakamaling ginawa. Hinahayaan lang natin ang mga mas lalong sakim at ganid na maghari sa ating naghihirap na bayan. Hindi natin naiisip ang solusyon sa problema, ngawa lang tayo ng ngawa. Sino ang karapat dapat na ipalit? Wala.
Pagod na ang taong magrebolusyon, palitan man ang presidente wala ring mangyayaring mabuti. Pare pareho lang silang magnanakaw at umaabuso sa kapangyarihan. Kung tutuusin kulang na lang ibenta nila ang bansa para ibulsa nila sa sariling pitaka. Wala na silang magawang mabuti para sa bayan.
Kung makikita tayo nina Rizal ngayon, manlulumo sila at pagagalitan ang bawat tao sa gobyerno at sa pamayanan. Para saan pa ang kanilang kabayanihan kung hahantong lang pala sa mga sakim sa kapangyarihan at mapang-abusong Pilipino? Para san pa ang kanilang buhay kung mababaon lang tayo sa mga corrupt officials? Ang masaklap pa, mismong kababayan pa ang nang-aapi. Kawawa naman tayo.
Kaya ako, kibit balikat na lang manonood sa sarswelang nilalaro nila sa politika. Palitan man ang presidente, hindi naman madaragdagan ang pagkain sa aming plato. Namumuhay ako ng marangal at nagsusumikap umahon sa putikang bunga na rin ng masaklap na buhay na minana sa mga magulang at hinulma ng pamayanang walang pakialam kung di sa sarili lamang. Pag oras nang lumaban, itataya ko ang buhay ko sa para sa bayan - pero sa ngayon bahala kayo sa buhay nyo, hindi ako magpapagamit sa mga kalokohan nyo.
- Juan (de la Cruz)
PS. At sa tuwang-tuwa sa aking pananahimik, ang masasabi ko lang: hahagupitin kayo ng karma nang hindi nyo namamalayan. Sampung beses na mas matindi at mas masaklap ang mangyayari sa inyo. Susunugin din ang kaluluwa nyo sa impyerno kasama nga mga madarayang pamilya ninyo at kailanman hindi matatahimik ang konsensya nyo sa mga kalapastanganan ninyo sa Inang Bayan.
philippine politics,
issues,
corruption,
nbn