Nov 25, 2008 07:20
Ito ang kadalasang tanong sa akin
ng mga dati kong kakilala.
Nagbago na raw ako
at hindi ko na raw sila binibigyang-halaga.
Ngunit ano nga ba
ang nararapat na bigyang-halaga?
Kung ang hindi pagkain
ng milyon-milyong taong naghihirap
na dulot ng pagiging gahaman ng iilan
ay hindi dapat pahalagahan;
Kung ang pag-agaw ng lupa sa mga magsasaka
at pagtanggal sa trabaho ng mga manggagawa
na silang lumilikha ng yaman ng bansa
ay hindi dapat labanan;
Kung ang panggagahasa sa mga kababaihan
at ang pagyurak sa kanilang dangal
sa pag-iisip na sila'y pangkama lamang
ay hindi dapat ipag-ngalit;
Kung ang pag-alis ng karapatan
sa mga kabataang makapag-aral
na siya pa man ding "pag-asa ng bayan"
ay hindi dapat pinipigilan;
Kung ang pang-aabuso sa mga kababayang
lumisan upang magtrabaho sa ibang bansa
at minsan pa'y umuuwing nasa loob ng ataul
ay ipinagwawalang-bahala;
Kung ang pagpatay at pagdukot
sa libong aktibistang nakikibaka at nakikipaglaban
para lamang sa karapatan ng nakararami
ay hindi dapat bigyang-pansin;
Ano pa ang nararapat na pahalagahan?
Kung walang galit na nadarama
sa mga pang-aaping tulad ng mga ito,
at hindi kumikilos upang labanan
ang sistemeng mapanira at mapanlinlang;
Ibabalik ko sa inyo ang tanong:
"Bakit kayo nagka-ganyan?"
Nobyembre 2008
Bulacan, Philippines
-------------
In-attempt ko sanang magsulat ng blog entry para sa mga kumu-kwestiyon, para sagutin ang mga katanungan. Pero naalala ko, naisulat ko nga pala ito bago ako umalis ng Pinas.
Patawad. Sa mga nasaktan. Sa mga nakaramdam marahil ng pagtalikod ng isang kaibigan. Sana, balang-araw, haharap at tutungo din tayo lahat sa iisang direksyon. Hindi ako mawawalan ng pag-asa na isang araw, makakasama ko rin kayo sa paglalakbay.
Hindi naman ako nakalimot. Naiba lang ng landas na tinahak kaya marahil hindi nagkasalubong. Hanggang sa muling pagtatagpo. Kitakits.