di- Pormal na sanaysay

Dec 16, 2010 02:31


 Mga Drayber ng Dyip
ni Julisa V. Mojica
 Ang dyip ay tatak na ng ating bansang Pilipinas, tatak Pinoy ika nga. Ang sabi pa nga sa isang patalastas, “Hindi ka Pinoy kung hindi ka pa nakakasakay sa dyip.” Ang dyip ang sasakyang naging kakabit na ng pangalang Pilipinas. Ito ang sasakyang pang-araw-araw nang tanawin sa alin mang kalsada sa ating bansa.
Sa pagsakay mo sa sasakyang ito ay makakatagpo mo ang iba’t ibang uri ng drayber na maghahatid sa iyo sa iyong nais puntahan. May drayber na karerista, may drayber na ang minamaneho yata’y pagong, may drayber na nagbibingi-bingihan, at may drayber na may sariling presyo ng pamasahe. Kaya nga ba’t sa pagbaba ng Pilipino sa dyip na kanyang sinasakyan ay samu’t saring reaksyon ang iyong makikita. May natatawa, may naiinis, may yamot na yamot, may bulong ng bulong at may naiiling na lamang.
Mabuti pa siguro’y kilalanin natin ang mga drayber na nakapagdudulot ng samu’t saring reaksyon sa kanyang mga pasahero.

Ang una ay ang drayber na malimit mong makatagpo kung ika’y bumabyahe bago sumikat ang haring araw at kumalat ang liwanag sa kapaligiran. Siya ang drayber na parang nasa karera ng kotse kung magpatakbo. Parang palagi na lamang siyang may inuungusang katunggali kahit na sa katotohana’y wala ka namang makitang gaanong kasabay na dyip o ano pa mang sasakyan sa daan. Kung mahal mo pa ang iyong buhay ay ‘di sasalang kakapit ka ng mahigpit, gamit ang dalawang kamay (isa sa itaas at isa sa gilid) sa mga bakal na kapitan ng dyip sapagkat kapag nagpreno na ang drayber at hindi ka nakakapit ng mahigpit ay paniguradong titilapon ka sa kabilang dulo ng upuan at kapag minamalas ay malalaglag ka pa sa may sahig. Magandang kapalaran na nga lamang siguro kung hindi ka magkakaroon ng ni isang galos man lang. Dahil dito, habang nasa byahe’y hindi mo malaman kung mapapangiti ka na lang (dahil sa mga reaksyon ng mga kaharap mong tila pare-parehong nakasakay sa isang nakakatakot o di kaya’y kapanapanabik na sasakyang pangperya), magdarasal na sana’y buo pa at nakakabit ang lahat ng parte ng katawan sa iyong pagbaba o matutuwa dahil walang salang hindi ka mahuhuli sa iyong pupuntahan.

Ang ikalawang uri nama’y ang drayber na malimit mong makakatagpo kapag medyo nahuli ka na nang gising o ‘di kaya’y tanghali nang talaga ang iyong lakad. Siya ang drayber na tila isang daang taong gulang na pagong ang minamaneho dahil ang lahat ng kanto ay kanyang hinihintuan. Ang lahat ng tao, kahit hindi naman pumapara, ay kanyang aayain at hihintaying sumakay. Hindi siya aalis hangga’t hindi niya nasisigurong yamot na ang hindi naman talaga sasakay na taong hinaharangan niya at inaalisan ng pagkakataong mapara ang sasakyang nais talaga niyang sakyan . Sa mga pagkakataong ito, kung nakamamatay lamang ang mga masasamang tingin ay napakaraming beses na sanang napahandusay ang manhid na drayber dahilan sa mga matatalim na titig ng kanyang mga pasaherong huli na sa kanilang mga patutunguhan dahil sa kanyang kabagalan sa pagpapatakbo. Ngali-ngali na siyang singhalan at sigawan ng mga pasahero ng “ano ba manong, wala namang sasakay!” dangan nga lamang at iniisip rin nila marahil na ang manong drayber ay maraming bibig na pakakainin kaya’t abot-abot ang paghahangad sa isang mas malaking kita.

