Sep 28, 2010 00:38
Berso #2
ni Maningnig Miclat
Dumaan ako sa tahimik na ilog,
Ang buong mundo ay parang natutulog.
Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog,
Parang ang puso ko itong nadudurog.
Kung mag-isa ako huwag nang isipin,
Sa dilim ay dapat pa akong hanapin.
Habang may luha ay huwag pang ibigin,
Sa pangarap ko ay huwag nang gisingin.
Kaya kong maghintay sa mga tula mo
Makinig sa awit ng kabilang dako
At tuklasin sa paglalakad na ito
Hamog at luha ng bulaklak at damo.
Mapapanood ang sayaw ng tutubi
Mapapakinggan ang ibong humuhuni
Hihinahon ang pusong di mapakali
At hihimlay na sa mapayapang gabi.
Dumaan ako sa tahimik na ilog,
Ang buong mundo ay parang natutulog
Kung may bunga mang sa tubig ay nahulog
Parang ang puso ko nga itong nadudurog.