Hindi ko sure kung kanino ito. Kung kanino man ito, salamat,
though epic fail dahil pa-north bound na ang biyahe,
wala pa sa vicinity ng crossing.
Aaminin at aaminin ko na, minahal ko na ang pagsakay ng bus sa araw-araw na buhay ko dito sa Maynila. Andaming dahilan kung bakit sa tuwing maglalakad ako sa kahabaan ng EDSA, imbes na umnakyat ako sa MRT para sumakay ng tren ay dumaraan na lang ako sa overpass para sumakay ng bus. Kung tutuusin mas mabagal ang bus kumpara sa tren at kailangan ko pa talagang gumising ng mas maaga para hindi ako maleyt sa pagpasok ko sa iskwela. Pero sa ngayon, ang bus ang mas pinipili ko, kahit minsan hindi rin naman siya ganung kadaling sakyan.
Kakaiba talaga ang nabibigay sa akin ng bus sa tuwing uupo ako sa malapit sa bintanang pwesto sa tatluhang upuan (ayaw ko sa dalawahan, pag umaga kasi, doon nakatapat ang sinag ng araw). May sense of nostalgia. Tandang tanda ko pa kasi nung bata ako yung fascination ko sa bus. Yung pinakamaagang alaala ko ng pagsakay ng bus ay palagay ko yung pagkamatay ng lolo ko sa father side. Hindi alam ng mga kapamilya ko ito pero tanda ko yung ilang eksena kung saan naglalakad ako sa isang mahabang pasilyo na maraming taong dumadaan, tapos nakikita ko sa magkabilang panig ng pasilyo yung mga puting bagay na mukhang kama, which turns out to be mga nitso.
Okay back tayo sa bus.
Natatandaan ko yung image na yung kapatid kong bunso ang nakaupo sa malapit sa bintana ng bus, tapos ako, then hindi ko sure kung si ate ba ang susunod o si mommy o si daddy. Tapos kinuha ng bunso kong kapatid yung inabot na isang supot ng mani/beans ng nagtitinda at biglang isinoli ito ni mama (hindi ko sigurado kung si mama) dahil hindi naman talaga kami bibili ng mani.
Kaya lagi akong umuupo malapit sa bintana kasi pag ginagawa ko yun, naaalala ko yung pinakamatandang alaala ko sa bus. Yun.
Anyway, kumportable sumakay ng bus. Kasi hindi ako naririndi sa pakikinig ng paulit-ulit na ads ng Dunkin Donuts at ng mga paulit-ulit na palpak na trivia ng MRT. Kung hindi morning music, si Mr. Fu o yung Balasubas at Balahura ang napapakinggan ko, nakakapanood naman ako ng pelikula o kaya naman ng Unang Hirit sa umaga. Hindi ko rin alam kung bakit Unang Hirit at hindi Umagang Kayganda ang napapanood ko sa bus tuwing umaga. Feeling ko mas madali lang makuha ng antenna ng TV.
Nadiskubre ko rin ang advantage ng bus lalo na sa pagbuo ng konsepto. Sa mga nakaraang film exercises na nagawa ko, karamihan ng mga ito ay sa bus ko naipanganak. Mula Apotheosis hanggang Sikulo hanggang sa Dear ReeRee, mula talaga siya sa marahan na pagmumunimuni habang hinihintay kong makarating ng Philcoa. Andami mo kasing pwedeng maisip pag nasa bus ka. TUlad nga ng pelikulang Biyaheng Lupa ni G. Bing Lao, halos karamihan ng mga nagaganap sa loob ng bus ay nangyayari sa mga isip ng pasahero. Sa dami ng nakikita, naamoy, naririnig at nadarama ko sa isang sakayan sa bus, andami ko talagang naiisip. Sa totoo lang.
Nakaka-emo din ang bus, sa totoo lang. Dito ako nakakaisip ng mga malulungkot na bagay na nangyari sa akin, at kung halimbawang may mga buildings na nadadaanan na nagpapaalala sa akin ng mga sad stories, ayun, instant emo. Naiisip ko minsan kung sa loob ba ng bus na iyon, ako lang ang malungkot, kung ako lang ang naghahanap ng purong kaligayahan. At minsan naiisip ko rin kung ako lang ba ang nag-iisip ng susunod na konsepto ko sa directing.
Masaya sumakay sa bus. In fairness masaya talaga siya. Yun nga lang kung sa maling lugar ka ibaba, o kaya malayo na'y pinabababa ka na ng konduktor dahil magko-crossing ilalim na raw sila imbes na crossing ibabaw. Puta, gaguhan. Buti pa ang MRT, though may dugyutan dahil sa hawaan ng pawis, wala talagang lokohan. As in. Keri. May maiipintas pa rin pala ako sa bus. Pero kahit pa ganon ang buhay, bus pa rin ako. Hindi ko muna siya susukuan, unless biguin niya ako tulad ng pagkabigo ko sa maraming pagkakataon.
Pahabol.
In fairness pag baba ko ng Crossing Ibabaw, madalas natatanaw ko ang GA Towers. May naaalala ako madalas, pero keri ko na yun. Naalala ko lang naman.