Ang ikatlong uri ng drayber ay yaong drayber na hindi naman katandaan (ang iba’y batang- bata pa nga) ngunit may problema yata o may takip ang tainga kung kaya’t hindi ka marinig kapag ika’y nagsasalita na. Siya ang drayber na kapag binigyan mo ng kinse at hingiin mo ang iyongt sukli ay parang kinakausap mo na lamang ang hangin sapagkat tuloy-tuloy lang siya sa pagpapatakbo at pagmamaneho na parang walang anu mang naririnig lalo na nga kung gabi na’t wala nang pakialam ang iba pang pasahero. Dahilan sa pagtataingang kawali ng drayber ay mayayamot ka na lamang at magpapasyang hindi na kunin ang sukli lalo na kung malapit ka nang bumaba ngunit wala pa ring pagtinag ni paglingon ng saglit mula sa drayber.
Ang ikaapat na uri ng drayber ay yaong drayber na ipinapanalangin mong huwag mo sanang makatagpo sapagkat siya namang tunay na makapagpapasakit sa iyong ulo. Siya ang drayber na nakasanayan na yatang magtaas at magdagdag ng pasahe kung kailan niya gusto. Sa pagbigay mo ng eksaktong pasaheng araw-araw mong ibinabayad sa ibang dyip ay daglian ka niyang lilingunin at sasabihing “kulang po ng tres”, mga katagang ikatataas mo na lamang ng kilay at gagantihan ng isang imbing pagtutol sapagkat hindi mo na nais na humantong pa ito sa isang argumento. Kapag naratnan ka ng drayber na ito sa isang hindi mapagtimping kalagayan ng damdamin at mapangahasan mong sabihing, “araw-araw ho, iyan ang ibinabayad ko” ay daglian ka niyang tutugunin ng isang may halong pagkains na “araw-araw din ho akong bumabyahe, ilang balik dito, mula umaga hanggang gabi”, bulalas na lalo lamang makapagpapainit ng iyong ulo. Kung isa ka namang estudyante, naka-ID at nakauniporme, hindi sasalang lilingon pa rin siya at sasambit ng isang “kulang po ng tres” na tutugunin naman ng mag-aaral ng isang, “estudyante po” na wari’y hindi niya maririnig kaya’t ipipilit pa rin niyang kulang ka ng tres. Ito’y ikaiiling mo na lamang, ikabubuntong hininga at saka magdudulot ng isang maypangutyang tanong sa sarili, “kailan kaya nagtaas ng pasahe?”.

Hay naku! Buhay nga naman. Sa dami ng tao sa mundo (o drayber sa pagkakataong ito) ay hindi sasalang makatatagpo ka talaga ng mga taong makapagpapa-init sa iyong ulo. Kaya nga kung isa kang pasahero at makatagpo ka ng isang drayber na sasagad sa iyong pasensya, mangyari lamang na pumikit at bumilang hanggang sampu nang sa gayon ay hindi na makapagbitiw ng mga salitang hindi na mababawi. Mga salitang makasususgat at makapagsisimula ng isang walang patutunguhang away. Isipin na lamang na marahil ay kinakailangan lamang niyang kumayod ng higit sa kaya para sa isang lumolobong pamilya.

At para naman sa lahat ng mamamayang Pilipino ay pakaisipin ang mga tanong na ito, ang mga kaugaliang ito ba , tulad ng dyip, ay hahayaan nating maging tatak na rin nating mga Pilipino? Ang paglimot ba sa kapakanan at kabutihan ng kapwa’y likas na sa tao? At ang panlalamang din ba iba, tulad ng gawi ng ilang drayber, sa ano mang paraan ay gawain mo?
Sana’y pakaisipin natin ang bawat nating gawi at huwag nang gumaya sa mga ugaling alam na nating mali at nakayayamot. Sapagkat lahat tayo naman ay binigyan ng Diyos ng kakayahang magtimbang-timbang at pumili ng sa tingin natin ay nararapat. Sana nga lamang ay piliin nating gawin ang tumpak at hindi yaong pagtulad lamang sa mga ugaling kumakalat, lumulukob at sumisira sa mga magagandang ugaling pinasimulan at ipinunla ng ating mga ninuno.

(Isang hindi pormal na sanaysay)

di-pormal na sanaysay

Next post
Up