Jan 12, 2009 13:00
napag-isip-isip ko lang, matapos ang mga kaganapan nitong mga nakaraang araw, na maraming tao na mahilig sumakay sa mga maiinit at rumaragasang usapin. nagpapaanod sila sa mabilis na pag-agos ng mga usapan, at sinasagwan nila ang kanilang mga bangka ng mga malalapot na opinyon. ayaw magpahuli, minamadali nila ang kanilang paglakbay sa ilog ng kuro-kuro gamit ang kani-kanilang hatol sa mga pangyayaring hindi naman nila lubusang alam, o kahit pa wala silang pinang-hahawakang katibayan, maliban sa salitang gumagala sa kung saan-saan.
ako kailanman ay hindi nagpadala sa uso. tinagurian na akong baduy sapagkat hindi ko tanto kung ano ang kasalukuyang kulay, tahi, tabas, at tatak. pinagkamalan na rin akong walang pakialam, dahil bihira akong maglathala ng aking mga palagay sa mga usaping laman ng labi't dila ng lahat. ang sa akin lamang, dapat alamin ang tunay na mga pangyayari. dapat suriin ang bawat suliranin mula sa iba't-ibang anggulo. dapat pakinggan ang panig, maging ng mga taong taliwas ang paniniwala sa atin. huwag nating hayaang malunod tayo sa init ng usapan, sapagkat sadyang napakahirap mapaso ng kamangmangan. huwag nating daliin ang pagbitiw ng paghuhusga, lalo na kung wala naman tayong lubos na kaalaman.
hindi ako mananawagan. hindi ko rin sasabihing hangal ang mga taong ura-urada sa kanilang pagpapasiya, kahit pa sa paghawi ng mga ulap at pagdating ng liwanag ay lumalabas na nanalig pala sila sa buhangin ng batong katotohanan. bahagya lang akong natatawa. bahagya rin akong naaawa: paano babawiin ang mga salitang nailimbag at naipamahagi na? pero masaya akong hindi ako napaso ng aking pagmamadaling maging sikat, dahil lang nauuna ako sa mga uso.
for my foreign readers, if you'd like a translation in english, let me know.
filipino,
opinion,
vernacular