animo'y mga mandarambong

Jul 03, 2008 12:09


Dahil May Mga Tanong Na Sadyang Mapangahas

Paminsan may mga gabi
kung saan damang-dama mo
ang mga Tanong

na umaaligid sa iyong likuran,
animo'y mga mandarambong
na handang hablutin
at nakawin ang iyong mga mahahalagang dalahin.

Marahas nilang hihigitin
ang iyong pitaka,
at mabilis na tatakbo papalayo;
hindi ka man lamang makasisigaw
o makahihingi ng tulong.

(Kunsabagay, walang saysay ang manaklolo).

Maninigas ka sa iyong kinatatayuan,
at lilipas ang ilang minuto;
kapag nahimasmasan,
iyong mapagtatanto
na dala nila ang lahat ng iyong kailangan
upang makauwi sa iyong

tahanan,

kaya't sisimulan mo na lamang maglakad,
mamadaliin ang mga hakbang
upang hindi na muling maabutan
ng panibagong mga Tanong

na may dalang mga patalim,
at sadyang walang awa.

-----

Minsan may mga gabi na hindi ka makatulog o makahiga ng tahimik dahil napakaingay sa loob ng iyong utak. Pilit mong kakalimutan ang iyong mga iniisip, ngunit habang pinipilit mong limutin ang mga iyon -- sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro, pakikinig sa musika,  pagsusulat, pagguguhit, pakikipagusap sa ibang tao -- talagang mananaog pa rin ang mga tanong na hindi mo naman nais tanungin. Mga kaisipang hindi mo naman nais isipin.

Previous post Next post
Up