Sep 04, 2011 13:04
Hindi ko maiwasang mainis sa tuwing masasabihan ako ng aking lola na hindi ako marunong magwalis. Madalas niya akong masabihan nito sa tuwing makikita niyang tuwid ang aking likod at ang walis ay di man lang sumasayad sa lupa. Bagamat ay bata pa ako noon at labag sa aking kalooban na mautusang gumawa ng gawaing bahay, aminado akong madalas akong masabihang tamad ni papa at di ko itatangging ayaw kong kumilos sa tuwing mauutusan.
Gaya ng ng sabi nila, dumarating sa punto na isusuko mo ang idealismo pag naintindihan mo na ang kahalagahan ng mga bagay-bagay sa mundo. Dati rati, ang aking paniniwala ay, hangga't may gagawa, iba ang gagawa.Sa akin, natutunan ko ding maunawaang di ako pwedeng manatili na walang alam sa gawaing bahay. Gaya ng madalas sa akin ni mama: "iba na ang may alam sa bahay".
Kaya nakagawian na naming magkapatid na tumulong sa gawaing bahay tuwing bakasyon. Kadalasan, ako'y naitatalaga sa paglilinis sa sala. Sa tulong ni mama, natutunan ko na ang pagpupunas upang maalis ang alikabok sa mga muwebles ay ginagawa matapos magwalis, na dapat ibilad ang throw pillows sa arawan bago ito isaayos sa mga sofa.
Minsan din akong naatasang magluto at di ko makalimutang sariwain ang unang itlog na aking pinirito na nag mukhang okoy. Matapos kong masugatan ng ilang beses, makabasag ng platito sa gulat ng ako'y matilamsikan ng mainit ng mantika at masabihang sobra o kulang sa lasa ang aking niluto ay natutunan kong mamaster ang ilang lutong aking maipagmamalaki (Sinigang na Baboy, Adobo, Ginisang Ampalaya, Tinola, Chicken / Pork Af Aritada atbp.).
Natutunan ko ding magsaing matapos ng ilang gabing kumain ang aming maganak ng matigas at minsa'y sunog na kanin. Higit sa lahat, natuto akong mag-bake ng brownies at pancake (wala pa ding tatalo sa homemade macaroons ni mama).
Sa paglalaba, natutunan kong ihiwalay ang puti sa decolor dahil ng minsang ako ang maglaba, naging pink ang puti kong pantalon. Ang dati rating pagtulong sa pagbabanlaw ng damit matapos i-washing machine ay nauwi sa solo kong paglalaba ng damit naming maganak. Naintidihan ko na mainam na banlawan ng tatlong beses ang mga damit matapos itong isalang sa washing machine. Masasabi kong isa din ito sa namaster ko at kakayanin kong gawin miski ako ay maiwan sa aming bahay at muling maitalaga na gawain itong mag-isa.
Natutunan ko ding magplantsa dahil sa aming H.E.L.E (Home Economics and Livelihood Education) class (Hi Ma'am Nem). Kagaya ng ilang pagsubok na aking napagdaanan upang matutunan ang mga ito, nagawa ko ding makasunog ng aking damit isang beses.
Maipagmamalaki ko na natutunan kong gawin ang mga ito kahit na hindi ko ito madalas na naisagawa dahil dati ay mayroon kaming kasambahay. Kung dati'y isinusumpa kong tumayo at kumilos upang tumulong sa gawaing bahay, ito ngayo'y aking kinahihiligang gawin tuwing Sabado at Linggo. Kadalasa'y hindi ko nga ba maintindihan kung bakit, ngayong ako'y nagtatrabaho na at dapat na mapahinga tuwing weekends.