isang awiting hiling sa hindi nagpapatulog na magdamag

Nov 10, 2009 01:01

kaibigan, kaibigan
minsan ko lang sasabihin
ang bagay na ito
hindi dahil walang halaga
ang payo, diskurso

kundi dahil sa ngayon
ang walang halaga
ay ang panahon, tuwing
maiiwang himulmol ako
ng maraming taong lumipas
at ng mga nagdadaang oras.

hindi ko ikakaila
na minsan nang hinintay
na magbalik s'yang itinuring
kong araw ng bawat gabing nakakulong
sa lamig at pait
ng alaalang hindi ko
ninais mabuo. minsan,

naitatanong ko nga, kung
dapat pa bang maulit
ang mga kahapong hindi naman
naganap sa pagitan
ng dalawang pusong naghahanapan
ng tahanan, ng masisilungan.

kaibigan, kung maaari
pagkalooban ako ng awit
hindi upang pukawin ang puso
kundi upang sikilin ang apoy
na ayaw tumila sa pagliyab
dahil patuloy akong napapaso
ng lungkot. huwag mong hayaan

na mauwi sa nagdaang bukas
ang lumipas na suyuan. iwan na
lang ako ng awiting magpapatahan
sa mga gabing inulan na
ng matatamis na kahapon,
at hayaang matapos ito
sa saliw ng hindi pa
nalilikhang pangako't panaginip.
Previous post Next post
Up